SAINTS OF AUGUST: San Alfonso Maria ng Liguori (Obispo at Pantas ng Simbahan)

AGOSTO 1 A. KUWENTO NG BUHAY Sa bayan ng Marianella, malapit sa lungsod ng Naples sa Italy, isinilang si San Alfonso. Matalino at matiyaga sa pag-aaral, una niyang pinasok ang mundo ng pagiging abogado. Dalawa ang natapos niyang doctorate degree tungkol sa batas—civil at canon law. Nang hindi niya nakita ang katuparan ng kanyang mga pangarap sa mundo ng kanyang propesyon, iniwan niya ito. Alam niyang hindi siya tinatawag sa buhay pag-aasawa. Nagsimula siyang mag-aral tungo sa bagong layunin na maging pari. Naging isang paring sekular o diyosesano si San Alfonso noong 1726. Maraming mga karanasan ang nakatulong upang lalong lumawak ang pagkatuklas ni San Alfonso sa kanyang tunay na misyon. Dahil sa pagbibigay ng isang retreat sa mga madre, nakatulong siya sa mga ito upang lalong maisaayos ang kanilang pagtatalaga ng sarili sa Diyos. Dito nabuo ang tinatawag na Redemptoristine Sisters, na kumikilala kay San Alfonso bilang kanilang tagapagtatag. Dumating ang panahon na nakapagtatag din siya ng isang bagong religious congregation para sa mga lalaki, ang Congregation of the Most Holy Redeemer na kilala ngayon bilang mga Redemptorist. Mas kilala ang mga ito ngayon sa Pilipinas bilang tagapagtaguyod ng debosyon sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo, halimbawa sa Baclaran at sa Dumaguete City. Matiyaga si San Alfonso sa paglilibot upang mangaral. Naging tanyag siya bilang magaling na tagapagpaliwanag ng aral ng simbahan. Napabalita din ang kanyang galing sa pagpapakumpisal. Maraming mga tao ang dumagsa upang humingi ng pagbabasbas sa kumpisal. Nagsulat ng maraming libro tungkol sa moral theology si San Alfonso at dahil dito ay napabantog siya bilang isang eksperto. Itinuturing na isa sa mga sentro ng pag-aaral ng moral theology sa buong mundo ang paaralan ng mga Redemptorist sa Roma. Bilang isang santo, tinatawag na patron saint ng mga moral theologian si San Alfonso. Isa rin siya ngayong Pantas ng Pananampalataya (Doctor of the Church). Hinirang na maging obispo si San Alfonso sa Sant’Agata dei Goti, sa Benevento sa Italy, kahit medyo may katandaan na siya noon. Iniwan din niya ang posisyon na ito matapos ang ilang taon upang muling makapiling ang kanyang religious community, ang Redemptorists, na noon ay nagsisimulang dumanas ng mga pagsubok. Pumasok sa kaluwalhatian ng langit si San Alfonso noong taong 1787. Sa Italy, isa sa mga paboritong kantang pamasko ay ang Tu Scendi Dalle Stelle (sa Pilipino: Bumaba Ka Mula sa mga Bituin), na sabi ng mga tao ay isinulat ng ating santo.   B. HAMON SA BUHAY Modelo ng mga pari si San Alfonso sa larangan ng mabisang pangangaral at sa dedikasyon sa sakramento ng kumpisal. Kailan ba tayo huling naging seryoso sa pakikinig sa pangaral sa ating simbahan at kailan tayo huling nakaranas na magkumpisal? Ipagdasal natin sa Diyos na tayo ay palaging maging bukas sa mga biyayang ito. K. KATAGA NG BUHAY  Rom 8:2 Kay Kristo Jesus, iniligtas ka, mula sa batas ng kasalanan at kamatayan, ng batas ng espiritu na siyang buhay. Share on FacebookTweet Total Views: 631