SAINTS OF OCTOBER: BLESSED CARLO ACUTIS
ANG ATING KAIBIGANG SI CARLO ACUTIS (all images here are from internet sources, thanks to the various sites) Yumao sa murang gulang na 15 taon lamang dahil sa leukemia, hindi lamang nadama ng mga kamag-anak at kaibigan ang kanyang pagkawala, kundi nabuhay din ang masidhing paghanga sa kanyang maikling buhay na nakatuon kay Hesus sa Banal na Eukaristiya. Ang Italianong si Carlo Acutis ay normal at karaniwang bata. Ipinanganak siya sa London noong Mayo 3, 1991 at lumaki sa Milan. Naging masuyuin, mapagpakumbaba, masunuring bata siya na hindi nagmamalaki sa kanyang mga kakayahang likas. Nang tanggapin niya ang kanyang Unang Pagkokomunyon, nagsimula ang kanyang pasyang magsimba at tumanggap ng Komunyon araw-araw. Para sa kanya, ang makatagpo si Hesus sa Eukaristiya ay ang kanyang “highway” patungong langit, isang mabilis at tuwid na landas tungo sa banal na buhay at pakikipagkaibigan sa Diyos. Matapos ang Misa, dinadalaw pa niya ang Panginoon sa Tabernakulo at doon ay nananatili nang ilang saglit upang magpasalamat at sumamba. May matimyas na pagmamahal din si Carlo sa Mahal na Birheng Maria kaya’t araw-araw inaalayan niya ito ng kanyang pagdarasal ng Santo Rosaryo. Sabi niya: “Ang Mahal na Birheng Maria ang tanging babae sa aking buhay!” Bagamat tulad ng mga karaniwan niyang kababata, matagumpay na naisabuhay ni Carlo ang kanyang pagmamahal sa Diyos, sa simbahan at sa kanyang mga natatanging debosyon. Masigla niyang tinulungan ang mga bata sa paaralan na kailangan ang kanyang tulong; mahinahon niyang ipinaglaban ang Diyos at mga aral ng pananampalataya lalo na tungkol sa sakramento ng kasal at aborsyon sa harap ng pagtuligsa ng kanyang mga kapwa estudyante. Dahilan ito upang lalo siyang hangaan at mahalin ng lahat. Tulad ng mga kabataan ngayon, nahilig sa computer si Carlo at naging magaling siya sa kaalaman at paggamit nito na halos ituring na siyang isang computer genius ng mga nakatatanda sa kanya. Kaya niyang gawin ang computer programming, video editing, website construction at ang pagsusulat at pag-layout ng online magazine. Tumulong siya sa pagbuo ng website para sa kanyang parokya kasama ang iba pang volunteers na kabataan. Isa sa kaniyang pinagtuunan ng pansin at panahon ang pananaliksik at pagsasa-ayos ng isang website tungkol sa mga himala ng Eukaristiya o Eucharistic miracles, na ngayon ay itinatanghal sa iba’t-ibang bahagi ng mundo at matutunghayan din sa www.miracolieucaristici.org. Napakaganda itong itanghal sa mga paaralan at simbahan lalo na para sa kapakanan ng mga kabataang nagnanais maunawaan ang kapangyarihan ni Hesus sa Eukaristiya. Bukod dito, mabilis na kumikilos si Carlo sa lahat ng pagkakataong kailangan siyang mag-volunteer para sa mga mahihirap, mga bata at mga matatanda. Sa kanyang buhay, naging tila misteryo sa lahat ang pusong-maka-Diyos ng batang ito mula sa parokya ng Santa Maria Segreta ng diyosesis ng Milan. May mga taong napalapit sa Diyos dahil sa kanyang halimbawa. Ang isa nilang kasambahay na Hindu ay nahalina sa pananampalataya at nagpabinyag. Ang isang babae ay nagbalik loob sa Kumpisal matapos na ipagdasal ni Carlo sa Mahal na Birhen ng Pompeii. Bago siya mamatay, inialay ni Carlo ang kanyang mga paghihirap para sa Santo Papa at sa buong simbahan, tanda ng kanyang hinog na pananampalataya at pagtalima sa kalooban ng Panginoong Hesus. Sa gitna ng karamdaman, naging modelo siya ng pasensya at tahimik na pagtanggap ng kanyang mga pasakit. Nagulat ang isang nurse nang kumustahin si Carlo at sumagot ito na siya ay mabuti naman. Tanong ng nurse “Mabuti?” Muling sumagot si Carlo: “May Isang higit pang naghirap kaysa akin” (ang tinutukoy niya ay ang Panginoong Hesus sa krus). Idineklarang brain dead si Carlo noong October 11, 2006 subalit ang kanyang puso ay tumibok pa hanggang hatinggabi (Oct. 12), bisperas ng pista ng Birhen ng Fatima. Nakalibing siya ngayon sa Assisi na kanyang paboritong lugar, sa bagong sementeryo. Alam ng mga nagtitinda ng bulaklak doon kung saan ang eksaktong lugar ng puntod. Makipag-ugnayan po sa www.carloacutis.com o sa email na info@carloacutis.com kung nais ninyong makatanggap ng mga larawan, brochure, o panalangin para sa mabilis na pagdakila kay Carlo bilang isang santo ng simbahan. PANALANGIN PARA SA PAMAMAGITAN NG ALAGAD NG DIYOS CARLO ACUTIS Kung sa inyong pagdarasal sa tulong ng Alagad ng Diyos, Carlo Acutis, ay makatanggap kayo ng inyong mga kahilingan at mga himala, maaari din ipabatid sa kanila ang inyong karanasan upang makatulong sa mga nagsusulong ng kanyang pagiging batang-santo. pls watch/ listen to this vlog on Blessed Carlo (done in Tagalog) PLS SHARE TO YOUR FAMILY AND FRIENDS… GOD BLESS YOU PO! Share on FacebookTweet Total Views: 332
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed