SAINTS OF AUGUST: SANTA ROSA DE LIMA, DALAGA

AGOSTO 23 A. KUWENTO NG BUHAY Mula sa bansang Peru ang santang si Rosa de Lima (ang Lima ang kapital na lungsod dito). Siya ang kauna-unahang hinirang na santa ng simbahan mula sa tinatawag na New World (o ang mga bansang natuklasan ng mga Europeong naglayag mula sa Old World na tumutukoy naman sa Europa). Isinilang siya noong 1586 at binigyan ng pangalan na Isabel Flores de Oliva sa binyag. Dahil marami ang nakapansin ng kanyang angking kagandahan, siya ay binigyan ng palayaw na Rosa. Simple ang pamilya ni Santa Rosa subalit masaya siyang namuhay kasama ng kanyang mga magulang at mga kapatid. Dito sa kanyang tahanan, naging hitik ng bunga ng kagandahang-asal at kabutihan ng kalooban si Santa Rosa. Hindi niya naisip na mag-asawa pagdating ng panahon dahil may ibang plano siya para sa kinabukasan. Naakit siya na maging bahagi ng Third Order ng mga Dominican. Tulad ng nabanggit na sa buhay ni Santo Domingo (Agosto 6) at Santa Clara (Agosto 11), parehong may Third Order ang grupo ng mga Dominican at ng mga Franciscan. Kahit na nakasuot madre si Santa Rosa, siya ay hindi isang ganap na madre (na siyang second order), kundi isang ordinaryong Kristiyano na namuhay sa piling ng kanyang pamilya at gumanap ng karaniwang tungkulin sa kanyang kapaligiran bilang isang mabuting Katoliko. Tinanggap niya ang kasuotan ng isang madreng Dominican dahil iyon ang usong gawi noong panahon niya para sa mga kasapi ng third order. Sa loob ng isang hermitage sa kanilang hardin, halos ginugol ni Santa Rosa ang kanyang buong buhay. Dito napatunayan ang kanyang dedikasyon sa seryosong panalagin at sa mga matitinding sakripisyo ng kaluluwa at katawan. Dahil sa mga ito, pinagkalooban siya ng Diyos ng mga visions o pangitain at iba pang mga espirituwal na kaloob. Nakaranas din siya ng maraming atake ng demonyo at grabeng mga tukso sa buhay. Makikita sa mga larawan na laging yakap-yakap ni Santa Rosa ang Sanggol na si Jesus. Kabilang sa kanyang mga visions ay ang pagpapakita sa kanya ni Jesus bilang isang bata. Sa tulong ng Banal na Sanggol, sinasabi na natutong magbasa at magsulat si Santa Rosa, at nakagawa siya ng mga himala ng pagpapagaling sa mga maysakit. Nakakatuwang isipin na nabuhay si Santa Rosa sa panahon ng kabanalan sa bansang Peru. Ang nagkumpil sa kanya ay ang obispo ng Peru na si San Turibio de Mogrevejo. Halos kaalinsabay ng kanyang buhay ang mga kababayan niyang sina San Martin de Porres (Dominican), San Juan Macias (Dominican) at San Francisco Solano (Franciscan). Nang pumanaw si Santa Rosa noong Agosto 24, 1617, agad siyang itinanghal ng kanyang mga kababayan bilang isang tunay na santa. Tinawag siyang patrona ng kontinente ng America, ng West Indies, at maging ng bansang Pilipinas. B. HAMON SA BUHAY Upang lumago sa buhay espirituwal kailangang nating lahat na maipakita ang ating kakayahan na magdasal at magsakripisyo.  Hindi kailangang maging kasing tindi ng ginawa ni Santa Rosa. Maaaring tinatawag lang tayo ngayon na magpakita ng simpleng kabutihan at pagmamahal sa mga tao sa ating kapaligiran. K. KATAGA NG BUHAY 2 Cor 10: 17 Nasusulat: Sa Panginoon nawa magmapuri ang gustong magmapuri. FROM THE BOOK SULYAP SA MGA SANTO BY FR. RMARCOS Share on FacebookTweet Total Views: 549