SAINTS OF SEPTEMBER: SAN JUAN CRISOSTOMO, OBISPO AT PANTAS

SETYEMBRE 13 A. KUWENTO NG BUHAY Mahal ng mga Kristiyano maging sa Silangan man o sa Kanluran si San Juan Crisostomo.  Bagamat hindi siya masyadong kilala sa Kanluran, pero ang kanyang impluwensya ay patuloy na damang-dama sa Silangan at gayundin ng mga nakakaalam ng kanyang tanging kontribusyon sa buhay ng ating simbahan magpahanggang ngayon. Isinilang sa Antioch si Juan noong taong 349. Ang kanyang mga magulang ay mga lahing Greco–Syrian.  Dahil maagang namatay ang kanyang ama, ang na-biyudang ina ni Juan ang tanging nag-aruga at nagpalaki sa kanya. Magandang oportunidad ang ibinigay kay Juan nang makapag-aral siya sa ilalim ng magaling na guro na si Libanio.  Subalit sa kabila nito, mas ninais ni Juan ang mamuhay bilang isang hermit o ermitanyo.  Araw-gabi niyang hawak at binabasa ang Salita ng Diyos. Napakaraming sakripisyo ang kanyang ginawa upang marating ang kabanalan ng buhay bilang taga-sunod ni Kristo.  Sinasabing dahil sa mga sakripisyong ito, nagkasakit si Juan at kailangan niyang bumalik sa Antioch. Naging isang pari si Juan at sa Antioch nasubok ang galing ng kanyang pangangaral. Hinangaan at minahal siya ng mga taong nakarinig ng kanyang mga aral. Ibang istilo ang ginamit niya upang ipaliwanag at ipangaral ang Salita ng Diyos.  tinawag siyang “Crisostomo” dahil ang kahulugan ng salitang ito ay “ginintuang-bibig.”  Ganyan naging kilala ang santo dahil ang kanyang mabungang pagpapahayag ng Mabuting Balita ang naging dahilan na naalala siya ng mga tao. Nahalal bilang Patriarka ng Constantinople si San Juan at kinailangan niyang umalis nang palihim mula sa Antioch dahil tiyak na hindi papayag ang mga tao na umalis siya doon.  Sa Constantinople (na ngayon ay Istanbul, Turkey),  patuloy ang pangangaral at pagtuturo ng santo.  Subalit hindi lahat ng tao ay natuwa sa kanyang mga ipinatupad doon. Umiwas si San Juan na magdiwang ng maraming mga pista at handaan. Sa halip, mas nakisalamuha siya sa mga simpleng mga tao.  nakita rin niya na kailangan ng mga kaparian ng reporma sa kanilang pamumuhay, at nang simulan niya ang reporma, maraming nagalit sa kanya. Higit sa lahat, naging kaaway niya ang asawa ng emperador Arcadio na si Eudoxia. Minsan ay naiisip ni Eudoxia na siya ang pinatatamaan ng mga sermon ng Patriarka. Kaya dalawang beses ipinatapon si San Juan palabas ng kanyang nasasakupan dahil sa galit ng babaeng ito at ng iba pang naging kaaway niya. Ngayon ay naaalala si San Juan sa kanyang kagalingan sa pangangaral, sa tapang laban sa mga may mga mataas na tungkulin sa simbahan man o gobyerno, at sa kontribusyon niya sa liturhiya. Ang Misa na tinatawag na Divine Liturgy of St. John Chrysostom ay ginagamit pa hanggang ngayon ng mga Orthodox at ng mga Eastern Catholic Churches. Namatay si San Juan noong ika-14 ng Septiyembre, 407.  Kinilala siya agad na isang santo.  Itinuturing din siyang isang Pantas ng simbahan dahil sa kanyang mga isinulat at itinuro.  Dahil ninakaw ang mga relics ni San Juan at dinala sa Europe, isinauli sa tulong ni Pope John Paul II ang ilang relics niya sa Istanbul noong 2004 lamang.  B. HAMON SA BUHAY Nang makita ni San Juan na kailangan ng mga reporma sa buhay ng mga kaparian, hindi siya nag-atubili na ipatupad ang mga ito. Ipinakita niya ang kahalagahan ng pagiging malapit ng mga pari sa mga tao. ipagdasal natin na mamulat ang ating mga pari na dapat silang maging kalakbay ng mga pinaglilingkuran nila.  K. KATAGA NG BUHAY Mt 28:19 Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 723