SAINTS OF AUGUST: PAPA SAN PIO X

AGOSTO 21 A. KUWENTO NG BUHAY Isinilang is Jose Melchor Sarto sa isang maliit na nayon sa Riese sa probinsya ng Treviso sa Italy noong Hunyo 2, 1835. Nang lumaki siya ay naging isang pari at humantong sa pagiging isa sa mga hinahangaan at minamahal na Santo Papa sa modernong kasaysayan ng simbahan. Nag-aral si Jose sa seminaryo sa Padua at naging ganap na pari noong siya ay 23 taong gulang lamang.  Lahat ng kanyang naging posisyon bilang pari ay ginampanan niya na may katapatan at kagalingan.  Sa kanyang diyosesis ay pinagkatiwalaan siya upang maging isang chaplain, parish priest, spiritual director ng seminaryo at chancellor ng diyosesis.   Sa lahat ng ito, ipinakita niya ang mga katangian na magdadala sa kanya sa mas mataas na paglilingkod sa simbahan. Naging obispo siya ng Mantua noong 1884. Pagkatapos ay naging Patriarka (arsobispo) siya ng Venice.  Naigng isang kardinal siya noong 1893.  Noong 1903, sa kabila ng kanyang pagtutol, siya ang naging ika-259 na kahalili ni San Pedro Apostol bilang Santo Papa sa Roma.  Kinuha niya nag pangalang Papa Pio X. Kinuha ni Papa Pio bilang motto ng kanyang panunungkulan ang “to renew all things in Christ” (panibaguhin ang lahat ng bagay kay Kristo).  At napakaraming bagay ang nagawa niya upang papasukin ang diwa ng pagbabago sa simbahan ng kanyang panahon. Una na dito ang mga reporma para sa liturhiya o pagsamba ng mga Katoliko. Kasama sa mga sinumulan niya ang mga reporma sa paggamit ng Breviary (ang official prayer book ng mga pari at mga madre na ngayon ay dinarasal na rin ng maraming mga layko), sa pagdiriwang ng Banal na Misa, sa pagpapaunlad ng Gregorian Chant (bilang opisyal na awit sa Misa), sa mas malimit na pagtanggap ng Komunyon at sa pagko-komunyon ng mga bata, at sa mas aktibong pakikiisa ng mga tao sa Misa. Sa mga gawaing pastoral naman, mabibilang sa kanyang mga naisaayos ang mga batas tungkol sa pag-aasawa, at sa pag-aaral at paghubog ng mga magiging pari, ang paglilimbag ng kanyang Katesismo, ng Code of Canon Law, ng Acta Apostolicae Sedis (koleksyon ng mga opisyal na dokumento ng simbahan), at ang pagbibigay ng sermon tuwing araw ng Linggo, at ang kilusang Catholic Action. Konserbatibo si Papa San Pio X. Nagmatigas siya laban sa Modernismo at sa anumang anyo ng liberalismo. Madiin niyang ipinaglaban ang pagkakahiwalay ng simbahan at ng gobyerno. Tumanggi din siya na payagan ang mga pari na makilahok sa pulitika. Sa kabila ng maraming pagsubok sa panahon ng kanyang panunungkulan, si Papa San Pio X ay naging isang mabuting ama at pastol sa simbahan.  Buhay pa siya ay kinilala na ang kanyang kabanalan ng mga taong nakasalamuha niya. Pumanaw si Papa San Pio noong 1914 sa Roma. Ang kanyang katawan ay iniuwi sa Venice noong 1959. B. HAMON SA BUHAY Maaaring narating ni Papa San Pio X ang pinakamataas na tungkulin sa simbahan subalit sa kanyang puso ay nanatili siyang simple at mababang-loob. Ipagdasal natin ang mga namumuno sa simbahan at sa bayan na huwag masilaw sa kapangyarihan at karangyaan ng kanilang paligid. Sa halip sila nawa ay lalong maging salamin ng pag-ibig at habag ng Diyos para sa lahat ng mga tao. K. KATAGA NG BUHAY 1 Tes 2: 3 Palagi naming naaalaala sa harap ng Diyos na ating Ama ang trabaho ng inyong pananampalataya, ang gawa ng inyong pagmamahal at ang inyong katatagan sa paghihintay kay Kristo Jesus na ating Panginoon. From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 363