IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
ANG MAPAGBIGAY AT ANG MAINGGITIN
MT. 20: 1-16a
MENSAHE:
Sa talinghaga ngayon, inilalahad ng Panginoong Hesukristo ang tanong ng may-ari ng lupa: “Kayo ba’y naiinggit dahil ako’y nagmamagandang-loob?”Parang: inggit ka ba dahil mapagbigay ako? Kahit hindi binanggit ang pinatatamaan, tiyak na tinutukoy ni Hesus ang mga taong taliwas ang ideya sa kanyang turo tungkol sa Diyos na may pusong bukas at pantay tumingin sa lahat. Mapagbigay ang Diyos kahit na maraming tao ang mainggitin pa rin. Ano ang pagkakaiba sa dalawang pananaw na ito? Una, ang mapagbigay ay may malaking puso na laging nakakiling sa kapwa, nakatingin papalabas. Ang mainggitin naman, maliit ang puso at makitid ang utak na laging nakatuon sa sarili niya. Ikalawa, ang mapagbigay ay hindi lang nakakiling sa iba, kundi tunay na nagaabot-kamay sa kanila – humihipo, tumatanggap, yumayakap sa sinuman na walang pinipili. Ang mainggitin tumatangging makipagkapwa-tao at kung maisipan man, sa kaunting magustuhan niya lang. Ikatlo, ang mapagbigay ay umaapaw sa pagmamahal, kapayapaan at kagalakan habang tumutulong sa kapwa; tunay siyang bukal ng pag-asa sa kapaligiran. Ang mainggitin, negatibong energy naman ang dulot dahil sa sama ng loob at reklamong laging kinikimkim sa loob niya. Huli sa lahat, ang mapagbigay ay nagagalak sa pakikipagtagpo dahil dito niya nasasalamin ang mukha ng Diyos sa katauhan ng bawat taong nakakasalamuha niya. Ang mainggitin ay umiiwas sa pakikipagtagpo at dahil dito nawawalan ng pagkakataong makilala ang Diyos sa katauhan ng iba. Malinaw ang mensahe: ang Diyos ang mapagbigay na madalas hindi maunawaan sa kanyang mabuting kilos at pasya. Ang mga mainggitin ang mga taong taliwas sa ugali ng Diyos, at nakakalimot na maging sila man ay umaani ng pagka-mapagbigay ng Panginoon.
MAGNILAY:
Naisip mo ba kung paano nagiging mapagbigay ang Diyos sa iyo? Handa ka din bang maging mapagbigay sa kapwa? Ano ang ikinatatakot mong mawala sa iyo kung magpapakita ka ng kabutihan at pagkabukas-palad sa iba? Panginoon, turuan mo po akong maging mapagbigay tulad mo, at mapuno ng galak sa pakikipagtagpo sa mga taong higit na nangangailangan ng pansin at kalinga ko ngayon. Ourparishpriest 2023