SAINTS OF SEPTEMBER: SAN ROBERTO BELARMINO
SETYEMBRE 17 OBISPO AT PANTAS A. KUWENTO NG BUHAY Isinilang sa bayan ng Montepulciano sa rehiyon ng Toscana si San Roberto Belarmino noong 1542. Bagamat marangal ang kanyang lahi, ang kanyang pamilya ay hindi gaanong marangya o mayaman. Bata pa lamag siya ay nakitaan na siya ng angking katalinuhan na magiging puhunan niya sa kanyang paglaki. Pumasok sa seminaryo ng Society of Jesus o ang mga Jesuits si San Roberto noong taong 1560. Una siyang ipinadala upang mag-aral sa Padua sa Italy at makaraan ang ilang panahon, inutusan siyang tapusin ang kanyang pag-aaral sa bansang Belgium, sa Pamantasan ng Louvain. Sa mga taong ito, lalong naging maningning ang talento ng santo sa larangan ng pagsasaliksik at pagtuturo. Nang maging pari si San Roberto ay nanatili siya sa Louvain upang magturo doon. Hindi naman naglaon at inanyayahan siyang bumalik sa Rome upang maging propesor ng Theology sa noon ay tinatawag na Roman College. Dito siya hinangaan bilang magaling na tagapagturo ng mga estudyante mula sa iba’t-ibang lugar. Naging Rektor din siya ng kolehiyong ito. Ang Roman College ay tinatawag ngayon bilang Universitas Pontificia Gregoriana o Gregorian University sa puso ng lungsod ng Rome. Itinuturing itong pinakamagaling na pamantasan sa lungsod at may pinakamaraming mag-aaral na mga seminarista, madre, pari, at mga layko na kumukuha ng kurso sa mga sangay ng Theology at Philosophy. Noong 1998, mapalad akong ipadala dito ng banal na arsobispo ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin upang mag-aral habang nakatira naman sa Pontificio Collegio Filippino. Maraming Pilipinong pari at madre ang nakatuntong sa kagalang-galang na pamantasang ito. Isa sa mga naging estudyante at binigyan ng gabay espirituwal ni San Roberto ay ang banal na si San Aloysius Gonzaga. Nang mamatay si San Aloysius ay isa si San Roberto sa nagtaguyod ng proseso upang kilalanin ito bilang isang santo ng simbahan. Kabilang sa mga naisulat ni San Roberto ay ang dalawang aklat sa katesismo na isinalin sa iba’t-ibang wika at ginamit sa iba’t-ibang bansa. Naging adviser siya ng Santo Papa tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa doktrina. Tinanggap ni San Roberto ang titulo bilang isang Kardinal noong 1599. Pagkatapos ay naging arsobispo siya ng Capua. Dito siya naging masigasig na pastol ng kawan ng Diyos. Nakadikit sa pangalan ni San Roberto ang kanyang gampanin sa kontrobersya tungkol kay Galileo. Sa utos ng Santo Papa, siya ang naglahad ng pasya ng simbahan tungkol sa mga makabagong tuklas ni Galileo sa larangan ng agham. Ipinagtanggol din niya si Galileo sa mga kaaway nito at pinatunayan na hindi ito pinarusahan ng simbahan kundi pinagbawalan lamang na ituro ang kanyang bagong aral. Nag-retire noong 1621 si San Roberto at nanatili sa tahanan ng mga Jesuit sa Rome hanggang sa kanyang kamatayan. Dahil sa kanyang kahilingan, nakalibing siya ngayon katabi ng kanyang paborito at mahal na estudyanteng si San Aloysius Gonzaga sa simbahan ni San Ignacio. B. HAMON SA BUHAY Maraming kakayahan subalit walang personal na ambisyon si San Roberto. Tanging hangad lamang niya ay gawin ang kalooban ng Diyos para sa kanyang buhay at sa kanyang kapwa. Ialay din natin sa Diyos ang ating mga talento upang lalo siyang parangalan ng mga tao at mahalin ng ating kapwa. K. KATAGA NG BUHAY Is 52:7 Ang ganda sa mga bundok ang pagdating ng tagapagbalitang nagpapahayag ng kapayapaan, naghahatid ng kaligayahan, nagpapahayag ng kaligtasan, at sinasabi sa Sion: Naghahari ang iyong Diyos! (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 223
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed