SAINTS OF OCTOBER: SAN FRANCISCO DE ASIS
OKTUBRE 4
A. KUWENTO NG BUHAY
Sa unang pagkakataon, nagkaroon tayo ng Santo Papa na ang pangalan ay Francisco. Ipinaliwanag ni Pope Francis na ang kanyang hiniram na pangalan ay iyong nagmula sa santo mula sa bayan ng Assisi sa Italya. Isa lamang itong patunay ng walang-kupas na impluwensya ng ating santo sa napakaraming mga tao, maging sa mga hindi Katoliko.
Karaniwang dumadapo sa isip natin ang larawan ni San Francisco na nakasuot ng simpleng abito at may kasamang mga ibon o mga hayop na nakapaligid sa kanya. Madalas na ilagay natin ang imahen ng santong ito sa ating hardin o halamanan. Pero kung tutuusin, ang kaugnayan ni San Francisco sa mga hayop o sa kalikasan ay isa lamang tagpo sa makulay niyang buhay. Kilalanin natin siyang muli.
Francisco Bernardone ang kumpletong pangalan ng naging santo na anak nina Pietro at Pica, mga maykayang mamamayan ng Assisi. Isinilang siya noong katapusan ng taong 1181 o simula ng taong 1182. Paborito ng kanyang ama ang bansang Francekung saan kinuha ang kanyang pangalan.
Negosyante sa mga mamahaling kayo o tela si Pietro at ito rin sana ang nais niyang ipamanang negosyo sa anak. Pero bago pa ito maisip ni Francisco, marami nang mga pakikibaka na ninais niyang pasukin. Dahil mayaman sila, maraming gulo din ang nasubukan ni Francisco bilang isang kabataan kasama ng kanyang mga kaibigan.
Naging isang sundalo sa giyera si Francisco subalit umuwi siya matapos mabihag ng mga kaaway. Isang karanasang espirituwal ang nagtulak sa kanya na unti-unting magbago ang mga pananaw. Tila nawala ang pang-aakit ng kayamanan at luho ng mundo para kay San Francisco. Unti-unti niyang naunawaan ang kagandahan ng pagiging hamak, payak at dukha sa mata ng Diyos at sa harap ng kanyang kapwa.
Iniwan ng santo ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at marangyang pamumuhay upang paglingkuran ang Diyos bilang isang mahirap o maralitang tao. Sa harap ng obispo, hinubad ni San Francisco ang kanyang mga damit upang ipahiwatig ang lubos-lubos na paghahandog ng sarili sa Diyos.
Nadinig niya ang hamon ng Panginoong Jesus na ayusin ang kanyang gumuguhong simbahan, kaya kinumpuni niya ang munting simbahan ng San Damiano at pagkatapos nito, ay ilang pang simbahan ang inayos niya at ng mga kasama niya. Nadinig din niya ang tawag ng Diyos upang magmisyon kaya nangaral siya sa mga tao mula sa mensahe ng Salita ng Diyos.
Nahalina ang ilang mga lalaki ng Assisi na samahan si San Francisco sa kanyang mga gawain kaya naitanim ang binhi ng kanyang religiousorder na tinawag na Order of Friars Minor o Franciscans. Nakilala sila sa kanilang mahigpit na pagsunod sa buhay ng pagiging dukha at walang mga ari-arian.
Nang mabalitaan ni San Francisco ang sinapit ng mga misyonerong namatay bilang martir sa lupain ng mga Muslim, sinikap niyang mag-misyon doon upang ipahayag ang Mabuting Balita sa labas ng Italya. Sinasabing nakipagkita si San Francisco sa Sultan ng Ehipto at magiliw siyang tinanggap at pinakinggan nito kahit na hindi ito nakumbinsi na maging isang Kristiyano.
Lumago ang bilang ng mga kasapi ng mga Franciscans. Sa tulong ni Santa Clara de Asis, naitatag ang monasteryo para sa mga mongha. Habang lumalago ang kanilang grupo, maraming nagsulputang mga problema sa pamamahala ng mga Franciscans at sinikap ni San Francisco na lutasin ang mga ito, habang laging ipinapaalala na kailangang mamuhay sila sa pagdaralita o sa pagiging mahirap. Alam natin na sa kasaysayan, magsasanga ng iba’t-ibang mga grupo ang mga tagasunod ni San Francisco (Capuchins, Conventuals, atbp).
Ang huling sandali ng buhay ni San Francisco ay puno ng paghihirap dahil sa pagkabulag at karamdaman niya. Ang himala ng stigmata(na naulit lamang mulik kay Padre Pio na isa ring Franciscan) ay tinanggap niya mula sa Panginoong Jesus habang nananalangin siya sa isang bundok. Nakapagsulat si San Francisco ng mga tula at awit. Kinikilala siyang ama ng wikang Italyano. Bantog din ang kanyang pagmamahal, bukod sa kapwa-tao, sa lahat ng nilikha ng Diyos. Dahil dito siya ay halimbawa ng tamang pakikipag-ugnayan sa kalikasan. Siya din ang kinikilalang unang lumikha ng Belen o Nativity Scene bilang pagdiriwang at paggunita sa Pasko. Sinasabi din na nagkita sa Roma at naging magkaibigan sina San Francisco at Santo Domingo de Guzman, ang tagapagtatag ng mga Dominicans.
Namatay noong 1226 si San Francisco at dalawang taon pagkaraan ay naideklara bilang santo. Isa siya sa mga patron saint ng bansang Italya. Hindi maikakaila na isa siya sa pinaka-kilala at minamahal na santo sa buong kasaysayan ng simbahan.
B. HAMON SA BUHAY
Kaya ba nating pag-ugnayin ang simpleng pamumuhay at ang malasakit sa kapwa tao at sa lahat ng nilikha ng Diyos? Hingin natin ang panalangin at gabay ni San Francisco de Asis.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 5:3
Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit.
1 Comments