SAINTS OF AUGUST: SANTA MONICA
AGOSTO 27 A. KUWENTO NG BUHAY Sino kaya ang hindi maaantig sa buhay ni Santa Monica? Ang naging tulay sa kanyang malalim na pananampalataya at matatag na pagkapit sa Diyos ay ang kanyang pagiging ina. Dahil sa kanya, may inspirasyon ang maraming mga ina na palaging tumutulo ang luha tuwing magdarasal para sa kanilang mga pamilya. Kristiyano ang pinagmulang pamilya ni Santa Monica na mula sa Tagaste sa Northern Africa. Isinilang siya noong taong 331 o 332 at nabigyan ng aral ng kanyang mga magulang tungkol sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ikinasal si Monica sa isang taong ang pangalan ay Patricio. Mabuting tao si Patricio subalit nahirapan si Monica sa ugali nito na mainitin ang ulo. May mga pagkakataon din na hindi naging tapat sa kanilang pag-iibigan itong si Patricio. Bago namatay si Patricio ay nakilala niya ang tunay na Diyos at naging isang Kristiyano. Nabinyagan siya habang siya ay naghihintay ng kanyang kamatayan isang taon matapos niyang yakapin ang pananampalataya. Nagkaroon ng tatlong anak sina Patricio at Monica, at dahil sa pagkamatay ng asawa, si Monica ang tumayong nag-iisang magulang at gabay ng kanyang mga anak. Isa sa mga anak na ito ay si Agustin, na magiging isang magiting na santo ng simbahan, pagkatapos ng maraming mga pagsubok at sakripisyo ng kanyang mahal na ina. Ang kabataang si Agustin ay may mabuting puso subalit dahil sa kanyang edad ay lubhang maligalig pa sa pag-iisip. Mapusok ang damdamin ni Agustin at nais niya laging masunod ang kanyang sariling kalooban. Nagdala ito ng pasakit sa puso ng kanyang ina. Bukod pa dito, si Agustin ay nahumaling o naakit sa mga maling turo na nakaapekto sa kanyang sana ay maagang pagyakap sa pananampalatayang Kristiyano. Naligaw ng landas si Agustin habang hinahanap niya ang kahulugan ng buhay at ang tunay na liwanag mula kay Kristo. Sa lahat ng panahong ito, hindi tumigil si Santa Monica sa pagdarasal, ang kanyang tanging sandata upang ipaglaban ang kaligtasan ng kanyang anak. Maging si San Agustin, nang maging isa nang Kristiyano, ang nagsulat ng mga hirap na pinagdaanan ng kanyang ina para sa kanyang kaligtasan. Laking tuwa ni Santa Monica nang mabalitaan niyang sa wakas, si San Agustin ay nabighani sa mga aral ni San Ambrosio, na obispo ng Milan sa Italy. Dahil sa santong ito, si San Agustin ay nabinyagan. At naroon ang kanyang ina sa masayang okasyong ito. Ngayon ay modelo ng mga ina si Santa Monica dahil sa kanyang walang sawang paggabay sa anak at walang tigil na pagdarasal para sa kapakanan nito. Hindi lamang sa panalangin, pati ang mga kilos, salita at isipin ni Santa Monica ay nagsisilbing saksi ng kanyang pagmamahal para sa Diyos at sa kanyang pamilya. Namatay si Santa Monica at inilibing sa Roma noong 387. B. HAMON SA BUHAY Alalahanin natin ang mga dasal at luha ng ating mga magulang, lalo na ng mga ina, para sa atin. Suklian natin ito ng kabutihan at pagmamahal at ng buhay na may malalim na pananampalataya. K. KATAGA NG BUHAY Sir 26: 1 Mapalad ang lalaking may butihing maybahay, mag-iibayo ang bilang ng kanyang mga araw. FROM THE BOOK SULYAP SA MGA SANTO BY FR. RMARCOS Share on FacebookTweet Total Views: 794
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed