Home » Blog » EUCHARISTIC PRAYER IV (FILIPINO-TAGALOG)

EUCHARISTIC PRAYER IV (FILIPINO-TAGALOG)

PANALANGING EUKARISTIKO IV

PAGBUBUNYI O PREPASYO

P.      Sumainyo ang Panginoon

B.      At sumainyo rin.

P.      Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.

B.      Itinaas na naming sa Panginoon.

P.      Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.

B.      Marapat na siya ay pasalamatan.

P.      Ama naming makapangyarihan tunay na marapat na ikaw ay aming pasalamatan. Ikaw lamang ang Diyos na totoong  nabubuhay nang walang pasimula at walang katapusan. Ikaw ay nananahan sa liwanag na di matitigan. Ikaw ang kaisa-isang mabuti at bukal ng tanang nabubuhay. Nilikha mo ang tanang umiiral upang puspusin ng iyong pagpapala ang iyong mga kinapal at upang paligayahin ang lahat sa luningning ng iyong kaliwanagan. Kaya’t di mabilang ang mga anghel na nakatayo sa iyong harapan, naglilingkod sila sa iyo gabi at araw. Sa pagtunghay nila sa iyong kagandahan sila ay nagpupuri nang masigla at walang humpay. Kaisa nila, kaming kumakatawan sa lahat ng iyong kinapal dito sa ibabaw ng lupa at sa silong ng kalangitan ay nagbubunyi para sambahin ang iyong ngalan.

B.      Santo… (aawitin or bibigkasin)

         Santo, Santo, Santo

Panginoong Diyos na makapangyarihan

Napupuno ang langit at lupa ng kaluwalhatian mo

Osana sa kaitaasan

Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon

Osana sa kaitaasan

PANALANGING EUKARISTIKO

P.      Ama banal, nagpapasalamat kami sa iyong kadakilaan, karunungan at pagmamahal na nababakas sa lahat ng iyong kinapal. Nilikha mo ang tao na iyong kalarawan, ipinamahala mo sa kanya ang sanlibutan upang pangasiwaan ang lahat ng nilikha mo, bilang paglilingkod sa iyo. Noong ikaw ay talikdan ng tao sa pagsuway niya sa pagmamahal mo, hindi mo siya pinabayaang panaigan ng kamatayan. Buong awa mong tinutulungan ang naghahanap sa iyo upang ikaw ay matagpuan. Muli’t muli mong inialok ang iyong tipan, at sa pamamagitan ng mga propeta tinuturuan mong umasa ang mga tao sa pagdating ng kaligtasan.

Amang banal, gayun na lamang ang pag-ibig mo sa sanlibutan kaya noong dumating ang panahon ng kaganapan, isinugo mo sa amin ag iyong Bugtong na Anak bilang Tagapagligtas. Nagkatawang-tao siya Lalang ng Espiritu Santo, at ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Tumulad siya sa aming pamumuhay sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan. Sa mga dukha, ipinangaral niya ang Mabuting Balita. Sa mga napipiit, ipinahayag niyang silay ay lalaya. Sa mga nahahapis, inihatid niya ang galak at tuwa.

Upang kanyang sundin ang loob mo, nagpakasakit siya hanggang sa mamatay. Sa kanyang muling pagkabuhay, nilupig niya ang kamatayan at binigyan kami ng bagong buhay. Upang kami naman ay huwag nang mamuhay para sa sarili lamang kundi para sa kanya na namatay at muling nabuhay para sa aming tanan, isinugo niya, Ama, mula sa iyo ang Banal na Espiritu. Ito ang unang bunga na handog mo sa mga sumasampalataya upang sa pagbibigay-kaganapan sa gawain sinimulan ng Anak mo malubos ang kabanalan ng lahat ng tao.

Ama, isinasamo naming pakabanalin nawa ng Banal na Espiritu ang mga handog na ito upang maging Katawan at Dugo + ng aming Panginoong Hesukristo sa pagdiriwang namin ng dakilang misteryong ito na kanyang inihabilin sa amin bilang tipan na walang hanggan.

Ama naming banal, noong dumating ang panahon upang parangalan mo ang iyong Anak, kanyang ipinakita na mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila. Habang naghahapunan siya at ang mga alagad, hinawakan niya ang tinapay, pinasalamatan ka niya, pinaghati-hati niya iyon, iniabot sa kanyang mga alagad at sinabi:

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN

ITO ANG AKING KATAWAN

NA IHAHANDOG PARA SA INYO

Gayundin naman, noong matapos ang hapunan,

Hinawakan niya ang kalis

Muli ka niyang pinasalamatan

Iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad

At sinabi:

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN

ITO ANG KALIS NG AKING DUGO

NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,

ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS

PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT

SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.

GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya;

Lahat:

Si Kristo’y namatay! Si Kristo’y nabuhay!

Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!

Ama, ipinagdiriwang namin ngayon ang alaala ng aming katubusan. Ginugunita namin ang pagkamatay ni Kristo, ang kanyang pagpanaog sa kinaroroonan ng mga yumao, ang kanyang muling pagkabuhay, pag-akyat at pagluklok sa iyong kanan. Ngayon ay hinihintay namin ang dakilang araw ng pagpapahayag niya sa gitna ng kanyang kaningningan. Kaya’t inihahandog namin sa iyo ang kanyang Katawan at Dugo ang haring kalugud-lugod sa iyo at nagliligtas sa mundo.

Ama, tunghayan mo ang handog na ito na ipinagkatiwala mo sa iyong SImbahan. Sa iyong kagandahang-loob marapatin mong sa aming pagsasalu-salo sa isang tinapay at kalis na ito kaming pinagbuklod ng Espiritu Santo bilang isang katawan ay maging buhay na handog ng papuri sa iyong kadakilaan kay Kristo.

Ama, alalahanin mo ang lahat ng pinatutungkulan namin ng paghahandog na ito: ang iyong lingkod na si Papa ___, ang aming Obispo ____, ang tanang mga Obispo at buong kaparian, ang lahat ng naririto ngayon at ang buo mong sambayanan, at ang lahat ng mga tao na pawang tapat at wagas sa paghanap sa iyo. Alalahanin mo rin ang lahat ng yumao sa kapayapaan ni Kristo at ang lahat ng pumanaw na may pananampalatayang ikaw lamang ang nakakaalam.

Amang maawain, loobin mong kaming iyong mga anak ay magkamit ng pamanang langit. Makapiling nawa kami ng Ina ng Diyos, ang Mahal na Birheng Maria, ni San Jose na kanyang kalinis-linisang esposo, at ng mga Apostol at lahat ng mga Banal. Sa iyong kaharian, kaisa ng tanang kinapal na ligtas na sa kasalanan at kamatayan, kami ay magpupuri sa iyo sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo na siyang pinagdaraaan ng bawat kaloob mo sa aming kabutihan.

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama niya, at sa kanya,

ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo, Diyos Amang makapangyarihan,

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Lahat:

Amen.