SAINTS OF NOVEMBER: LAHAT NG MGA PUMANAW NA KRISTIYANO
NOBYEMBRE 2 A. KUWENTO NG BUHAY Ito sana ang araw ng pagpunta at pagdalaw ng mga Pilipino sa mga sementeryo upang alalahanin ang kanilang mga mahal na yumao. Nakakalungkot lamang na kakaunti talaga ang mga tao sa sementeryo sa tamang araw ng paggunita. Iilang mga lugar lamang ang nakakasunod sa petsang itinakda ng simbahan. Pero maraming mga pari ang ngayon pa lamang magmimisa at magbabasbas sa mga sementeryo dahil na din sa kaguluhan at siksikan ng mga tao sa naunang araw bago ito. Bagamat dalawang magkaibang pagdiriwang ang Nobyembre 1 at 2, magkaugnay naman ang dalawang ito. Pareho silang tumutukoy sa buhay na walang hanggan, sa buhay na ganap na kaloob sa atin ng Diyos sa kalangitan. Mahalaga sa mga Kristiyano, lalo na sa mga Katoliko at mga Ortodoso, ang pagdarasal at paggunita para sa mga yumao na. Ang mga Protestante at mga grupo ng mga Kristiyanong nagmula sa kanila ay hindi gumagawa ng ganitong kaugalian. Ang pagganap ng kapistahang ito ay may kinalaman sa mga pinaniniwalaan ng mga Katoliko tungkol sa pagkabuhay ng mga namatay (resurrection of the dead) na isang mahalagang doktrinang Kristiyano, at ang paniniwala sa Purgatoryo, na isang kalagayang mararanasan ng isang kaluluwang nangangailangan ng paglilinis o pagdalisay bago tuluyang sumapit sa langit. Sa Aklat ng Ikalawang Makabeo sa Lumang Tipan, matatagpuan ang ugat ng pagdarasal para sa mga yumao sa gawain ng mga Hudyo. Mababasa dito: 2 Mac 12: 41-46 : Pinapurihan ng lahat ang ginawa ng Panginoon, ang makapangyarihang Hukom na naglalantad sa mga lihim na gawa; at idinalangin nila na patawaring lubusan ang kasalanang ito. Hinimok ng magiting na si Judas ang kanyang mga tauhan na iwasan na ang lahat ng pagkakasala, sapagkat nasaksihan ng sariling mga mata nila ang nangyari dahil sa kasalanan ng mga napatay. Nagtipon siya ng abuloy mula sa kanyang mga sundalo at umabot iyon sa dalawang libong pirasong pilak at ipinadala iyon sa Jerusalem para maialay doon na handog para sa kasalanan. Buong ingat at maselang ginawa niya ito sa pag-alaala sa pagkabuhay na muli. Sapagkat kung di siya naniniwalang mabubuhay na muli ang kanilang mga kasamahang namatay, magiging walang kabuluhan at kabaliwan ang ipagdasal ang mga iyon. Ngunit sa pag-alaala sa magandang gantimpalang naaalay sa mga namatay na mananampalataya, naging banal at makaDiyos ang kanilang pagmamalasakit. Ito ang dahilan kung bakit iniutos ni Judas ang handog na ito para sa mga patay – para patawarin ang mga ito sa kanilang kasalanan. Dahil naugnay sa maling pagtuturo tungkol sa indulhensya (na sa halip na maging espirituwal ay naging pinansyal), naging malaking kontrobersya ang Purgatoryo para sa mga unang Protestante. Nilabanan ni Martin Luther ang turong ito dahil sa masamang naidulot ng pagkakamali ni Johann Tetzel sa pangangaral at pangangalakal ng isang banal na bagay. Hanggang ngayon ay naniniwala tayo sa indulhensya pero mabuti na lamang at naitama ang kahulugan ng salitang ito kaya’t ngayon ay wala na itong negatibong kahulugan. Ngayon ang tamang paraan ng paggunita sa mga yumao ay ang panalangin at ang pag-aalay ng Banal na Misa. Ito ang matatagpuan sa Salita ng Diyos at sa tuloy-tuloy na tradisyon ng simbahan. Kaya nga higit na mahalaga kaysa sa mga kandila at bulaklak, kung saan nauubos ang ating pero tuwing Undas (isang tawag sa Nobyembre 1 at 2), dapat nating ipagdasal ang ating mga yumao. Sa pagtitipon ng mga pamilya, mas magandang magdasal muna at magnilay bago magkuwentuhan at magkainan. B. HAMON SA BUHAY Sa tulong ng araw na ito, ipagdasal nating maghilom ang sugat ng pangungulila natin sa ating mga yumaong mahal sa buhay. Ipagdasal natin sila. Ipanalangin din nating maging handa tayo para sa ating sariling kamatayan. K. KATAGA NG BUHAY Phil 3, 20-21 Nasa kalangitan naman ang ating pagkamamamayan; doon din manggagaling si Jesucristong hinihintay nating Manunubos. Babaguhing-anyo niya ang ating katawang nasa kababaan upang makatulad nito ang kanyang sariling katawang nasa luwalhati; mayroon nga siyang kapangyarihang sumakop sa buong kalikasan. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 497
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed