SAINTS OF AUGUST: SAN LUIS, Banal na Lalaki

AGOSTO 25 A. KUWENTO NG BUHAY Ang France ay bansang may kakaibang titulo sa kasaysayan ng simbahan. Tinatawag itong “eldest daughter of the church” o ang panganay na anak ng simbahan.  Bunga ito ng sinauna at tuloy-tuloy na pakikipagkaisa ng simbahan sa France sa simbahan sa Roma, ang sentro ng Katolisismo. Dahil nga panganay na anak, subok ang katatagan at katapatan ng mga Kristiyano sa France noong unang panahon. Nagdulot ito ng maraming mga santo at santa sa simbahan.  Pero sa ating panahon ngayon, hindi na ganito ang situwasyon sa France dahil sa pagiging masyadong sekular ng pag-iisip ng mga tao doon lalo na tungkol sa relihyon. Biro tuloy ng iba na ang France ang “rebeldeng panganay” na anak ng simbahan ngayon. Bukod sa mga pari, madre at misyonero, nagkaroon ng isang hari ang France na kinilala sa kabanalan. Ang haring ito ay si San Luis. Siya ang kaisa-isang hari na nagtataglay ng ganitong posisyon sa simbahan. Isinilang si San Luis noong 1214. Nang maagang mamatay ang kanyang amang hari, tinanggap niya ang korona nang siya ay 12 taong gulang pa lamang. Samantala, ang naging tagapamahala ng kaharian ay ang kanyang inang si Reyna Blanche. Noong 22 taong gulang na siya, si Luis na ang gumanap ng pagiging hari ng France.  Napangasawa niya si Reyna Margaret na isang babaeng puno ng diwa ng isang tunay na maka-Diyos na asawa at ina sa kanilang 11 anak.  Pareho nilang pinalaki ang mga anak sa mga aral Kristiyano. Kahit na isang hari, si San Luis ay namuhay na lubos na madasalin at mapagmahal sa mga sakripisyo.  Simple lamang ang kanyang pamumuhay.  Naalala siya bilang isang kaibigan ng mga mahihirap na  kanyang personal na pinaglingkuran. Bilang hari, mahalaga sa kanya ang kapayapaan sa pagitan ng mga nasasakupan at ang kabutihang materyal at espirituwal ng mga tao. Isa sa naging pangunahing layunin niya ay ang mabawi sa mga Muslim ang mga banal na lugar sa Holy Land, o ang kilusang tinatawag na Crusades.  Hindi naging matagumpay si Haring Luis sa kanyang hangaring ito.  Sa katunayan, namatay siya sa labas ng France habang ginagampanan ang isang Crusade noong 1270.  Namatay siya sa Tunis, Africa at iniuwi ang kanyang katawan sa France. Isa sa mga naiwang pamana ni San Luis ay ang maganda at bantog na Sainte Chapelle sa Paris, isang simbahan kung saan nakalagak ang ilang mga relics mula sa mga banal na lugar sa Israel. B. HAMON SA BUHAY Ipinakita ni San Luis na kahit isang hari ay puwedeng mamuhay bilang isang simple, madasalin, at mababang-loob na tao. minsan may mga tao na kapag umangat sa buhay ay unti-unting nakakalimot sa kanilang pinagmulan at nagiging mayabang at arogante sa kapwa. Ipagdasal nating maging tulad tayo ni San Luis sa pagiging palaging anak ng Diyos. K. KATAGA NG BUHAY Is 58: 7 Ibahagi ang iyong pagkain sa nagugutom, patuluyin ang mga dukhang walang masilungan, damitan ang nakikita mong hubad at huwag talikuran ang sarili mong dugo at laman. FROM THE BOOK SULYAP SA MGA SANTO BY FR. RMARCOS Share on FacebookTweet Total Views: 374