SAINTS OF AUGUST: APOSTOL SAN BARTOLOME

AGOSTO 24 A. KUWENTO NG BUHAY Isa sa mga karakter ng klasikal na nobelang “The Robe” ay ang apostol na si San Bartolome. Sa nobela, nakilala at na-interview ng Romanong si Marcellus, ang bida ng kuwento, ang noon ay matanda nang si San Bartolome.  Dahil nais ni Marcellus na makakuha ng impormasyon tungkol kay Jesus, naging mapalad siya nang isang tao ang nagdala sa kanya upang makatagpo si San Bartolome na buong-pusong naglahad ng kanyang mga karanasan tungkol sa Panginoon. Ano naman ang sinasabi ng Bibliya at kasaysayan tungkol sa tunay na San Bartolome? Naniniwala ang marami na ang Bartolome at Natanael sa Bagong Tipan ay iisang tao lamang.  Naroon sa Mabuting Balita ni Juan (1:45ff) ang kasaysayan ni San Bartolome, na tinatawag ding Natanael sa salaysay dito.  Sa listahan ng mga apostol mula kay Mateo (10: 1-4), Marcos (3: 16-19), at Lukas (6:12-16), ang tawag sa kanya ay Bartolome at katambal siya lagi ng pangalan ni Felipe. Si Felipe ang nagdala kay Bartolome sa Panginoong Jesukristo. Unang nakilala ni Felipe ang Panginoon at pagkatapos ay ibinalita niya ito kay Bartolome. Noong una, hindi makapaniwala si Bartolome na may mabuting manggagaling sa Nazaret.  Subalit ninais pa rin niyang makilala si Jesus. Sa unang pagkikita pa lamang, humanga na si Bartolome kay Jesus nang ipaliwanag ni Jesus na nakita niya si Bartolome sa ilalim ng punong-igos bago pa ito tawagin ni Felipe.  Dahil totoong doon nga nakaupo si Bartolome, napuno siya ng lubos na paniniwala sa mga salita ng Panginoon. Nasambit ni San Bartolome ang isang napakagandang pananalita na ang laman ay ang puso ng pananampalataya ng mga Kristiyano. Sinabi niya sa Panginoon: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” (Juan 1: 49) Pagkatapos ng pag-akyat sa langit ng Panginoon, sinasabi sa tradisyon ng simbahan na si San Bartolome ay nangaral ng Mabuting Balita sa iba’t-ibang lugar. Hindi pare-pareho ang sinasabi ng mga manunulat. Sinasabi ni Eusebio na siya ay nagtungo sa India.  Sabi naman ni Rufino ay sa Ethiopia at Arabia.  May nagsasabi din na sa Mesopotamia at Phrygia. Ang aklat ni Bill O’Reilly na Killing Jesus, ay nagsasabi na nagpunta si San Bartolome sa Egypt, Arabia, Iran at India at dito sa huli siya ay namatay.  Pero may ibang nagsulat na sa Armenia namatay si San Bartolome.  Bago siya namatay ay nagtagumpay siyang madala sa pananampalataya ang hari ng Armenia. Masaklap ang karanasan ng kamatayan ni San Bartolome. Una daw siyang binalatan habang buhay pa. At pagkatapos ay pinugutan siya ng ulo.  Kung ito nga ang nangyari sa kanya, isang tunay na magiting na apostol at martir ang ating santo. B. HAMON SA BUHAY Makikita natin sa buhay ng mga apostol, lalo na si San Bartolome, na ang maging malapit kay Jesus ay hindi isang seguridad ng buhay na payapa at puno ng saya lamang.  Maraming pagsubok na dapat pagdaanan. Subalit dahil sa kapangyarihang mula kay Jesus, lahat ng ito ay malalampasan. K. KATAGA NG BUHAY Juan 1: 49 “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” FROM THE BOOK SULYAP SA MGA SANTO BY FR. RMARCOS Share on FacebookTweet Total Views: 716