SAINTS OF AUGUST: SAN EUSEBIO NG VERCELLI (OBISPO)
AGOSTO 2 A. KUWENTO NG BUHAY Ipinanganak sa Sardinia noong ika-4 na siglo ang sinaunang santong ito na ngayon ay pinararangalan ng buong simbahan. Sa kasalukuyan, ang Sardinia ay isang magandang isla sa bansang Italy at kilala sa magagandang resort at iba pang mga atraksyon para sa mga turista. Mula sa kanyang bayang Sardinia, nag-aral si San Eusebio sa Roma. Naging pari si San Eusebio at naging bahagi siya ng presbyterium o kaparian ng Roma. Noong 345 ginawa siyang obispo ng Vercelli, isang lungsod sa Northern Italy. Siya ang nagtayo ng katedral ng Vercelli na patuloy niyang pinalaki at pinaganda noong siya ay nanunungkulan sa diyosesis na ito. Inialay sa kanyang alaala ang katedral na ito matapos ang kanyang kamatayan. Ayon sa salaysay ng kanyang buhay, masasabi nating ang Diyos mismo ang pumili sa kanya upang maging isang obispo. Nang mangailangan ng bagong obispo sa lugar ng Vercelli, ang mga naatasang pumili ng kapalit na obispo ay walang makitang karapat-dapat sa hanay ng kanilang mga kababayan. Subalit nang unang masulyapan nila si Eusebio, tiyak na tiyak silang ito na nga ang dapat tanghaling bagong pinuno ng kanilang simbahan. Siya ang unang obispo sa Kanluran na nagtatag ng mga monasteryo sa kanyang diyosesis. Ginawa niya ito upang makatiyak siya na ang mga pari (mga monghe) mula sa mga monasteryo ang magbibigay ng serbisyo para sa mga ispirituwal na pangangailangan ng mga tao. Sa gayon, ang kanyang mga paring ito ay tunay na malayo sa tukso ng materyalismo at nakaugat sa buhay panalangin. Masipag niyang tinuruan ang mga tao tungkol sa tunay na pananampalataya. Napakahalaga nito dahil noong panahong iyon ay mabilis nang lumalaganap ang maling katuruan ng mga Arians (na hindi naniniwala sa pagka-Diyos ng Panginoong Jesucristo). Si San Eusebio ay isa sa mga tapat at maaasahang tagapagtanggol ng tunay na aral ng simbahan tungkol sa katauhan ng Panginoong Jesucristo bilang totoong Diyos at totoo namang tao. Naghirap si San Eusebio sa kanyang paninindigan dahil sa galit ng mga Arians na nagpalayas sa kanya mula sa kanyang diyosesis sa tulong ni Emperador Constancio na naging kakampi ng mga Arians. Pinilit siyang pirmahan ang isang dokumento laban kay San Atanasio (na magiting na kalaban ng mga Arians) subalit tumanggi siya na gawin ito. Ipinatapon siya at pinahirapan sa malayong lugar subalit hindi nagbago ang kanyang pagtalima sa napagkasunduang pahayag ng pananampalataya na nakasulat sa Nicene Creed, isang panalangin na dinarasal pa rin natin ngayon sa Misa lalo na tuwing Linggo. Sa dating listahan ng mga santo, tinatawag si San Eusebio na isang martir, bagamat hindi naman nagtagumpay ang kanyang mga kaaway na patayin siya. Ngayon, tinanggal na ang titulo niyang ito sa bagong kalendaryo ng mga santo pero kung tutuusin, kahit hindi namatay si San Eusebio sa kamay ng kanyang mga tagatuligsa, buong buhay naman niyang dinanas ang paghihirap dahil sa kanilang masamang kagagawan. Habang malayo sa kanyang sariling simbahan, naglibot si San Eusebio upang mangaral. Nang makabalik siya sa kanyang bayan, patuloy siyang kumilos upang maitanim muli ang tunay na pananampalataya sa puso ng mga tao. Nagsulat siya at nagturo hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Namatay siya sa Vercelli noong taong 371. B. HAMON SA BUHAY Buong buhay na ipinaglaban ni San Eusebio ang kanyang paninindigan tungkol sa tamang aral ng simbahan na kanyang pinanaligan at isinabuhay. Ipagdasal natin na sa harap ng mga pagsubok sa buhay, tayo ay patuloy pa ring humawak sa ating pananampalataya at dito humugot ng tapang, kagalakan, at lakas. K. KATAGA NG BUHAY 1 Jn 5:5 Sino pala ang dumaig sa mundo maliban sa naniwala na si Jesus ang Anak ng Diyos? from the book “Isang Sulyap sa Mga Santo” by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 382
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed