IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
PAANO KUNG WALANG KAPALIT?
MT. 13; 24-43
Tanong ng isa kong kaibigan sa akin dati: Paano kung wala naman palang langit na naghihintay sa ating nagtitiyagang magsabuhay ng Mabuting Balita? E di sayang lang ang pagkakataon na dapat ay ginugol na lang natin sa pagpapakasaya sa mga makamundong bagay!
Hindi malayong makapag-isip tayo ng ganito lalo’t nakikita nating nagaganap ang sinabi ng talinghaga ng Panginoong Hesus ngayon: “Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?” Kung ang Diyos nga naman ang pinagmumulan ng lahat ng kabutihan, bakit may mga masasamang tao? At bakit sila lagi ang nagsasaya, nagpapasasa, naglilibang dito? Bakit ang daming dapat iwasan upang maging mabuti? Bakit kailangan pang magtiis at magsakripisyo?
Kung mag-iisip tayo nang ganito, hindi ba ang kitid lang ng ating pananaw? Nakatutok lang tayo sa kasalukuyan, sa materyal na bagay, at sa mga lumilipas. Makikita lang natin ang nagaganap sa ngayon. Mapapahalagahan lang natin ang mga pakinabang ng materyal na bagay. Mapapako lamang tayo sa mga naluluma, nalalaos, at nalalantang sangkap ng buhay. At sa totoo lang, lubhang malawak ang buhay kaysa sa mga ganitong bagay lamang.
Hindi lang tayo nabubuhay ngayon dahil may bukas na naghihintay at darating. Hindi lang tayo naghahangad ng materyal dahil ang puso ay tumitibok sa higit na malalim at makabuluhan. Hindi lang tayo kumakapit sa nasa paligid natin – maging katayuan, papuri, kayamanan, kalusugan o kagandahan – dahil lahat naman iyan may hantungan at wakas.
Ang mga nagsisikap sumunod sa Panginoong Hesus, sa kabila ng mga pagsubok at hirap, ay may batid na lihim sa kanilang puso. Sa pag-aani, sa panahong tatayo tayo sa harap ng Diyos upang isulit ang lahat nating isip, salita at nagawa, may nakalaang katangi-tangi sa mga nanatiling tapat sa Panginoon. “Ipunin ninyo ang damo… at sunugin… ipunin ninyo ang trigo at dalhin sa aking kamalig.”
Isang hiwaga kung bakit sa puso ng Diyos, pinayagan niyang magsabay ang mabuti at ang masama. Subalit sa mga nagmamahal sa Diyos, ang kasamaan at kasalanan ay hindi pagpipilian dahil hindi ito mananatiling matatag sa harap ng Diyos. Bawat mabuti naman ay tila may sariling buhay; lumalaganap ito sa mundo natin, at pumapailanglang pa patungo sa langit. Huwag tayong mainggit sa masama; kumapit tayo sa galak ng mga bagay na tunay na mananatili hanggang wakas.
Ourparishpriest 2023