SAINTS OF AUGUST: SAN PONCIANO, PAPA AT SAN HIPOLITO, PARI – MGA MARTIR
AGOSTO 13 A. KUWENTO NG BUHAY Dalawang martir ang nasa kalendaryo ng ating simbahan ngayon. Kapwa sila mga sinaunang mga bayani ng simbahan kayat mahirap makahanap ng mga detalye ng kanilang buhay na nakatago sa lihim ng kasaysayan. Subalit nakatala sa listahan ng mga Santo Papa sa Roma si San Ponciano. Siya ay naging obispo ng Roma (Santo Papa) noong taong 230. Sinundan niya si Papa Urbano I. Sa panahon ng pag-uusig sa mga Kristiyano, itinapon siya sa lugar na tinatawag na Sardinia noong taong 235. Pinagtrabaho siya sa mga minahan habang naroon siya. Nagawa niyang mag-resign bilang Santo Papa nang dahil sa mahirap niyang situwasyon. Hindi nagtagal at namatay siya nang bugbugin at pahirapan siya doon. Buong tapang niyang hinarap ang kanyang kamatayan para sa Panginoon at sa bayang ng Diyos. Si San Hipolito naman ay isang pari. Bininyagan siya ni San Lorenzo na diyakono (Agosto 10) bilang isang Kristiyano. Nabuhay siya noong unang bahagi ng ika-3rd century. Kilala ang katalinuhan ni San Hipolito. Isa siyang theologian o eksperto sa mga bagay tungkol sa Diyos at sa pananampalataya. Maging si San Geronimo ay isang taga-hanga ni San Hipolito dahil sa kabanalan at sa kagalingan nito sa pangangaral at pagtuturo. Kasama ni San Ponciano, itinapon din sa Sardinia si San Hipolito kung saan dumanas siya ng hirap ng pagtatrabaho sa paghuhukay ng mga bato. Tulad ni San Ponciano, dito na rin nagbuwis ng buhay si San Hipolito. Ipinakuha ni Papa Fabian ang mga katawan ng dalawang martir na ito upang bigyan ng marapat na libing sa mga sementeryo sa Roma. Si San Hipolito ay inilibing sa sementeryo ni San Calisto. At si San Hipolito naman ay sa sementeryo sa Via Tiburtina. Mabilis na lumaganap ang kuwento ng kadakilaan ng dalawang martir. Ang dating magkahiwalay na kapistahan ay pinagsama sa iisang araw na lamang. B. HAMON SA BUHAY Kahanga-hanga ang pagsaksi ng dalawang martir sa araw na ito. Kahit mahirap ang naging kapalaran nila sa kamay ng mga kaaway, patuloy pa rin silang nagbigay ng luwalhati sa Diyos. Ano man ang ating dinaranas na hirap ngayon, alalahanin nating ialay ito sa Panginoon at umasa na hindi tayo pababayaan ng Diyos na nagmamahal at nagliligtas sa kanyang mga anak. K. KATAGA NG BUHAY Jn 15: 19 Kung kayo’y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo. From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos Share on FacebookTweet Total Views: 432
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed