SAINTS OF AUGUST: SAN ESTEBAN NG UNGGARIA, HARI
AGOSTO 16
SAN ESTEBAN NG UNGGARIA
HARI
A. KUWENTO NG BUHAY
Hindi pareho ang relihyon ng mga magulang ni San Esteban. Ang kanyang ama ay isang hari na pagano. Ang kanyang ina ay isang mabuting Kristiyanong babae. Ipinanganak na prinsipe si San Esteban noong bandang taong 969 sa Pannonia na isang sinaunang probinsiya ng imperyo ng Roma.
Matapos na siya ay mabinyagan bilang isang Kristiyano noong siya ay 15 taong gulang, naging hari siya ng Hungary (Unggaria) noong taong 1000. Dito nagsimula ang pagyabong ng kanyang dakilang pananampalataya at mga gawa.
Una niyang inisip na dapat gabayan ang mga tao sa landas na wasto at maayos. Para maganap ito, tinanggap niya ang mga misyonero upang makapasok sa kanyang kaharian at mangaral ng Mabuting Balita sa mga tao. dahil sa kalayaang ipinagkaloob niya sa mga misyonero, mabilis ngang naganap ang pagyakap ng mga tao sa mga aral ng Panginoon at ng simbahan.
Pangunahin sa mga grupo ng mga misyonero na kanyang inanyayahan sa kaharian ay ang mga mongheng Benedictine mula sa Cluny sa France. Ang monasteryong ito sa France ay may malaking kontribusyon sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa maraming bansa dahil sa napakaraming mga monghe mula doon ang naging misyonero. Kilala ang monasteryong ito sa kagalingan ng pag-aaral at sa paghubog ng mga magiging misyonero noong panahong iyon.
Ang Cluny din ang may pinakamalaking simbahan sa buong mundo noon 17th century bago itayo ang St. Peter’s Basilica sa Rome. Sinira ng French Revolution noong 1790 ang tanyag na monasteryo ng Cluny at halos walang natira sa kagandahang dating taglay nito.
Malapit ang loob ni San Esteban sa mga Benedictine dahil sa nabanggit na dahilan at dahil na din sa pagmamahal ng mga ito sa mga pilgrims. Marami kasing mga pilgrims na dumadaan noon sa Hungary sa kanilang paglalakbay patungo sa mga banal na lugar tulad ng Jerusalem at Roma.
Napangasawa ng hari si Prinsesa Gisella ng Bavaria at magkatuwang silang nagbuo ng isang mabuting pamilya.
Naalala si San Esteban ng kanyang mga nasasakupan bilang isang haring makatarungan, mapagmahal sa kapayapaan at malapit sa Diyos. nakita nila sa kanya ang tunay na pagmamalasakit sa kapakanan ng mga tao, lalo na ng mga mahihirap. Madalas na siya mismo ang nagtuturo sa mga mahihirap tungkol sa pananampalataya. Naging isang modelo din siya sa matapat na pagsunod sa mga batas ng simbahan.
Siya ang unang Katolikong hari ng Hungary at dahil sa kanyang kababaang-loob at paglingap sa mga dukha, ibinigay sa kanya ang titulo na “Ang Haring Apostol.” Napakalakas ng kanyang pamimintuho sa Mahal na Birhen, na tinawag niyang “Ang Dakilang Ginang,” kaya idineklara niya nan si Maria ang Patronang babae ng kanyang kaharian.
Namatay siya noong 1038 at mabilis na lumago ang debosyon ng mga tao sa kanya bilang isang santo.
B. HAMON SA BUHAY
Namuno sa bayan na ang dala sa puso ay ang aral ni Kristo at ng simbahan, ganyan ang haring si San Esteban. Ipagdasal natin ang mga namumuno sa ating bayan upang buksan din nila ang kanilang puso sa Salita ng Diyos na magiging gabay nila sa tunay na paglillingkod.
K. KATAGA NG BUHAY
Deut 6: 5
Mahalin mo si Yaweng iyong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos