SAINTS OF AUGUST: SAN JOSE DE CALASANZ, Pari
AGOSTO 25
A. KUWENTO NG BUHAY
Mula sa isang probinsya sa Espanya na tinatawag na Aragon ang santong si San Jose de Calazanz. Isinilang siya noong taong 1556 o 1557.
Nang bata pa lamang, ninais na niyang maging isang pari. 14 taong gulang siya nang sabihin niya ang kanyang hangarin sa kanyang mga magulang. Tumanggi ang kanyang ama sa kanyang kagustuhan.
Nang magkasakit nang malubha si Jose at halos ikamatay niya ang karamdaman, doon lamang pumayag ang kanyang ama. Nagkaroon ng magandang edukasyon si Jose. natapos niya ang kanyang doctorate sa canon at civil law.
Nang maging isang pari siya, nakilala din siya sa husay sa pagiging isang theologian. Dahil dito ay naging tagapayo siya ng matataas na tao sa simbahan bilang kanilang personal theologian.
Sa kanyang pagdalawa sa Roma, nagulat siya sa kalagayan ng mga batang mahihirap at mga iniwan ng magulang. Dahil dito nabuksan ang kanyang puso sa mga pangangailangan ng mga batang ito.
Nagtatag siya ng isang grupo upang magtalaga ng buhay sa kapakanan ng mga bata. Tinawag ang religious congregation na ito bilang Congregation of the Clerks Regular or Pious Schools. Kilala ito sa maikling pangalang Piarists sa ating panahon.
Isa sa mga hakbang ng grupo ay ang magbigay ng pagkakataon sa mga bata na makapag-aral. Nagtayo sila mga paaralan na ngayon ay itinuturing na unang libre na paaralang pampubliko sa buogn Europe.
Maraming naging balakid sa misyon at sa buhay ni San Jose de Calasanz. Ang ilan ay mga taong nasa labas ng kanyang congregation at may impluwensya sa mga taong may kapangyarihan. Pero ang ibang nagbigay ng hirap sa kanya ay mga mismong miyembro ng kanyang religious community.
Tiniis ng santo ang lahat ng batikos at mga pahirap ng mga taong ito na may pusong nagtitiwala sa pagkalinga at awa ng Diyos. matiyaga at tahimik niyang dinala sa kanyang puso ang epekto ng pagka-inggit ng kanyang mga kaaway.
Ang kanyang religious congregation ay binuwag ng Santo Papa noong 1646. Mabuti na lamang at muli itong ibinalik noong 1669.
Matanda na si San Jose nang mamatay siya sa Roma noong 1648 subalit lubos naman ang paghanga ng mga tao sa kanyang mabuting halimbawa at kabanalan ng buhay.
B. HAMON SA BUHAY
Sa ating bansa ay marami pang mga private schools at karamihan dito ay pinatatakbo ng mga Kristiyano. Ipagdasal nating ang mga paaralang Kristiyano, lalo na ang mga Catholic school, ay maging mabisang kasangkapan ng paghubog ng mga kabataan bilang tunay na mga Kristiyano sa ating lipunan.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 18:5
Ako ang tinatanggap ng sinumang tumatanggap sa batang ito sa aking pangalan.
FROM THE BOOK SULYAP SA MGA SANTO BY FR. RMARCOS