SAINTS OF OCTOBER: SAN DIONISIO, OBISPO AT MGA KASAMA, MGA MARTIR
OKTUBRE 9 A. KUWENTO NG BUHAY Sa aking unang destino bilang isang deacon at pagkatapos bilang parochial vicar (o assistant parish priest) ay sa makasaysayang parokya ng St. Andrew sa Paranaque City na ngayon ay Cathedral of St. Andrew ng Diyosesis ng Paranaque. Isa sa mga pangunahing barangay dito ay ang San Dionisio kung saan una kong nakita ang paglalarawan sa ating santo. Nagulat ako noong makita kong ang patron ng bisita o chapel doon ay isang santong walang ulo at hawak-hawak ng kanyang mga kamay ang kanyang napugot na ulo! Ito ang sagisag ng pagka-martir ng obispong si San Dionisio o sa magiliw na tawag ng mga tagaroon ay si “Tata Dune.” Sinaunang santo si San Dionisio kaya walang rekord ng mga detalye ng unang bahagi ng kanyang buhay. Pero sa kabila nito, isa siya sa mga bantog na santo sa kasaysayan ng simbahan sa France kung saan siya ay namatay matapos pugutan ng ulo sa taong 250. Si San Dionisio ay tubong-Italya. Ipinadala siya sa bansang France upang dalhin ang Mabuting Balita sa mga taong naghihintay ng mensahe ng liwanag at kaligtasan doon. Kasama niya ang kanyang tapat na kapwa misyonero na sina Rustico at Eleuterio, ang mga santo na kasabay din niyang nagbuwis ng buhay para sa kapakanan ng mga Pranses. Matagumpay ang misyon ng tatlong ito kaya nabagabag ang mga pinuno ng relihiyong pagano sa mga lugar na kanilang dinalaw. Natakot silang mawalan ng impluwensya sa mga tao kaya dinakip si San Dionisio at ang mga kasama. Itinapon sila sa kulungan kung saan matagal silang nanatili. Nagpasya ang mga kalaban ni San Dionisio na patawan sila ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Dinala sila sa pinakamataas na burol sa lungsod (ngayon ay Montmartre) ng Paris upang tanggapin ang sentensya sa kanila. Maaaring ang lugar na ito ay tinawag na Montmartre dahil sa tagpo na naganap dito (bundok ng mga martir). Itinapon ang kanilang katawan sa ilog ng Seine. Nabawi ang mga ito ng mga Kristiyano at inilibing nang maayos. Natayo sa lugar na pinaglibingan ang isang malaking simbahan na nakapangalan sa kanya. Ayon sa isang sikat na salaysay, matapos ang pagpugot ng ulo ni San Dionisio, pinulot niya ang kanyang ulo at nagsimulang maglakad habang patuloy na nangangaral sa mga tao. Halos sampung kilometro ang nalakbay ng katawan ni San Dionisio bago ito tuluyang huminto at namatay. Napasalin ang kuwentong ito sa mga unang naisulat tungkol sa kanyang buhay at kagitingan bilang isang alagad ni Kristo. Hanggang ngayon ay malapit sa puso ng mga taga Paris ang ala-ala ng kanilang obispong si San Dionisio. B. HAMON SA BUHAY Ginagamit ng Diyos maging ang mga malagim na pangyayari upang ipalaganap ang kanyang mensahe. Tulad ni San Dionisio at mga kasama, manalig tayo na anuman ang mga pangyayari sa ating buhay, kung iaalay natin ito sa Panginoon, gagamitin niya ito para magbunga ng mabuti para sa ating kapwa at sa ating sarili. K. KATAGA NG BUHAY Mt 16, 24 Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. (FROM THE BOOK “ISANG SULYAP SA MGA SANTO” BY FR. RMARCOS) Share on FacebookTweet Total Views: 486
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed