SAINTS OF SEPTEMBER: MAHAL NA BIRHEN NA NAGDADALAMHATI

SETYEMBRE 15 A. KUWENTO NG BUHAY Tamang-tama ang pagkakasunod ng kapistahang ito sa naunang pagdiriwang.  Ang Krus ng Panginoong Jesukristo ang siyang tanda ng kanyang matinding paghihirap. Ito rin ang simbolo ng kanyang madugong kamatayan. At siyempre, ito din ang sagisag ng kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Ang kapistahan ngayon ay isang pag-alala sa Mahal na Birheng Maria.  Kalimitan ang mga pagdiriwang sa listahan ng mga santo ukol sa Mahal na Birhen ay may kinalaman sa mga tuwa o luwalhating naranasan niya mula nang piliin at tawagin siya ng Diyos para sa isang natatanging misyon. May pista tayo sa Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria (Immaculate Conception), sa Pagsilang ni Maria (Nativity of Mary), at sa Pagbabalita ng Anghel kay Maria (Annunciation), at tungkol sa mga titulo o pagpapakita niya sa iba’t-ibang pagkakataon.  Pero magandang huwag kalilimutan na hindi panay saya o galak lamang ang naranasan ni Maria. Sa kanyag pagtanggap na maging Ina ng Anak ng Diyos, tinanggap niya rin ang hamon na maging kaugnay sa misyon ng kanyang Anak.  Maraming dusa, maraming dalamhati, maraming paghihirap din ang dinanas ng Mahal na Birhen dahil sa kanyang pagtugon at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang kapistahang ito ang sumasariwa sa mga pinagdaanang pagdurusa ni Maria. At nakakagulat kung papansinin na ang mga ito ay ipinahayag na ni Simeon (Lk) noong kapapanganak pa lamang ng sanggol na si Jesus. Sa debosyong Katoliko, inayos at pinagnilayan ang ilan sa mga pagdurusang ito.  Tinatawag ito ngayong The Seven Sorrows of Mary o ang Pitong Dalamhati ni Maria.  Halos lahat ng ito ay mula sa Salita ng Diyos at ang isa naman ay mula sa Tradisyong Kristiyano. Ang mga ito ay: 1. Ang Pahayag ni Simeon (Lukas 2:34–35) 2. Ang Pagtakas Papuntang Ehipto (Mateo 2:13) 3. Ang Pagkawala ng Batang Jesus sa Templo ng Jerusalem (Lukas 2:43–45) 4. Ang Pagtatagpo ni Jesus at Maria sa Daan Patungong Kalbaryo (batay sa Tradisyon) 5. Ang Pagpapako at Kamatayan ni Jesus sa Krus (Juan 19:25) 6. Ang Pag-ulos ng Sibat sa Tagiliran ni Jesus at ang Pagbababa sa Kanya mula sa Krus (Mateo 27:57–59) 7. Ang Paglilibing kay Jesus ni Jose ng Arimatea (Juan 19:40–42) Ang kapistahang ito ay natatanging pagdiriwang ng religious order na Order of the Servants of Mary (OSM). Subalit ginawa ito ng Santo Papa na pista para sa buong simbahan upang maalala ng lahat ang mga dusa at sakit na tinamo ng Mahal na Birhen sa kanyang buong buhay, at lalo na sa paanan ng Krus. B. HAMON SA BUHAY Ang dalamhati o paghihirap ng puso ni Maria ay hindi pansarili lamang. Tinanggap niya ang mga ito para sa kanyang Anak. Tinanggap niya ito para din sa atin na kanyang mga anak sa pananampalataya. Ialay natin sa Diyos, tulad ni Maria, ang ating mga krus at pasanin sa ating araw-araw na buhay. K. KATAGA NG BUHAY 1 Pt 4:13 Nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Kristo, kaya magalak kayo at pagkabunyag sa kanyang kaluwalhatian, malulubos ang inyong malaking kagalakan. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 625