SAINTS OF AUGUST: PAGPAPAKASAKIT NI SAN JUAN, ANG TAGAPAGBINYAG
AGOSTO 29 A. KUWENTO NG BUHAY Sobra ang kahalagahan ni San Juan Bautista o ang Tagapagbinyag sa listahan ng mga santo ng simbahan. Makikita ito sa dalawang pagdiriwang na nakalaan sa kanyang gunita. Tuwing Hunyo 24, ipinagdiriwang ang kanyang pagsilang. At ngayong Agosto 29, sinasariwa naman ang kanyang kamatayan. Si San Juan ay anak ni Zacarias at Elisabet, na pinsan naman ng Mahal na Birhen. Kaya may kaugnayan siya sa Panginoong Jesukristo bilang pinsan nito. Mahiwaga ang pagsilang ni Juan dahil isang anghel din ang nagbalita nito sa kanyang ama na naglilingkod bilang isang pari sa Templo. Si Juan ang nanguna kay Jesus upang ihanda ang landas ni Jesus na tatahakin sa mundong ito. Nauna siyang isinilang. Nauna siyang nangaral at nagbinyag. Nauna rin siyang namatay sa pamamagitan ng pagdanak ng kanyang dugo. Kaya sa lahat ng bagay, siya ang masasabing tagapanguna (precursor o forerunner) ng buhay at misyon ng Anak ng Diyos. Mababasa sa Mabuting Balita ni San Marcos (6: 14-29) ang kamatayan ni Juan. Marahil alam na natin ito dahil sa pag-aaral ng katesismo at mga bible study. Naging tanyag noon si Juan at nais ng Haring Herodes na makilala siya dahil maraming mga haka-haka tungkol sa kanyang pagkatao. Nang magkatagpo ang hari at si Juan, ay walang takot na itinuro ni Juan ang pagkakamali ng hari. Noon kasi ay kinakasama ng hari ang asawa ng kanyang kapatid, ang babaeng si Herodias. Nagalit si Herodias sa mga salitang ito ni Juan at dahil sa impluwensya niya, ipinadakip ng hari si Juan at ipinabilanggo. Bahagi ng paghihiganti ni Herodias ang udyukan ang kanyang anak na babae na hingin sa hari ang ulo ni Juan. Kahit masama ang loob, napilitan ang hari na papugutan ng ulo si Juan Bautista. Ito ang naging madugong kamatayan ng pinsan at tagapanguna ng Panginoong Jesukristo ayon sa salaysay ng Bibliya. Ang mga unang Kristiyano ay nagkaroon ng malalim na debosyon kay Juan Bautista. Sinasabi na nakalagak ang relic ng ulo ni Juan sa isang simbahan sa Roma kung saan dinadalaw ito ng mga deboto. Minsan ay may kaguluhan sa mga kinalalagyan ng mga relic kaya tuloy nalilito ang mga tao kung nasaan ba talaga o ilan ba talaga ang relic ng ulo ni Juan Bautista! B. HAMON SA BUHAY Si Juan Bautista ay isang kasangkapan ng Diyos na punong-puno ng Espiritu ng Diyos. maging tulad nawa niya tayo na laging handa na maging saksi kay Kristo sa lahat ng oras at anumang lugar. K. KATAGA NG BUHAY Marcos 6: 27 Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan. FROM THE BOOK SULYAP SA MGA SANTO BY FR. RMARCOS Share on FacebookTweet Total Views: 457
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed