ANG KAPISTAHAN NG PAGBABAGONG-ANYO NI KRISTO A/ IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON
PAMPALAKAS, HINDI PANOORIN
MT 17: 1-9
MENSAHE:
Nang magbagong-anyo si Hesus, mula sa karaniwang katauhan tungo sa isang kahanga-hangang kalagayan, napakaganda sigurong pangitain para sa mga alagad, isang pista ng mga mata, isang panooring nakakaaliw. Subalit para sa Panginoong Hesus, ang himala ng pagbabagong-anyo ay hindi para maging panoorin kundi para maging paghuhugutan ng lakas, pampalakas ito sa mga alagad sa panahon ng kanilang pagsubok. Mapapansing laging kasama ng Panginoong ang tatlo – Pedro, Santiago at Juan – sa mga mahahalagang sandali ng kanyang buhay-paglilingkod. Ito ang hudyat na may natatanging misyon ang bawat isa sa simbahan. Si Pedro, magiging pinuno ng mga apostoles at isang martir sa Roma; si Santiago, mangunguna sa mga Kristiyano sa Herusalem at magbubuwis din ng buhay; si Juan, magiging ebanghelista at siyang mag-aalaga sa Mahal na Birheng Maria. Para sa tatlong ito, at sa iba pang mga alagad sa sinaunang simbahan, ang landas na tatahakin ay magiging puno ng pagsubok at hilahil. Mayayanig ang kanilang pananampalataya at madudurog ang kanilang pag-asa kung hindi magpapaunlak si Hesus ng isang tanda ng kanyang tagumpay at kapangyarihan. Higit sa isang panoorin, ang Pagbabagong-anyo ay isang pampalakas para sa mga alagad sa panahong haharap sila sa pagdurusa. Ang nagniningning na katawan ng Panginoong Hesus at ang mahiwagang paglitaw ni Moises at Elias ang magiging inspirasyon at pangako na magpapanatili sa kanilang tapat hanggang sa huli. Ang karanasang ito ang paghuhugutan ng katatagan, ng tibay ng loob, at ng biyayang kanilang kailangan.
PAGNINILAY:
Sa panahon natin, marami pa ring nahuhumaling sa mga tanda at naaakit sa mga pangitain, himala at mga hindi maipaliwanag na hiwaga. Ayon kay San Francisco de Sales, ang pananampalataya natin ay hindi dapat naka-ugat sa mga mapaghimalang karanasan, gaano man makalangit at kamangha-mangha ang mga ito, kundi sa ating katapatan kay Hesus sa gitna ng mga pang-araw araw nating misyon at mga atas sa buhay. Anong larawan ni Hesus o anong salita niya ang nakapagpapalakas sa iyo sa pagsuong sa mga problema at hamon na kinakaharap mo sa bahay, paaralan, o trabaho o maging sa iyong mga ugnayan? Pasalamatan natin ang Panginoon sa inspirasyong ipinadadala niya sa atin. Ourparishpriest 2023