Home » Blog » IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

PAG-IBIG NA YUMAYAKAP SA LAHAT

MT. 15: 21-28

MENSAHE:

Nakagugulat talagang masilip ang ugali ng mga alagad tungo sa babaeng taga-Canaan: “Paalisin ninyo nga po iyan!” At nakasisindak ding tila si Hesus ay kumikiling lamang sa mga taga-Israel at itinuturing pa ang babaeng ito na tila isang “aso.” Buti na lamang at hindi naman talaga sumasang-ayon ang Panginoon sa ugali ng kanyang mga alagad at sinusubok lamang pala niya ang hangganan ng pananampalataya ng babae: “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya!” Bagamat totoong ang Panginoong Hesus, Anak ng Diyos, ay pumasok sa kasaysayan ng daigdig sa pamamagitan ng bansang Israel, siya naman ang tunay ding kaloob ng Ama sa buong mundo, sa buong sangkatauhan, at sa buong sangnilikha. Oo nga’t paborito ng Diyos ang Israel, subalit bilang lingkod at kasangkapan ng pagkakaisa ng lahat ng tao sa ilalim ng pagka-Ama ng Diyos. Kaya mula kay Hesus, nakikilala natin ang Diyos na Ama ng lahat ng bansa, Ama ng makasalanan at banal, Ama ng walang masulingan at matakbuhan, Ama ng mga dukha at mga alibugha. Habang sa mundo ngayon, malakas ang sigaw tungo sa “pagkakasali” ng lahat (inclusion) – iyong hangaring magkaroon ng pantay na pagtingin sa iba’t-ibang lahi, kultura, relihyon, kasarian at prinsipyo – nauna pa ang Diyos na tumatawag at sumisigaw, hindi lang sa “pagkakasali” kundi sa “pagkakasapi” o “pagkakabilang” (belonging) ng lahat. Lahat tayo ay kasapi sa Diyos at mahal niya sa kabuuan ng ating lakas at kahinaan, kagandahan at kapintasan, kayamanan at karukhaan. Ang simbahan ang bagong Israel, ang Bayan ng Diyos na nagpapahayag sa lahat na kabilang sila sa yakap ng Diyos, sa pamilya niya, sa kanyang bagong nilikha na minimithi niya sa kinabukasan ng kasaysayan. Hindi lahat ng tao ganito ang pananaw at tatanggapin ang ganitong alok dahil may iba silang kaisipan hinggil sa kaligayahan ng lipunan. Ang makabilang o makasapi sa Diyos ay kailangan ng pananampalataya, pagsunod at pagbabalik-loob sa pananaw at plano ng Panginoon. Magawa nawa natin ang nararapat upang gawin ang simbahan na lugar kung saan matatagpuan ng lahat ang Diyos na Ama sa diwa ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.

MAGNILAY:

Inuudyukan tayo ng pagmamahal ng Diyos na mahalin ang lahat bilang mga kapatid, bilang mga tao na “kabilang” o “kasapi” sa ating puso, dahil iisa ang ating Ama sa langit, iisa ang Panginoong Hesus na nagligtas, at iisa ang Espiritung nagbubuklod sa atin.  Huwag tayong matakot na tanggapin at igalang ang kapwang kakaiba sa atin, samantalang ginagawa din ang lahat upang ibahagi sa kanila ang mas malalim na tawag na buksan ang puso sa panawagan ng pagbabalik-loob sa kagustuhan at plano ng Diyos para sa bawat buhay. Bilang simbahan, hindi lang “Sali ako diyan!” kundi tunay na “Bahagi ako diyan!” o “Kabilang ako diyan!” ang alingawngaw na mula sa Diyos na ating ipahahayag sa lahat sa bawat panahon. ourparishpriest 2023