SAINTS OF SEPTEMBER: SAN VICENTE DE PAUL, PARI
SETYEMBRE 27 A. KUWENTO NG BUHAY Sa ibang bansa, may isang tanyag at laganap na organisasyong pang-simbahan na tinatawag sa pangalang “St. Vincent de Paul”. Ipinangalan ito sa santo para sa araw na ito. Ang gawain ng mga grupo sa ilalim ng organisasyon ay mangalaga sa mga mahihirap at nangangailangan ng tulong sa lipunan. Nagbibigay ang mga grupong ito ng pagkain, damit, kumot, pangginaw at iba pang mga tulong sa mga taong salat sa buhay. kalimitan itong mga grupong ito ang pinaka-social arm ng simbahan sa mga lugar kung saan sila matatagpuan. Ang inspirasyon ng organisasyon ay si San Vicente, isang Pranses, mula sa Paris. Ipinanganak siya noong 1660. Simple lamang ang mga magulang ni San Vicente. Tumulong siya sa pagpapastol ng mga alagang hayop ng kanyang mga magulang noong bata pa siya. Dahil sa sakripisyo ng kanyang tatay, na nagbenta ng mga alagang hayop para sa kanyang anak, nakapasok sa seminaryo si Vicente. Dahil matalino siya at masipag, madali niyang nagampanan ang mga hamon ng paghubog sa pagkapari. Naging isang ganap na pari siya sa edad na 19 taon, napakabata at mababa sa nakatakdang edad para sa ordinasyon na 24 taon. Dahil dito, nahirapan siyang magkaroon ng isang parokya na pamamahalaan. Kailangan pa niyang maghintay ng ilang taon bago siya maging kura paroko. May kakaibang yugto sa buhay ni San Vicente. Minsan sa kanyang paglalayag sa dagat, nadakip siya ng mga pirata at dinala at ipinagbili sa Tunisia bilang isang alipin. Ayon sa mga kuwento, ilang beses siyang ipinagbili sa iba’t-ibang mga amo bago siya nakatakas at nakabalik sa Paris. Malaking tulong ang nagawa ng kanyang matagumpay na paghikayat sa kanyang huling amo sa pananampalatayang Katoliko. Noong una, ang talagang pakay ni San Vicente sa pagpapari ay makahanap ng mayamang benefactor o sponsor upang maaga siyang makapag-retiro at matulungan niya ang kanyang pamilya. Pero unti-unti itong nagbago sa mga dumating na karanasan ng kanyang buhay. Naging parish priest siya sa isang parokya sa Paris. Naging chaplain siya ng isang mayamang pamilya. Naglingkod din siya sa mga trabahador sa mga barko at pati sa mga aliping nagtatrabaho doon. Pero higit siyang natuwa sa kanyang pagtuturo sa mga simpleng tao na nangangailangan ng gabay ng isang pari. nagkaroon din siya ng kapalarang makadaup-palad ang mga banal na sina San Francisco de Sales at Santa Juana Francisca de Chantal. Taong 1625 nang itatag ni San Vicente ang religious congregation na Congregation of the Mission (CM) na tinatawag din ngayong Vincentians. Binubuo ito ng mga pari at mga brothers na ang layunin ay maglingkod sa mga mahihirap at mga mangmang ng lipunan. Hindi nagtagal at napasama rin sa misyon nila ang paghuhubog ng mga seminarista sa pagkapari. Kasama si Santa Luisa de Marillac, itinatag din ni San Vicente ang isang grupo ng mga babaeng maglilingkod sa mga mahihirap. Tinawag itong Daughters of Charity (DC). Ang mga madre ng Daughters of Charity ang nagpapatakbo ng sikat na ampunan sa Maynila, ang Hospicio de San Jose, kung saan dati kong dinadalaw ang aking yumaong kaibigan na si Srta. Gregoria Patolot, na doon nag-retiro. Namatay noong 1660 si San Vicente at tinagurian siyang patron ng mga gawaing pang-kawanggawa ng simbahan sa buong daigdig. B. HAMON SA BUHAY Bilin sa akin ng aking yumaong spiritual director na si Fr. Albert Merschaert, CICM, na tularan ko daw lagi si San Vicente de Paul sa pagmamahal sa mga mahihirap. Sinabi daw ni San Vicente na kung ikaw ay nagdarasal at may kumatok sa pintuan mo na nangangailangan ng tulong mo, huwag mag-atubili na iwan ang dasal at asikasuhin ang kumatok. Dahil sa ginawa mong ito, iniwan mo daw si Kristo sa altar para harapin naman si Kristo sa katauhan ng kapwa tao. K. KATAGA NG BUHAY Jer 17:7-8 Maligaya ang nananalig kay Yawe at sa kanya umaasa! Para siyang punong nakatanim sa may tubig, na patungo sa ilog ang mga ugat. Hindi niya pinangangambahan ang pagdating ng init; laging berde ang kanyang mga dahon; wala siyang problema sa taon ng tagtuyot at lagi siyang namumunga. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 825
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed