SAINTS OF AUGUST: San Cayetano (Pari)
AGOSTO 7 A. KUWENTO NG BUHAY Mula sa isang mayamang pamilya, si San Cayetano ay isinilang noong taong 1480. Isa siyang Italyano na nagmula sa lugar na kung tawagin ay Vicenza. Magandang buhay ang inihanda ng kanyang pamilya para sa kanya. Sa paglaki ni San Cayetano, nagkaroon siya ng hilig na mag-aral ng canon law. Sa University of Padua niya natamo ang diploma bilang isang doktor ng canon law noong taong 1505. Dahil sa mahusay na paghahandang akademiko, nagtrabaho si San Cayetano sa opisina ng Santo Papa Julio II sa Roma. Naglingkod siya bilang isang notaryo at bilang sekretaryo ng Santo Papa. Lalo na noong panahon ni Cayetano, isang malaking karangalan ang maglingkod nang diretso sa tanggapan ng pinuno ng simbahan sa buong daigdig. Umusbong ang bokasyon sa paglilingkod sa Diyos sa puso ni San Cayetano. Naging pari siya noong 1517. Dahil naordenahan siya bilang pari sa Roma, patuloy siyang namalagi sa lungsod na ito upang isabuhay ang kanyang bagong tungkulin bilang alagad ng Diyos. Naging residente siya ng Roma sa loob ng labintatlong taon. Sa panahon ng kanyang pagtigil sa Roma, nagsimula na ang mga kilusan na naghahanap ng pagbabago. Marami na ang nakapapansin na kailangan ng simbahan ang tinatawag na reporma o pagbabago ng mga istruktura at maging ng panloob na kaayusan nito. Pagkatapos ng mahabang panahon sa Roma, umuwi si San Cayetano sa kanyang bayang tinubuan upang alagaan ang kanyang ina na may karamdaman. Napakagandang isipin na matapos maglingkod nang matagal sa mga tao, may panahon din ang santong ito upang ipakita ang pagmamahal sa kanyang ina sa oras ng kahinaan nito. Nang bumalik siya sa Roma, itinatag niya ang isang religious congregation, sa tulong ng isa pang kasama, si Juan Pedro Carafa, na noon ay naging isa nang obispo. Magkatuwang ang dalawa sa pagsasaayos ng misyon ng bagong kongregasyon. Tinawag ang kanilang grupo bilang Congregation of the Clerics Regular. May natatanging misyon sila na mangaral ng Mabuting Balita, magdala ng mga sakramento sa mga tao, at magdaos ng pagsamba o liturhiya para sa mga tao. Mas naging kilala sa pangalang Theatines ang kongregasyong ito. Tinawag ding Order of Divine Providence ang grupo. May kinalaman ito sa malalim na debosyon ni San Cayetano sa Divine Providence (ang paniniwala na alam ng Diyos ang anumang kailangan ng tao at ibinibigay niya ang anumang makabubuti para sa bawat isa). Si San Cayetano ay nadestino sa Venice at pagkatapos ay sa Naples bilang pinuno ng mga Theatines. Lubha siyang nahirapan sa gulo sa lugar na iyon na tinangka niyang ayusin at namatay siya noong 1547. B. HAMON SA BUHAY Naranasan ni San Cayetano ang magandang posisyon sa simbahan ngunit sa bandang huli ay mas pinili niya ang gumanap ng mahirap na misyon tungo sa pagbabago ng simbahan. Sikapin natin na huwag maging kumportable sa ating buhay at sa halip ay hanapin kung ano pa ang maaaring gawin at saan pa tayo ipinadadala ng Diyos upang maging kasangkapan ng pagbabago. K. KATAGA NG BUHAY Sir 2:11 Sapagkat maramdamin at maawain ang Panginoon; pinatatawad niya ang mga makasalanan at inililigtas sa panahon ng kagipitan. From the book “Isang Sulyap sa Mga Santo” by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 382
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed