SAINTS OF SEPTEMBER: SAN JANUARIO (JENARO)
SETYEMBRE 19 OBISPO AT MARTIR A. KUWENTO NG BUHAY Isa sa mga sinaunang santo si San Januario subalit kahit na napakalayo ng kanyang henerasyon sa atin ngayon, buhay na buhay ang debosyon sa sa kanya. Ito ay dahil sa isang malaking himala na natutunghayan ng mga deboto niya sa tuwing kapistahan niya sa Naples sa Italy. Walang masyadong alam na detalye sa buhay ni San Januario. Maaaring namatay siya noong taong 305. Naging martir siya ng pananampalataya, kasama ang ilang mga Kristiyanong nahatulang magbuwis ng buhay. Ayon sa mga kuwentong nakarating sa ating panahon, si San Januario ay dating obispo ng Benevento. Nagsimula siya bilang isang batang-batang pari ng lugar at naging obispo rin siya sa batang edad. Sa panahon ng kaguluhan dahil sa pagtugis, pagpapahirap at pagpatay sa mga Kristiyano, sa ilalim ni Diocletian, itinago ni San Januario ang marami sa kanyang mga nasasakupan at iniligtas sila sa naka-ambang kamatayan. Subalit dumating din ang panahon na siya mismo ang nadakip. Ipinatapon siya at pinugutan ng ulo sa Naples kung saan ngayon ay napakalakas ng debosyon ng mga tao sa kanya. Ang unang pagbanggit ng kasikatan ni San Januario ay sa isang salaysay kaugnay sa kamatayan ni San Paulino ng Nola. Bago mamatay si San Paulino ay sinabi niyang nagpakita sa kanya ang espiritu ni San Januario at ni San Martin ng Tours, upang palakasin ang kanyang loob at tiyakin ang kanyang kalalagyan sa langit. Dito matutunghayan na noon pa lamang panahon ni San Paulino ay kilala na si San Januario ng mga mananampalataya. Dahil isang martir si San Januario, ang debosyon sa kanya ay umiinog sa relic ng kanyang dugo. Ayon sa paniniwala ng mga taga-Naples, ang ilang patak ng dugo ng santo ay nakalagak sa isang lalagyan sa kanilang simbahan. Tulad ng inaasahan, tuyo na ang dugong ito sa tagal ng panahon. At iyan ang makikita sa lalagyan. Pero sa ilang beses sa bawat taon, ipinapakita sa mga tao ang tuyong dugo ng santo para sa kanilang ikalalakas ng loob. At sa mismong harapan ng mga tao, unti-unting nagiging sariwa muli ang dugo ng santo. Sinasalubong ito ng malakas na palakpakan. Hinihintay ang sandaling ito ng mga namimintuho sa kanya. Itinuturing ito na isang malaking himala na kaugnay sa ala-ala ng santo. Pero dapat nating tandaan na ang pagpaparangal sa mga santo ay hindi lamang dahil sa mga kamangha-manghang himala na matutunghayan natin. Sa katunayan, may mga panahon na hindi naganap ang inaasahan ng mga tao sa Naples sa pista ni San Januario. Ang tunay na saligan ng pananampalataya natin ay hindi mga himala kundi ang presensya ng Diyos sa ating buhay sa pamamagitan ng mga simple at ordinaryong mga bagay, pangyayari at tao. Bilang mga Kristiyano, kasama natin si Jesus sa simbahan, sa kanyang Salita, sa mga sakramento at sa ating pagtitipon at pagmamahalan. Mas higit pa ito sa anumang himala. Kung mayroon mang mga itinuturing na milagrong kaakibat ng mga santo, ito ay isang patunay lamang ng patnubay at kapangyarihan ng Diyos. Pero kahit hindi tayo makakita ng milagro, tuloy pa rin ang ating pananalig sa Panginoon. Ganyan ang buhay ni San Januario. Nakita niya ang Diyos sa simpleng pagsunod niya sa kalooban ng Panginoon sa kanyang pagtupad sa tungkulin hanggang sa pag-aalay niya ng buhay. B. HAMON SA BUHAY Maraming taong laging naghahanap ng mga himala para maniwala. Hindi ba’t araw-araw ay maraming mumunting himala ng Diyos sa ating buhay? Hindi nawawala ang Diyos lalo na at bukas ang ating mata sa pagtuklas ng kanyang presensya sa bawat sandali. K. KATAGA NG BUHAY 2 Tim 2: 11-13 Totoo ang kasabihang ito: kung kasama niya tayong namatay, kasama niya tayong mabubuhay; kung magtitiis tayo, kasama rin niya tayong maghahari; kung itatakwil natin siya, itatakwil din niya tayo; kung hindi tayo tapat, tapat pa rin siya sapagkat hindi niya maitatakwil ang kanyang sarili. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 549
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed