SAINTS OF SEPTEMBER: PAPA CORNELIO AT OBISPO SAN CIPRIANO

SETYEMBRE 16 MGA MARTIR A. KUWENTO NG BUHAY Ang paniwala ng simbahan ay magkaibigan ang dalawang santo na parehong nag-alay ng buhay para sa pananampalataya (may sulat sa pagitan ng dalawa na nagpapatunay nito).  Kahit na magkalayo sila ng kanilang teritoryong pinaglingkuran, nagkasundo sila sa mahalagang pasya para sa kapakanan ng simbahan. Nagkaisa rin sila sa uri ng kamatayan na kanilang dinanas upang patunayan ang kanilang katatagan para kay Kristo. Si Papa San Cornelio ay naging Obispo ng Roma (Santo Papa) noong taong 251.  Maikli lamang ang panahon ng kanyang panunungkulan dahil sa kanyang kamatayan noong 253.  Ito ay bunga ng pag-uusig sa mga Kristiyano noong panahong iyon. Isang malaking hamon ang hinarap ni San Cornelio bilang pinuno ng buong simbahan.  Laganap ang mga pag-uusig sa mga Kristiyano.  Kalimitan, ang mga ito ay binibigyan ng pagkakataon na iligtas ang kanilang buhay mula sa pagtuligsa. Ang iniaalay na mungkahi ng mga sundalo ng emperador ay pilitin ang mga Kristiyano na maghandog ng sakripisyo sa harap ng mga diyos-diyosan (o sa imahen ng emperador) upang makaligtas.  Ang hindi maghandog ay tiyak na mamamatay. At marami ngang pinili ang kamatayan kaysa gawin ang ganitong uri ng pagtalikod sa pananampalataya. Pero mayroong ding gumanap ng paghahandog ng sakripisyo upang makaiwas sa tiyak na kamatayan.  Binibigyan ng isang munting dokumento ang mga gumawa nito upang patunay na iniwan nila ang kanilang pananampalatayang Katoliko.  Sa kasaysayan ng simbahan, ang naging tawag sa kanila ay lapsi (salitang Latin na ang ibig sabihin ay nadapa sa pananampalataya). Pagkatapos ng pag-uusig, nais ng mga lapsi na muling makabalik bilang miyembro ng simbahan. Gusto nilang malaman kung paano nila mababawi muli ang kanilang dignidad bilang Kristiyano.  Isang tugon dito ay galing kay Novatian, isang pari ng Roma na nagsabing dapat ay binyagan muli ang sinumang lapsi bago muling tanggapin sa simbahan. Tumutol si San Cornelio dahil para sa kanya, at sa kanyang kaibigang si San Cipriano, hindi maaaring ulitin ang binyag (Na ang binyag ay minsan lamang at hindi puwedeng ulitin ay ang doktrina ng simbahan hanggang sa ating panahon). Kailangan lamang daw na magpakita ng taos-pusong pagsisisi at tunay na pagbabalik-loob ang isang nadapa sa pananampalataya, at ito ay magiging sapat na para siya ay mapatawad at muling makabalik sa simbahan. Dumating ang panahong si San Cornelio naman ang ipinatapon sa Civitavecchia sa utos ng emperador. Dito siya inabutan ng kamatayan at agad na itinanghal ng mga tao bilang santo. Si San Cipriano naman ay mula sa isang mayamang pamilya sa Carthage at isinilang noong taong 210.  Klasikal ang edukasyong ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang, kaya naging matalinong manunulat at mananalumpati (orator) si San Cipriano. Nang mabinyagan siya ay nagtuloy-tuloy ang kanyang pag-akyat sa larangan ng paglilingkod sa Diyos hanggang mahirang siyang obispo ng Carthage, ang kanyang sariling bayan. Kinilala siyang pinuno ng halos 150 obispo sa rehiyon na iyon ng Africa. Tulad  ni San Cornelio, naging problema din ni San Cipriano ang usapin ng mga lapsi sa kanyang lugar.  Tumutol din siya sa ideya ng pangalawang pagbibinyag sa mga nagbabalik-loob. Nang dumating ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa Carthage, isa sa mga tumakas ay si San Cipriano. Ginamit ito ng kanyang mga kaaway laban sa kanya dahil tanda daw ito ng kaduwagan niya. Subalit ipinaliwanag niyang ito ay dapat niyang gawin upang hindi mawalan ng pastol ang kanyang mga tupa. Pagbalik niya sa Carthage, nagkaroon muli ng pag-uusig at pinatawan ng parusa si San Cipriano na ipatapon sa malayong lugar.  Pagkatapos, siya ay pinugutan ng ulo.  Dahil sa matapang na pagtanggap niya ng kamatayan noong 258, naging malakas ang tiwala ng mga tao sa kanyang halimbawa at mga aral. B. HAMON SA BUHAY May kilala tayong mga dating Katoliko na lumayo na sa pananampalataya o kaya ay umanib na sa ibang relihyon, tulad ng ilan sa ating mga kapamilya o kaibigan. Ipagdasal natin sila ngayon upang muli nilang maalala at mapahalagahan ang kanilang kinamulatang pananampalataya at maghangad na muling makabalik dito. K. KATAGA NG BUHAY Rom 8: 38-39 Natitiyak kong kahit ang kamatayan at buhay, kahit ang mga anghel at pamumuno ng kasalakuyang panahon o ng darating; kahit ang mga puwersa ng kaitaasan o ng kailaliman; natitiyak ko na sa mga nilikha’y walang makapagwawalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos na na kay Kristo Jesus na ating Panginoon. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 724