SAINTS OF AUGUST: Papa San Sixto II at Mga Kasama (Martir)
AGOSTO 7 A. KUWENTO NG BUHAY Isa na namang sinaunang santo ang ating ipinagdiriwang ngayon. Bagamat mahirap mahanap ang kabuuan ng kasaysayan ng buhay ng mga santong tulad nito, mabuti na lamang at may mga naiwang paglalahad ng kanilang kasaysayan. Hindi alam kung kailan ipinanganak si San Sixto II, pero may impormasyon tungkol sa kanyang pagkakahalal bilang Santo Papa noong taong 257. Masyadong maikli ang kanyang panunungkulan dahil noong sumunod na taon, 258, dinakip siya ng mga kawal ng emperador at agad-agad pinugutan ng ulo sa araw ding iyon. Nagmimisa si Papa San Sixto sa sementeryo ng San Calisto nang dumating ang mga kawal na may dalang pahayag ng emperador. Sinasabi na pinatay rin ang apat na diyakono ng simbahan na kasama ng santo. Dalawa sa mga diyakono ay may pangalang San Felicisimo at San Agapito. Inilibing ang mga martir sa mismong sementeryo kung saan sila ay inaresto ng mga sundalo. Naganap ang pagpatay sa kanila sa araw ng Agosto 6. Ang kapistahan nila ay ngayong Agosto 7 dahil ang Agosto 6 ay nakatalaga na sa pagdiriwang ng Kapistahan ng PagbabagongAnyo ng Panginoong Jesus (Feast of Transfiguration). Ang kaunti subalit mahalagang impormasyon tungkol sa kamatayan ni San Sixto at mga kasama ay mula sa sulat ni San Cipriano na naging isa ring martir. Ayon sa kanya, ang utos para sa pagtuligsa sa mga Kristiyano noon ay galing kay Emperador Valeriano. Nakasulat sa utos na ito na ang mga obispo, pari, at diyakono ay dapat ipapatay agad-agad kapag nahuli. Ang mga senador, matataas na tao, at may mga katungkulan naman ay aalisan ng ranggo at babawian ng mga ari-arian. Kung matapos bawian ng mga kayamanan ay magpatuloy pa rin sila sa pagiging Kristiyano, sila rin ay papatayin. Ang mga babaeng mula sa mga matataas na antas ng lipunan ay tatanggalan din ng mga ari-arian at ipatatapon sa malayong lugar. Ang mga mahuhuling Kristiyano naman na naglilingkod sa palasyo ng emperador ay ikukulong bukod sa babawian ng mga ari-arian. Pinagsabihan ni San Cipriano ang mga obispo na ihanda ang mga tao sa darating na pag-uusig at palakasin ang loob ng mga Kristiyano para sa nalalapit na ispirituwal na pakikidigma. B. HAMON SA BUHAY Sa maraming bansa ngayon na may mga batas na naghihigpit sa mga Kristiyano sa pagsasabuhay ng kanilang pananampalataya. Halimbawa, ipinagbawal ang pagdiriwang ng Pasko noong 2015 sa bansang Brunei, Tajikistan, at Somalia. Alam din natin ang pagpapahirap ng mga teroristang ISIS sa mga Kristiyano at iba pang minorities. Sa ating bansa ay malaya tayo sa kilos pangrelihiyon. Sana ay mapahalagahan natin ang biyayang ito at patuloy nating ipagdasal at suportahan ang ang mga Kristiyano at mga iba pang pinag-uusig dahil sa pagsunod kay Kristo o sa kanilang relihiyon. K. KATAGA NG BUHAY + Mt 10:32-33 Ang sinumang kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit. FROM THE BOOK “ISANG SULYAP SA MGA SANTO” BY FR. RMARCOS Share on FacebookTweet Total Views: 448
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed