Home » Blog » MULTO: ANO ANG ARAL KATOLIKO TUNGKOL DITO?

MULTO: ANO ANG ARAL KATOLIKO TUNGKOL DITO?

 

Maraming tao ang takot sa multo. Kapag sinasabing “multo” ang tinutukoy natin ay ang espiritu ng mga namatay na tao na sa wari natin ay nagpapakitang muli sa lupa.

 

May mga taong nagsasabi na nagpakita sa kanila ang multo o espiritu ng kanilang mahal sa buhay, o ng kanilang kaaway, o ng kanilang kakilala. Ang ganitong tagpo ang karaniwang sangkap ng mga pelikulang nakakatakot o horror films. At patok ang ganito sa mga tao kasi halos lahat, anuman ang relihyon – mapa-Kristiyano, Buddhist, Hindu, Muslim o walang relihyon, o kahit walang relihyon – ay naniniwala sa mga multo. Ito rin ang patok sa mga palabas tulad ng KMJS na nagtatanong “multo nga ba?” at na may tinatawag pang mga “paranormal” ekspert na nakikipag-usap sa mga “multo” daw para tanungin ang dahilan ng kanilang pagdalaw at para paalisin ang mga multo sa lugar kung saan sila nagpapakita.

 

Ano ba ang sinasabi ng Bible tungkol sa mga multo?

 

Malinaw na sa panahon ng mga Hudyo at sa panahon ng Panginoong Hesukristo, naniniwala ang mga tao sa multo.  Nang makita ng mga alagad na naglalakad sa tubig si Hesus, natakot sila at akala nila multo ang kanilang nakaharap (Mt. 14: 25-27). Kailangan pang pawiin ni Hesus ang kanilang takot at sabihing: Ako ito; huwag kayong matakot.

 

Nang mabuhay na mag-uli ang Panginoon matapos ang kanyang kamatayan sa krus, nagpakita siya sa mga alagad at muli, akala nila siya ay multo o espritu lamang ang dumalaw sa kanila (Lk 24: 36-51). Kailangan pang sabihin niya sa kanila: Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa; hipuin ninyo ang mga sugat. Ang multo ay walang buto at laman, samantalang ako ay mayroon.

 

At humingi pa ang Panginoong Hesus ng makakain at kumain sa harap nila upang lalong patunayan na hindi siya multo. Dahil ang multo ay walang sikmura; walang panlasa at siyempre walang gana. Kapag sinabi sa bahay ninyo na kinakain ng multo ang ulam sa ref ninyo, naku, magduda na kayo; ibang multo iyan na magana at matakaw!

 

Maalala din na nang magbagong anyo ang Panginoong Hesus, biglang lumitaw kasama niya ang espiritu o kaluluwa nila Moises at Elias na yumao na. Nakita ito ng mga alagad (Mk 9: 2-9).

 

Sa Lumang Tipan, mababasa sa 1 Samuel 28: 3-25 kung paano naghanap ng espiritista si Haring Saul para makausap ang kaluluwa ng kanyang kaibigang si Propeta Samuel. Nagalit si Samuel sa pambubulabog ni Haring Saul sa kanyang kaluluwa na nananahimik na.

 

Ito ang hudyat sa atin na hindi dapat ginagambala ang mga kaluluwa. Ipinagbabawal ng Bible at ng Simbahan na makipag-ugnayan sa mga kaluluwa ng mga yumao sa pamamagitan ng mga medium o espiritista, manghuhula, manggagamot at albularyong nagsasabi na kaya nilang kontakin ang mga kaluluwa upang makausap ng mga buhay.

 

Hindi dapat maghangad na makausap o makaniig ang mga kaluluwa ng yumao kahit gaano pa natin sila kamahal. Nagdadala ito sa mga gawaing makasalanan tulad ng “spirit of the glass” at iba pang akala ng iba ay simpleng laro lamang pero mapanganib na gawain pala dahil ginagamit ito ng masasamang espiritu para makapanlinlang at makapasok sa ugnayan sa mga tao. Ang minsan akalang mong multo ay demonyo pala na nagpapanggap na yumaong mahal mo sa buhay. Kaya, iwasan ang ganitong gawain.

 

At siyempre, sa pangkalahatan, sa Bible nakabatay ang ating paniniwala sa mga espiritu – mabubuting espiritu tulad ng mga anghel at mga yumaong banal na tao, o masasamang espiritu tulad ng mga demonyo na kalaban ng Diyos at ng mga tao.

 

Dito pa lamang sa Bible makikita nating kaunti lang ang naisulat tungkol sa mga kaluluwang nagbabalik sa lupa. Bakit kaya? Dahil ang pakay ng Salita ng Diyos ay hindi ang kalagayan ng mga patay o ang mundo ng mga espiritu kundi ang buhay at pananampalataya ng mga tao ngayon, ng mga mananampalataya, ng mga anak ng Diyos na nakikipagbuno sa mga pagsubok ng buhay. Ang mensahe ng Diyos ay hindi tungkol sa mga yumao kundi tungkol sa atin na nagsisikap pang sumunod sa Panginoon sa pang araw-araw na buhay natin.

 

Ang turo ng Simbahan

 

Walang doktrina ang Simbahan tungkol sa mga multo o sa mga kaluluwang dumadalaw o gumagala sa lupa. Tulad ng dahilan sa Bible, kasi ang pakay ng mga aral ng Simbahan ay upang gabayan ang mga tao sa pagsasabuhay ng Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo at hindi upang dalhin ang isip ng tao sa daigdig ng mga kaluluwa.

 

Ang simpleng paniniwala ng mga Kristiyo ay ganito: na kapag namatay ang mga tao sa lupa, ang kaluluwa nila ay haharap agad sa Diyos upang husgahan. Ito ang tinatawag na particular judgment o iyong husga ng Diyos sa bawat isang yumao – iisa tayong haharap sa Diyos matapos tayong mamatay. Pagkatapos ang panghuhusgang ito, ang kaluluwa ng mga yumao ay maaaring magpunta sa langit kung naging tapat sa Diyos, sa impiyerno kung tumalikod sa Diyos, at sa purgatoryo kung kinakailangan pa ang pagdadalisay bago tuluyang makapasok sa langit.

 

Hindi bahagi ng turo ng simbahan na may mga kaluluwang gagala-gala sa lupa dahil hindi pa tapos ang misyon nila o dahil may mensahe pa silang ibabahagi sa mga naiwan nila. Mahalaga sa Diyos ang mga kaluluwa ng kanyang mga anak at hindi niya pababayaan ang mga ito na maging pagala-gala lamang sa lupa na parang ligaw at walang direksyon.

 

Kung ganito ang karanasan ng ilan sa kanilang engkuwentro sa mga multo o kaluluwa, malamang na malamang na hindi ito kaluluwa ng yumao kundi masasamang espiritu na ginagaya ang mga yumao para makipag-ugnayan sa mga tao at malinlang ang mga tao.

 

Siyempre, mayroon pang tinatawag na final o general judgment kung saan lahat ng mga yumao ay sabay-sabay na haharap sa Diyos sa huling paghuhukom (Mt 25: 31-46). Dito sa harap ng Anak ng Diyos na si Hesus, na nakaluklok kanyang trono ng kadakilaan, hahatulan ang lahat ng taong nabuhay sa buong kasaysayan.

 

Pinapayagan ba ng Diyos na magpakita/ magparamdam ang mga kaluluwa?

 

Tulad ng kaluluwa ni Samuel na pinayagan ng Diyos na makausap ni Haring Saul, at tulad ng mga kaluluwa ni Moises at Elias na nakita ng mga alagad sa bundok, maaaring payagan ng Diyos ang ilang kaluluwa na magpakita o magparamdam sa kanilang mga minamahal. Pero tandaan, natin, tapos na ang misyon nila sa buhay kaya kung mangayayari man ito, hindi sila magdadala ng mensahe tulad ng hanapin mo ang kayamanan ko, o hukayin mo ang naiwan ko, etc…

 

Dalawa lang ang dahilan ng mga kaluluwa ng yumao upang payagan ng Diyos na magpakita sa mga tao. Una, upang humingi ng panalangin dahil ang kaluluwa ay nasa purgatory pa. Kung may magsabi man na nakakita sila ng multo, hindi dapat kausapin ang multo o kaluluwa. Ang dapat kausapin ay ang Diyos at hingin sa kanya na bigyan ng kapayapaan ang kaluluwang ito. Pinakamagandang ipagdasal ang mga kaluluwa sa pamamagitan ng Rosaryo at higit sa lahat, sa pag-aalay ng Misa para sa kanila.

 

May mga tao na kapag napaginipan nila ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, agad agad nilang nagdarasal at nag-aalay ng Misa. Ito ang pinakamagandang tugon sa ganitong pagkakataon. Ang Diyos ang kausapin, hindi ang kaluluwa, hindi ang multong nakita, kasi hindi ka sigurado kung niloloko ka lamang ng demonyo na gumagaya sa wangis ng mahal na yumao.

 

Ikalawa, pinapayagan ng Diyos ang ilang kaluluwa na muling magpakita upang pagtibayin ang ating pananampalataya sa katotohanan ng buhay na walang hanggan o sa purgatory o sa patuloy na kapangyarihan at pag-aaruga ng Diyos hindi lamang sa mga buhay, kundi maging sa mga namatay na. May mga nagsasabing nakita nila o napaginipan nila ang mga kaluluwa ng yumao na masaya, payapa, at tila kuntento sa kinalalagyan. Ito ay isang inspirasyon sa atin na sikapin ding mabuhay nang mabuti at tapat sa Diyos upang makarating din tayo sa kanilang kinaroroonan balang araw.