Home » Blog » PARING KILALA SA AWA, HINIRANG BILANG CARDINAL

PARING KILALA SA AWA, HINIRANG BILANG CARDINAL

Isang 96 taong gulang na paring Franciscan Capuchin ang kasama sa mga itatalaga bilang mga bagong Cardinal ng simbahan sa Setyembre 2023. Hindi siya mataas na opisyal ng isang diocese o maging ng kaniyang religious congregation. Hindi na din siya bata tulad ng ibang nahirang. Ano ang dahilan at siya ay napasama sa bibigyan ng parangal na ito?

Si Fr. Luis Pascal Dri mula sa Argentina ay isang simpleng pari na ang gawain umaga at hapon ay ang magpakumpisal sa mga dumadalaw sa Santuario de Nuestra Señora del Rosario de Nueva Pompeya sa Buenos Aires. Dito siya nakilala at naging kaibigan ng dating Cardinal Jorge Bergoglio na ngayon ay si Pope Francis. Humanga si Pope Francis sa misyon ni Fr. Dri sa pagpapakumpisal nang walang sawa. Sinasabing maging ang Santo Papa ay dating nagkukumpisal sa simpleng paring ito.

Madalas na gamiting halimbawa ni Pope Francis ang buhay ni Fr. Dri lalo na kung ang tema ng kanyang panayam ay ang “awa” o “habag” ng Diyos. Minsan na din kasing nagduda ang pari kung sumosobra na siya sa pagpapatawad sa kumpisalan. Hanggang minsan sa panalangin, nasabi nito: “Panginoon, patawarin mo ako kung sumosobra na ako sa pagpapatawad sa mga makasalanan. Pero kung tutuusin, ikaw ang nagturo sa akin ng ‘masamang’ halimbawa sa larangang ito.” Para kay Pope Francis ang pagninilay na ito ni Fr. Dri sa kanyang misyon sa kumpisalan ay tanda na isinasabuhay na niya ang awa ng Diyos; na bahagi na ng kanyang buhay ang habag ng Diyos na kanyang nararanasan at patuloy na ibinabahagi.

Si Fr. Dri ay walang mataas na pinag-aralan o mataas na posisyon. Ang tanging paninindigan niya ay napakabuti ng Diyos na handa siyang magpatawad sa sinumang lumalapit sa kanya. Ito ang payo niya sa mga takot magkumpisal: “Huwag kayong matakot, huwag mangamba. Ang Kumpisal… ang tanging kailangan ay ang pagnanais na maging mas mabuti, wala nang iba. Hindi kailangang mag-isip kung kanino magkukumpisal, o ilang beses, o anumang bagay. Hindi ito nakatutulong. Ito ang nagtataboy sa tao. Ang misyon ko ay ilapit ang mga tao sa Diyos, kay Hesus.”

Salamat sa:

https://www.vaticannews.va/en/pope/news/2023-07/confessor-who-apologised-to-jesus-for-forgiving-too-much.html

ourparishpriest 2023