ANO ANG BANAL NA MISA? PART 15: ANG PAGHAHALO NG ALAK AT TUBIG
Ang paghahalo ng alak at tubig ay isang kaugaliang sinauna maging sa mga Griyego at sa mga Palestino. Minsan kailangan talaga ito dahil matapang ang alak. Upang magkaroon ng kahulugan ang kilos na ito, binigyan ito ng mga Kristiyano ng paliwanag. Ayon kay San Cipriano ng Carthage, kung iaalay lamang ang alak na walang tubig, hindi tayo magiging kasali sa Dugo ni Kristo. Kung tubig lamang ang iaalay, wala naman si Kristo sa ating piling. Kaya ang alak ay tanda ng kadakilaan ng pagka-Diyos ni Kristo, at ang tubig ay tanda naman ng pagkatao niya. Sa Misa, nagdarasal ang pari habang nagbubuhos ng konting tubig sa alak, at ang panalangin ng pari ay tahimik at hindi nadirinig.
Pagkatapos ng pagpapanalangin sa alak at tinapay, may dalawa pang tahimik na panalangin ang pari. Ang una ay mula sa sinaunang gawain ng panalangin ng kababaang-loob at paghingi ng paumanhin. Yumuyuko ang pari habang tahimik na sinasabi:
Diyos Amang Lumikha
nakikiusap kaming mga makasalanan.
Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
Ang ikalawa ay tinatawag na panalangin ng Lavabo o paghuhugas.
Diyos kong minamahal,
kasalanan ko’y hugasan
at linisin mong lubusan
ang nagawa kong pagsuway.
ourparishpriest 2023