SAINTS OF JULY: SAN IGNACIO DE LOYOLA PARI

HULYO 31       A. KUWENTO NG BUHAY   Ang buhay ni San Ignacio ay kaakit-akit sa maraming tao mula sa kanyang panahon at hanggang ngayon. Masasabing isa siyang tagapaglakbay na naghanap ng kahulugan at saysay ng buhay. Kung seryoso tayo sa ating buhay at sa ating kaugnayan sa Diyos, hindi natin maikakaila na ang ating buhay din ay isang paglalakbay na kasama si Jesus at patungo sa Ama, isang kapana-panabik na adventure na puspos ng Espiritu Santo.   Tubong Loyola sa Spain ang ating santo na isinilang noong 1491.  Marangal ang kanyang pamilya at maganda ang plano nila para sa kanya. Bata pa lamang ay hangad na ni Ignacio ang maging lingkod sa palasyo ng hari at maging isang matapang na sundalo para sa kanyang hari. Natupad kapwa ang mga pangarap na ito.   Napasabak sa giyera laban sa France ang kanyang bansa at lumaban si Ignacio bilang kawal. Sa kasamaang palad, sa Pamplona, nasugatan siya sa binti at nadakip pa ng mga kaaway. Bilang isang bihag at habang nagpapagaling, nabasa ni Ignacio ang isang aklat, Ang Buhay ni Kristo (The Life of Christ) ni Rudolph ng Saxony at isa pang aklat tungkol sa buhay ng mga santo.   Nagsimula ang bagong paglalakbay ni Ignacio. Nais niya ngayong sundan ang tunay na Hari ng buong daigdig, ang Panginoong Jesus. Nagtungo siya sa Montserrat upang ialay ang sarili sa Mahal na Birhen. Pagkatapos tumira siya sa Manresa kung saan sinimulan niyang isulat ang kanyang naging tanyag na libro na Spiritual Exercises.   Nagpunta siya sa Jerusalem at doon ay ninais niyang sundan ang payak na buhay ng mga banal na taong namalagi sa mga banal na lugar doon. Bumalik din siya sa Spain upang mag-aral muli sa edad na 33 taong gulang. Maraming mga pagsubok ang naghintay sa kanya dahil sa pahirap ng mga taong hindi naunawaan ang kanyang pananaw sa pananampalataya.   Noong 1534, kasama ang anim na kaibigan, itinatag niya ang isang religious congregation na tinawag niyang Kapisanan ni Jesus (Society of Jesus o Jesuits). Maraming naging plano ang grupong ito para sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo sa buong mundo. Naging mabunga ang kanilang misyon nang ialay ang mga sarili sa pagsunod sa anumang nais ng Santo Papa na puntahan nilang mga lugar.  Kasama sa mga unang miyembro ay si San Francisco Javier na malaki ang nagawa sa misyon sa Asya.   Mabunga ang naging buhay ni San Ignacio dahil sa impluwensya ng magaling niyang mga aral tungkol sa pananampalataya at sa maayos na paghubog sa mga naging kasapi ng kanyang grupo ng mga pari at mga brothers.   Kilala sa larangan ng edukasyon, espirituwalidad, misyon, paghubog sa seminaryo, social apostolate, at maraming pang ibang pagkasangkot sa mga mithiin ng simbahan ang mga alagad ni San Ignacio ngayon.  Dito sa Pilipinas ay mataas ang antas ng edukasyon na galing sa mga paaralan at mga pamantasan ng mga Jesuits.   Namatay sa Roma si San Ignacio noong 1556. Patron siya ngayon ng spiritual retreats kung saan lumalalim ang karanasan sa panalangin at pagsusuri ng sarili ng mga dumadalo at nakikiisa dito.       B. HAMON SA BUHAY   Isa sa mga pamana ni San Ignacio ay ang karanasan ng retreat. Sikapin mong makadalo ng retreat kung saan makapaglalaan ka ng oras para sa pagdarasal at pagninilay sa buhay. Maaaring may mensahe at misyon ang Diyos na nakalaan para sa iyo na matatagpuan mo sa tulong ng retreat.       K. KATAGA NG BUHAY   Fil 2: 10-11   Upang paluhod na sumamba ang lahat sa pangalan ni Hesus sa kalangitan sa lupa at sa kailaliman at ipahayag ng tanang dila na Panginoon si Kristo Jesus para sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.   (MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS) Share on FacebookTweet Total Views: 465