SAINTS OF SEPTEMBER: SAN JERONIMO, PARI AT PANTAS
SETYEMBRE 30 A. KUWENTO NG BUHAY Kilalang magaling na manunulat si San Jeronimo sa talaan ng mga santo. Isa siya sa may pinakamaraming naisulat tungkol sa pananampalataya, tulad din ng magiting na si San Agustin. Ang pinakamahalagang ginawa niya bilang manunulat ay ang isalin ang Bibliya sa wikang Latin mula sa orihinal na wikang Hebreo na pinagmulan nito. Kaya itinuturing siyang bihasa sa Banal na Kasulatan at modelo ng mga nag-aaral ng Salita ng Diyos. Mula kay San Jeronimo ang sikat na pananalitang: “Ang kamangmangan sa Banal na Kasulatan ay kamangmangan kay Kristo.” At itinuturo din ng simbahan ngayon na hindi natin makikilala ang Panginoon kung hindi natin babasahin, pag-aaralan at dadasalin ang kanyang Salita. Si San Jeronimo ay isinilang sa lugar na kung tawagin ay Stridon sa Dalmatia (hindi matukoy ang eksaktong lugar nito ngayon, maaaring nasa Croatia o Slovenia) noong taong 347. Dahil napadpad siya sa Roma upang mag-aral, natuto siya ng mga wikang Latin at Griyego. Dito din nagsimula ang kanyang pag-aaral ng pananampalataya at ang kanyang pagka-binyag sa simbahan. Naakit si San Jeronimo sa katahimikan at pag-iisa upang lalong makapagdasal at makapagnilay. Kaya sinimulan niyang lumayo sa mga tao upang tuluyang makapasok sa buhay panalangin at sakripisyo. Nagpunta siya sa Antioquia upang mamuhay mag-isa sa ilang o disyerto pero nagkasakit siya dito at dumanas ng matitinding tukso ng laman. Ang ginawa niyang panlaban sa mga balakid na ito sa kanyang buhay ay ang pag-aaral ng salitang Hebreo. Nagsimula na rin siyang gumawa ng mga salin o translation ng Bibliya mula sa orihinal na wika. Nang maging pari si San Jeronimo, patuloy pa rin niyang pinag-aralan ang Salita ng Diyos. patuloy din siyang namuhay mag-isa. Subalit nagbago ang lahat ng ito nang tawagin siya sa Roma ni Papa Damaso upang maging secretary niya. Habang nasa Roma ay inatasan din siyang maghanda ng bagong edisyon ng Bibliya sa Latin. May ilang mga kababaihan mula sa mayayamang pamilya ng Roma na humingi ng tulong ni San Jeronimo upang gabayan sila sa pamumuhay ayon sa diwa ng pananampalataya at pag-aalay ng sarili sa Diyos. ginabayan niya ang mga ito upang magsimulang mamuhay bilang mga mongha na nakatalaga lamang sa paglilingkod sa Diyos. Nagbalik si San Jeronimo sa Silangan nang mamatay ang Santo Papa. Tumira siya sa Betlehem at muling nagsalin ng Bibliya sa Latin. Kahit hanggang ngayon may isang kuweba sa Betlehem malapit sa lugar kung saan isinilang ang Panginoong Jesukristo, na kung tawagin ay kuweba ni San Jeronimo dahil ito raw ang kanyang naging tahanan. Namatay sa Betlehem si San Jeronimo noong taong 420. Inilibing siya sa ilalim ng makasaysayang simbahan sa lugar na ito. Pero ang mga relic o labi niya ay dinala sa Roma kung saan ito ay dinadalaw ng mga deboto. B. HAMON SA BUHAY Maraming nagsasabi na hindi alam ng mga Katoliko ang kanilang Bibliya. At totoo din na maraming Katoliko ang tamad magbasa ng Salita ng Diyos. kahit hindi tayo eksperto dito, ugaliin nating basahin ang ilang bahagi ng Bibliya araw-araw lalo na upang matulungan tayong magdasal. K. KATAGA NG BUHAY Josue 1:8 Huwag kang lilihis sa kanan man o sa kaliwa, at magtatagumpay ka saan man pumaroon. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 840
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed