SAINTS OF SEPTEMBER: SAN COSME AT SAN DAMIAN, MGA MARTIR
SETYEMBRE 26 A. KUWENTO NG BUHAY Nakakatuwang pagmasdan ang mga kambal. Lalo kung magkahawig ang mukha nila, tila ang hirap silang makilala. Madalas ang damit nila ay magkamukha kaya dumadagdag pa ito sa pagkalito natin upang malaman kung ano ang pagkakaiba ng isa sa isa pa. Mayroong mga santo na magkakapatid. at may mga santo din na kambal, tulad ni San Benito at Santa Escolastica. Ang mga santong sina Cosme at Damian ay pinaniniwalaang ipinanganak na kambal; kambal sa pagsilang, kambal sa misyon at kambal sa kamatayan. Nagmula sa Syria ang magkapatid na ito. Ang Syria ay talagang pinagpala sa mga unang taon ng simbahan dahil sa dami ng mga naiambag na santo sa kasaysayan. Maraming martir ang nagmula sa Syria at matapang na nagbuwis ng buhay. Sa panahon natin, isang malaking pagsubok ang dinaranas ng mga Kristiyano sa Middle East, lalo na sa Iraq, Syria, at sa mga lugar na sinasakop ng mga militante at panatikong Muslim. Napakaraming mga Kristiyano at Muslim ang naging magkakaibigan at magkakapit-bahay sa mga lugar na ito noong unang panahon pa, at nasira lamang ang magandang sitwasyon dahil sa makitid na pag-iisip ng ilang malulupit na mga tao. tila paalala sa atin nina Cosme at Damian na ipagdasal natin ang ating mga kapatid na Kristiyano sa lupang tinubuan nila. Ayon sa kasaysayan, naging kapwa mga doktor ang magkapatid. Minahal at iginalang ng mga tao ang dalawa. Ito ay sa dahilang hindi sila sumisingil ng bayad para sa kanilang mga serbisyo lalo na sa mga mahihirap. Ito ang isang malaking dahilang kung paano naging kasangkapan sila ng pagka-akit ng mga tao sa pananampalatayang Kristiyano. Hindi lamang naramdaman nila ang kabaitan ng mga doktor na ito. Naunawaan din nilang ang pinagmumulan ng ganitong kabutihan ay ang pagiging saksi nila para kay Kristo. Higit pa diyan ay sinasabing may ibinibigay pa sila sa kanilang mga naging pasyente maliban sa gamot o lunas sa sakit. Ang dalawang doktor na ito ay nagbabahagi ng pag-asa ng kaligtasan para sa kanilang mga ginagamot na tao. hindi lamang lunas sa katawan kundi espiritwal na tulong ang kanilang napagtagumpayang dalhin sa buhay ng mga lumalapit sa kanila. Nang dumating ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa ilalim ng emperador Diocletian, magkasamang pinatay sina Cosme at Damian. Kasama din daw nilang naging martir ang tatlo pa nilang kapatid. Iba’t-iba ang salaysay ng kanilang kamatayan. Maaaring ibinitin sa krus, binato, tinusok ng mga pana o pinugutan ng ulo ang magkapatid at ang kanilang mga kasama mga bandang taong 308 Ngayon ay patron saints sila ng mga doktor at mga pharmacists. Nakalagay din ang kanilang pangalan sa Roman Canon o Unang Panalanging Eukaristiko. B. HAMON SA BUHAY Ipagdasal natin ang ating kakilalang mga doktor upang tulad nina San Cosme at San Damian maging kasangkapan sila ng kabutihan ng Diyos sa mga may karamdaman. Inaalala ko ngayon ang mga doktor na mababait at matulungin na sina Dr. BJ San Marcos, Dr. William Lim, Dr. Michael Sarte, Dr. Glen Milan, Dr. Joey Ignacio, Dra. Mildred Luque, Dra. Nerissa Isabel “Angel” Sescon, Dr. and Mrs. Ryan Taguba, at Dra. Ligaya Garcia; Dra. Lily Jose at Dr. Ranel Samson; pati na rin sina Dra. Naty Granada, Dra. Citas Jaurigue, Dra. Beth Lacuna at Dra. “Ate” Wendiline Tan. K. KATAGA NG BUHAY Sirach 38: 1 Igalang mo ang manggagamot yamang kailangan mo ang kanyang pagtingin at ang Diyos na rin ang lumikha sa kanya. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 327
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed