SAINTS OF AUGUST: SAN JUAN EUDES, PARI
AGOSTO 19 A. KUWENTO NG BUHAY Panganay na anak si San Juan Eudes. Pito silang mga magkakapatid. Ipinanganak siya noong 1601 sa lugar na nasasakupan ng diyosesis ng Seez sa France. Tinanggap niya ang kanyang unang edukasyon mula sa mga Jesuits na kilala sa kagalingan sa pagtuturo ng mga kabataan. Pagkaraan ng ilang panahon ay pumasok siya sa religious community na tinatawag na Congregation of the Oratory (kilala din bilang Oratorians). Naging ganap na pari si San Juan noong 1625. Doon sa Caen sa France, hinirang siyang maging pinuno o superyor ng kanyang religious congregation, ang mga Oratorians. Sa kabila ng bagong posisyon ng paglilingkod sa kanyang komunidad, nagawa ni San Juan na ialay ang sarili sa gawaing pangangaral sa iba’t-ibang lugar bilang isang mahalagang misyon niya. Nagbigay din siya ng mga panayam o conferences sa mga pari sa palibot ng Normandy at Brittany. Noong 1643, naisipan niyang iwanan ang Oratorians. Ito ay upang mas malaya niyang maitatag ang isang bagong religious congregation. Nakilala ang bagong grupong ito bilang Congregation of the “Priests Jesus and Mary” o mas tanyag sa taguring “Eudists” (kuha sa kanyang pangalan). Itinatag din niya ang Congregation of “Sisters of Our Lady of Charity.” Ang mga Eudist ay may tanging layunin na mangaral sa mga tao sa malalayong lugar. Naging magaling na tagahubog at tagapangasiwa din sila ng mga seminaryong ipinagkatiwala sa kanila. Ang Congregation of the Sisters of Our Lady of Charity ay nagkaroon ng pagbabago. Tinawag ito na “Institute of the Good Shepherd” pagkaraan ng ilang panahon. Naging pakay ng buhay ni San Juan ang pangangaral laban sa mga aral ng Jansenism na noon ay nagkakalat ng maling paniniwala sa isip ng mga Kristiyano sa France. Ang Jansenism ay naglalaman ng mga maling katuruan tungkol sa biyaya ng Diyos, sa kasalanan, at sa kaligtasan ng iilang tao lamang. Naging haligi rin ng pagbabago ng simbahan ang mga aral ni San Juan kaya itinuturing siyang isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng mga reporma sa France noong kanyang panahon. Higit sa lahat, si San Juan ay may malalim na debosyon sa mga Banal na Puso ni Jesus at Maria. Mismong si Papa Pio X ang nagsabing si San Juan Eudes ay “apostol at pantas ng mga Banal na Puso.” Hanggang ngayon ay magiting na halimbawa at guro siya ng pag-ibig ng Diyos para sa mga tao. Namatay sa Caen sa Normandy si San Juan noong 1680. Ipinahayag siya bilang ganap na santo noong 1925. B. HAMON SA BUHAY Isang kayamanan ng simbahan ang debosyon sa Mahal na Puso ni Jesus at ni Maria, simbolo ng tunay at dalisay na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa-tao. Tulad ni San Juan, magkaroon din sana tayo ng debosyon na ito upang lalo tayong maging maunawain at maawain sa mga nakapaligid sa atin at sa mga hight na nangangailangan. K. KATAGA NG BUHAY Ef. 3: 14-19 Malaman nawa ninyo ang pagmamahal ni Kristo na higit pa sa lahat ng kaalaman, upang mapuno kayo papunta sa kapunuan ng Diyos From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 383
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed