SAINTS OF OCTOBER: SAN BRUNO, PARI

OKTUBRE 6 A. KUWENTO NG BUHAY Hinihintay natin ang beatification at canonization para malaman kung sino ang mga bagong Blessed o Saint ng ating simbahan.  Pero alam ba ninyo na hindi lahat ng mga kinikilalang santo o santa (maliban sa mga kinilalang mga santo mula sa Bibliya o mula pa sa simula ng kasaysayan ng simbahan), na nakalista sa kalendaryo ng simbahan, ay dumaan sa mga prosesong nabanggit?  Si San Bruno ay naging santo na walang beatification o canonization dahil hindi ito ayon sa mga panuntunan ng kaniyang religious order, ang Carthusians, na may malaking pagpapahalaga sa kababaang-loob o humility.  Sa halip, iniutos lamang ng Santo Papa na ilagay na sa listahan ng mga santo ang pangalan ni San Bruno at itakda na ang araw ng kanyang kapistahan.  Ang tawag dito ay “equivalent canonization” at naganap ito muli sa ating panahon sa panunungkulan ni Pope Benedict XVI. Iniutos niya na ilagay sa listahan ng mga santa ang sikat na monghang si Santa Hildegard ng Bingen mula sa Germany, ang bayan ng Santo Papa.  Hindi dumaan sa mahaba at matagal (at kalimitan ay magastos) na proseso si Santa Hildegard. Si San Bruno ay isang German din at mula sa lungsod ng Cologne. Isinilang siya noong 1035. Marangal ang kanyang pamilyang kinabilangan, ang mga Hartenfaust. Pinag-aral siya sa France sa lungsod ng Reims.  Nang maging pari siya sa Cologne ay muli siyag tinawag na bumalik sa Reims upang maging direktor ng paaralan ng simbahan. Buong husay niya itong ginampanan. Marami siyang naturuan, kabilang dito ay mga naging obispo, pinuno ng mga monasteryo o abad, at isang Santo Papa, si Pope Urban II. Humawak din ng maselan na posisyon bilang Chancellor ng arkidiyosesis ng Reims si San Bruno. Tinanggihan ni San Bruno ang pagkakataon na mahirang bilang obispo dahil sa panata na tatalikuran niya ang anumang ambisyong makamundo. Sa halip, hinanap niya ang kabanalan sa buhay sa monasteryo. Una siyang nakitira sa isang monasteryo ng mga Cistercians. Subalit dala ang ilang kasama, umalis siya dito upang magtayo ng sariling monasteryo na naging simula ng isang bagong religious order, ang Carthusians.  Nagtayo sila ng mga munting mga bahay na medyo magkakalayo sa isa’t-isa (hindi tulad sa isang regular na monasteryo na magkakasama sa iisang gusali) at sinikap mabuhay sa karukhaan at sa pag-iisa. Ginugol nila ang panahon sa pagdarasal at pag-aaral, at dito sila naging bantog. Nang maging Santo Papa ang kanyang dating estudyante, ipinatawag siya sa Roma upang maging tagapayo o adviser nito sa mga importanteng desisyon na dapat gawin. Pero laging nasa background lamang si San Bruno at hindi siya nang-akit ng atensyon sa kanyang sarili. Malaking tulong siya sa Santo Papa. Ninais niyang bumalik sa minamahal niyang buhay, kaya nagtayo siya ng isang monasteryo sa Italya kung saan siya ay namatay noong 1101. Lahat ng religious order, maging ang mga monasteryo, ay dumaan sa panahon ng renewal o pagpapanibago upang ayusin at ituwid ang anumang nangangailangan ng ganitong remedyo sa pagsasabuhay ng kanilang misyon.  Subalit ang itinatag ni San Bruno, ang Carthusian Order ay hindi kailanman dumaan sa renewal dahil hindi nila ito kinailangan pa. Tunay na laging tapat sa layunin at pakay ng kanilang buhay ang mga monasteryo ng Carthusians.  Mayroong kasabihan sa Latin na “Carthusa non reformata” – ang monasteryo ng Carthusian ay hindi kailangang ituwid o ayusin pa. B. HAMON SA BUHAY Magkaroon nawa tayo ng pagnanasang maglaan ng oras araw-araw para manalangin at makinig sa tinig ng Diyos. Dito magmumula ang tunay na karunungan at kababaang-loob tulad ng isinabuhay ni San Bruno at mga kasama. K. KATAGA NG BUHAY Is 59;21 Ang aking espiritu na sumasainyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa inyong bibig ay hindi kailanman lilisan sa inyong bibig ni sa bibig ng inyong mga anak o ng inyong mga inapo mula ngayon at magpakailanman, wika ni Yawe. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 251