ANO ANG MAGAGANAP MATAPOS TAYONG MAMATAY?
ANG KABILANG BUHAY
Malinaw na naniniwala ang Bibliya sa “kabilang buhay” o life after death, iyong buhay sa ibayo ng kamatayan. Para sa ating mga Kristiyano, lalo na sa mga Katoliko, ang kamatayan ay hindi lamang ang katapusan ng pisikal na buhay kundi, unang-una, ang katapusan ng ating “personal na kasaysayan.” Matapos ang kamatayan, hindi magkakaroon ng walang katapusang pagpapatuloy sa ibang anyo o ibang daigdig (kaya, hindi katanggap-tanggap ang reincarnation), at hindi rin magkakaroon pa ng ibang buhay na tulad sa pinagdaanan na natin (walang another chance).
Sa kamatayan, pumapasok tayo sa “walang hanggan” (eternity) at hindi na natin mapapalitan ang pangunahing pasya nating mabuhay para sa Diyos o laban sa Diyos na ginawa natin sa ating buhay at pinagtibay natin sa oras ng kamatayan. Kaya nga, kung mamatay ang isang tao na malapit siya sa Panginoon, ganun din siya sa walang hanggan; at kung mamatay siya na malayo sa Diyos o may mabigat na kasalanang hindi natalikuran o napagsisihan, ganun na din ang kalagayan niya sa walang hanggan. Mahalaga ang huling sandali natin sa lupa, subalit nakabatay ito sa “personal na kasaysayan” na isinasabuhay natin araw-araw.
ANO ANG MAGAGANAP BAGO ANG PAGKABUHAY NG MGA PATAY AT ANG HULING PAGHUHUKOM (RESURRECTION OF THE DEAD AND LAST JUDGMENT)?
May panahon sa “pagitan” ng ating kamatayan at ng “muling pagkabuhay ng mga namatay” at ng “huling paghuhukom.” Sa Kredo o Sumasampalataya, sinasabi nating “Sumasampalataya ako sa Diyos Espiritu Santo… sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao, at sa buhay na walang hanggan.” Nasasalig ito sa turo ng Biblia, halimbawa, sa Mabuting Balita ni Juan 6:
6:39 – At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw.
6:40 – Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
6: 44 – Walang makakalapit sa akin malibang dalhin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lumalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw.
6: 54 – Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.
Sa panahon ng ating kamatayan, at habang hinihintay natin ang muling pagkabuhay ng lahat ng mga namatay, nagkakaroon ng paghihiwalay ng kaluluwa at ng katawan. Ito ang karaniwang paliwanag natin sa kamatayan – ang paghihiwalay ng kaluluwa sa mortal na katawan. Ang tao ay binubuo ng katawan at kaluluwa – “Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno.” (Mt.10: 28)
Samakatuwid, ang kaluluwa ay nagpapatuloy na buhay matapos ang kamatayan; naroon pa din ang “sarili” o self ng isang tao, bagamat kulang na, dahil hinihintay pa ang muling pagtatagpo ng kaluluwa at katawan sa takdang panahon. Ang kaluluwa ng mga karapat-dapat ay makakasama ng Panginoong Hesukristo sa kalangitan (bagamat ang iba ay dapat dumaan sa paglilinis o pagdadalisay ng purgatoryo). Doon makakaugnay nila ang Diyos na makikita nila nang harapan.
Ang katawan naman ay hindi na isang katawan kundi isang bangkay na mabubulok at maaagnas. Ang paghihiwalay ng kaluluwa at katawan ay hindi natural dahil bilang mga tao, niloob ng Diyos na magkasama ang dalawa sa kabuuan ng ating sarili. Ang paghihiwalay na ito ay labag sa kalikasan ng isang tao. Bagamat nagpapatuloy na buhay ang kaluluwa, ito naman ay hindi ganap (imperfect) at kulang dahil nga nahiwalay na sa kanyang katawan.
Ayon kay Sto. Tomas de Aquino, ang pagiging hindi ganap ng isang kaluluwa ang siyang magandang patunay na kailangan natin ang “muling pagkabuhay ng mga yumao” kung saan magkakasama muli ang naghiwalay na kaluluwa at katawan. Ang katawan na muling makaka-ugnay ng kaluluwa ay hindi nangangahulugang ang eksaktong katawan o kahit replika ng katawang taglay natin habang nabubuhay. Ang inaasahan natin ay isang “glorified body” o maluwalhating katawan tulad ng tinaglay ng Panginoong Hesukristo sa kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya huwag mabahala kung ang isang yumao man ay dumaan sa cremation o kung ang mga labi niya ay naagnas na at naging pira-pirasong buto na lamang. Gagawa ang Diyos ng kahanga-hanga at bagong bagay sa araw na iyon.
Bagamat ang paniniwalang ito sa kalagayan ng kaluluwa matapos ang kamatayan ay hindi naman isang establisadong doktrina, ito ay magandang paglalarawan na nagbibigay liwanag sa nagaganap sa kamatayan, sa inaasahang muling pagkabuhay at sa darating na paghuhukom na pangkalahatan.
PAGHUHUKOM SA BAWAT ISA MATAPOS ANG KAMATAYAN
Sa Lumang Tipan, ang Diyos ay pinaniniwalaan na bilang “hukom” ng lahat, at “makatarungang hukom” (Gen. 18:25, Mal, 2:17); at huhukuman niya ang buong Israel at ang mga bansa ayon sa mga propeta. Sa Bagong Tipan, bahagi ng pangaral ng Panginoong Hesukristo ang paghuhukom at siya mismo ang inaasahang hukom (Mt 7:22, 13:41, 16:27, 25:31-46).
Matapos mamatay ang isang tao, agad siyang huhukuman ng Diyos, batay sa kanyang naging kilos sa buo niyang buhay. Ayon kay San Agustin, bawat kaluluwa ay huhukuman matapos ang kamatayan at ito ay iba pa sa inaasahang pangkalahatang paghuhukom sa pagkabuhay ng mga namatay. Sa Katesismo (Catechism of the Catholic Church, 1022), itinuturo na may paghuhukom sa oras ng kamatayan kung saan ang kaluluwa ay maaaring tanggapin sa langit o buhay na walang hanggan (matapos ang pagdalisay sa purgatory kung kinakailangan) o mabulid sa walang hanggang kapahamakan.
PAANO ANG PAGHUHUKOM SA BAWAT KALULUWA NG YUMAO?
Huwag nating isipin na tila ito isang korte kung saan nasa kanan si San Pedro at ang mga anghel at nasa kaliwa ang demonyo at ang kanyang mga kampon at nagpapaligsahan sila sa harap ng Diyos kung saan mapupunta ang isang kaluluwa. Hindi rin ito tulad ng isang timbangan kung saan titimbangin ang mga kabutihan at kasamaang nagawa ng tao at ang mas mabigat ang siyang magiging basehan ng kanyang huling hantungan.
Mas magandang maunawaan ito sa nagaganap mismo sa kamatayan. Ang kamatayan ay bahagi ng ating “personal na kasaysayan” at dito natutuldukan ang kasaysayang ito na hindi na mapapalitan pa. Sa kamatayan, tayo mismo ang susuri sa ating mga kilos, salita at isip; kung tayo ba ay namuhay patungo sa Diyos o papalayo sa kanya. Ginagawa natin ito kung nagsusuri tayo ng ating budhi o ng ating kamulatan habang nabubuhay tayo pero sa ating pagsusuri, maaari tayong magkamali ng pananaw habang buhay pa tayo. Subalit sa oras ng kamatayan, sa harap ng Diyos, walang pagkakamali at walang panloloko. Kung ano ang ating isinabuhay sa mundong ito, pagtitibayin ito ng Diyos; ganito ang anyo ng kanyang paghuhukom – pagtitibayin niya kung ano ang landas na tinahak na natin, ang pasyang ginawa na natin habang nasa mundong ito. Lilinawin niya sa atin kung tayo ba ay nabuhay ayon sa kanyang kalooban o hindi, at kung ano ang naghihintay sa ating kalagayan sa walang hanggan. Ang langit ay isang tiyak na katotohanan (reality) dahil ito ang hangarin ng Diyos para sa lahat ng kanyang mga anak; subalit ang impiyerno ay isang tunay na posibilidad (possibility) dahil maaaring magpasya ang isang tao na piliin ito sa pamamagitan ng buhay na malayo sa Diyos. Bagamat madiing itinuturo ng Bibliya at ng Tradisyon ng simbahan na may impiyerno, napansin ba ninyong walang sinumang tao na ipinahayag ng simbahan na tiyak na napunta doon? Sa halip, laging ipino-proklama ang mga Blessed o mga Santo/ Santa na mga taong tiyak na nakarating sa kaluwalhatian ng langit. Sa teyolohiyang Katoliko, ang langit ang tadhanang inaasam ng Panginoon para sa atin at ang impiyerno naman ang pagtanggi ng tao sa alok ng Diyos. Malinaw na hindi ang Diyos ang nagtatakda sa tao sa impiyerno.
Kaya mabuting alisin sa isip ang larawan ng Diyos na tulad ng hukom sa korte o ng isang mabusisi at galit na tagapagpasya ng hantungan natin. Hanggang sa dulo ng buhay, ang Diyos ay ating Amang gumagabay at nagmamahal. Hanggang sa dulo ng ating buhay, kumapit nawa tayo sa awa at habag ng Mabuting Pastol ng ating kaluluwa. (Ourparishpriest 2023)
Salamat sa aklat ni Peter Phan: Responses to 101 Questions on Death and Eternal Life (ginamit na reference)