SAINTS OF JULY: SAN CAMILO DE LELLIS, PARI

  HULYO 14 SAN CAMILO DE LELLIS, PARI   A. KUWENTO NG BUHAY   Nang magkaroon ng malubhang karamdaman ang aking ina at pabalik-balik na na-ospital sa Philippine Heart Center, isa sa kanyang kaligayahan ay ang madalaw at makausap ng mga paring nakadestino doon bilang chaplains.    Sa katunayan, sa kanyang huling sandali ng buhay, ang chaplain ng ospital na iyon ang nagpumilit na siya dapat ang magbigay ng huling sakramento sa aking ina, dahil ito daw ang kanyang sinumpaang pangako at misyon sa buhay.  Ang mga chaplains ng nasabing ospital ay bahagi ng grupong tinawatag na Camillians.   Ang ugat ng misyon ng mga Camillians ay walang iba kundi si San Camilo de Lellis.  Isang marangya at kagalang-galang na pamilya ang pinagmulan ni Camilo. Ipinanganak siya sa bayan ng Buchianico malapit sa Chieti sa rehiyon ng Abruzzo sa Italya noong taong 1550.   Unang nahalina sa buhay militar si Camilo at naglingkod siya bilang sundalo nang ilang panahon. Subalit nang magkaroon siya ng isang personal na karanasan ng pagkakakilala sa Panginoon, naisipan niyang iwanan ang kanyang armas at sundan na lamang ang bagong itinitibok ng kanyang puso.   Nabuksan ang kanyang isip sa napakalaking misyon ng paglilingkod sa mga maysakit na nangangailangan ng kalinga at pagmamahal. Nag-aral upang maging isang pari si Camilo. At nang maging ganap na pari na siya ay lalo niyang itinalaga ang buhay para sa mga maysakit. Hindi siya nag-alinlangan na paglingkuran ang mga maysakit kahit na iyong mga biktima ng peste na kumitil ng maraming buhay.   Nagtatag siya ng isang religious congregation na ngayon ay bantog sa tawag na Camillians upang lalong matulungan siyang isagawa ang kanyang paglilingkod. Katuwang ang mga Camillians, nagtayo siya ng mga ospital kung saan ang mga maysakit ay hindi lamang ginagamot kundi minamahal bilang mga tao na kailangan ang pang-unawa at paggalang.   Ang abito o kasuutan ng mga Camillians ay sutana na may malaking krus na pula sa dibdib. Tila angkop ito sa kanilang natatanging misyon sa mundong ito dahil sila ang tumatayong Red Cross sa sambayanang Kristiyano. Lagi silang handang mag-alay ng aruga sa mga miyembro na lipunan na pinahihirapan ng iba’t-ibang sakit at karamdaman.   Sa Pilipinas, ang mga anak ni San Camilo ay ilang sa mga masisipag sa pagpapalaganap ng Clinical Pastoral Education o CPE, isang programang naglalayon na sanayin ang mga pari, madre, seminarista, pastor at sinumang nagnanais na magkaroon ng karanasan bilang chaplain ng isang ospital o ng isang pamayanan.  Dahil sa kanilang programang ito, maraming lingkod ng simbahan ang nagkaroon ng higit na pagkabihasa sa pakikipag-ugnayan sa mga maysakit at sa mga pamilya nito.   Noong 1614, habang nasa Roma, si San Camilo ay namatay na taglay ang isang mayamang karanasan ng pagkalinga at kabaitan para sa lahat ng mga may karamdaman.     B. HAMON SA BUHAY   Hindi madali ang mag-alaga ng maysakit. Bigyan natin ng ibayong pasensya at pagmamahal ang mga may karamdaman at matatanda sa ating mga pamilya at pamayanan.   K. KATAGA NG BUHAY     1 Jn 3: 14-18   Ganito natin nalalaman ang pagmamahal: itinaya niya ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din tayong magtaya ng buhay para sa mga kapatid.     (MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS) Share on FacebookTweet Total Views: 393