GABAY SA MATIWASAY NA PAMUMUHAY PART 1
GABAY 1: MAGING MASAYA SA SARILI
Ang kapayapaan mo ay magmumula sa kalooban mo at hindi sa iba; huwag iasa ang iyong kaligayahan sa ibang tao, lugar, karanasan, o anumang sangkap o aktibidad lalo na ang mga mapanganib sa kalusugan at kaisipan. Ang puso mo ang altar ng Diyos, ang katawan mo ang templo ng Espiritu Santo, at ang sarili mo ang mahal ng Diyos at kasangkapan niya para sa kabutihan sa mundo. Kaya, maging masaya sa sarili mo! Oks ba?
GABAY 2: MAGPAALAM SA NAKARAAN
Kung lagi mong iniisip ang nakalipas na, hindi mo matutuklasanang saya at pag-asa sa kasalukuyan. Saan ba matatagpuan ang kapayapaan, kagalakan at bagong pag-asa kundi sa kalayaang dulot ng kasalukuyan, ng ngayon. Mabuhay sa ngayon at huwag lingunin ang kahapon. Ok yun!
GABAY 3: HINDI KA TALUNAN
Hindi ka talunan. Kaya mong baguhin ang karanasan mo sa tulong nga pagbabago ng kaisipan mo. Kapag binago mo ang kaisipan at naging positibo ka, doon magaganap ang mga bagong karanasan at pagkakataon sa buhay mo.
GABAY 4: MATUTUNAN ANG DAPAT PAHALAGAHAN AT MAGPATAWAD
Kung nais mo ng kapayapaan ng isip at bagong pagkakataon sa buhay, ilagay mo ang lakas sa pagpapahalaga sa iyong sariling kabutihan at sa kabutihan sa paligid mo; patawarin ang dapat patawarin at lumayo sa hindi kaaya-ayang nakalipas na.
GABAY 5: TUKLASIN ANG TUNAY NA PROBLEMA AT LUTASIN ITO
Ang tunay mong problema na ugat ng lahat ng problema ay ito: iyong iniisip mong hindi ka karapat-dapat sa buhay na nais mo, iyong walang pag-ibig sa paligid mo, at iyong nag-iisa ka na at walang pag-asa. Hindi totoo lahat yan; Mahal ka ng Diyos at siya ang tutulong sa iyo. Kapit lang, kapatid!
GABAY 6: PAGPAPATAWAD AT HABAG
Dahil kapayapaan at kaligayahan ang pakay ng buhay mo, tandaan na ang pagpapatawad at pagkahabag sa kapwa ang landas para makamit mo ang mga ito.
GABAY 7: Handugan ang sarili ng kapayapaan at kabutihan
Dahil nais mo ng kapayapaan, ito rin ang naisin mong ialay sa iba; piliin ang kabutihan ng puso para sa kapwa, at hangarin mo sa kanila anuman ang ninanais mo din sa sarili mo; kahit minsan mahirap at masakit itong gawin.
GABAY 8: TUKLASIN ANG MAHALAGA AT ANG WALANG HALAGA
Sa ganang kanilang sarili, walang bagay na masama; ang ating pagkapit sa mga ito at ang maling paggamit sa mga ito ang nagpapasama, ang gumagawa sa ating alipin sa mga ito.
GABAY 9: MAGHANDOG NG PAG-IBIG SA HALIP NA IPAGTANGGOL ANG SARILI
sa araw na ito, palitan ang paged-depensa ng sarili mo ng pagmamahal, dahil ang pagmamahal ay hindi nangangailangang idepensa o ipangtanggol.
GABAY 10: LAGI TAYONG MALAYANG PUMILI
Nasa atin ang kapangyarihang pumili; sa araw na ito, pillin na magmahal at mag-isip lamang ng pagmamahal.
ourparishpriest2023