Home » Blog » SAINTS OF OCTOBER: SAN IGNACIO NG ANTIOQUIA, OBISPO AT MARTIR

SAINTS OF OCTOBER: SAN IGNACIO NG ANTIOQUIA, OBISPO AT MARTIR

OKTUBRE 17

A. KUWENTO NG BUHAY

Mahalaga si San Ignacio ng Antioquia sa ating pagkakaalam sa sitwasyon ng mga unang pamayanang Kristiyano noong nagsisimula pa lamang ang paglaganap ng simbahan at ang pagkakatatag nito bilang institusyon sa iba’t-ibang lupain.  Mahirap makuha ang detalye ng pinagmulan ni San Ignacio dahil nang sumulpot siya sa kasaysayan ay isa na siyang obispo.

Maaaring ipinanganak siya sa pagitan ng mga taong 35 o 50.  Namatay naman siya noong bandang taong 107 o 108, isang kamatayang nakatala bilang halimbawa ng tadhana ng mga unang martir ng simbahan.

Sinasabi na medyo bata pa nang sumapi sa pananampalatayang Kristiyano si San Ignacio.  Nang dumating ang panahon, natagpuan niya ang kanyang sarili bilang ikalawang obispo ng lungsod ng Antioquia, kung saan si San Pedro Apostol ang unang obispo bago ito pumunta sa Roma.

May alamat na nagsasabing isa si San Ignacio sa mga batang tinawag, niyakap at binasbasan ng Panginoong Jesus noong nagtuturo siya tungkol sa kahulugan ng kadakilaan. Nang lumaki siya ay naging tagasunod daw ito ni San Juan Apostol na manunulat ng Mabuting Balita.

Pero ang natitiyak tungkol sa kanyang buhay ay ang kanyang pagdurusa bilang isang Kristiyano at lider ng mga mananampalataya.  Mahalaga ang Antioquia sa kasaysayan dahil dito tinawag na mga Kristiyano ang mga unang tagasunod ni Kristo. Sentro ito ng isa sa mga mahahalagang pamayanan ng mga tagasunod ng Panginoon.

Dinakip at hinatulan ng kamatayan sa Roma si San Ignacio. Mula sa kanyang bayan, naglakbay siya patungong Roma, sa mahigpit na pagbabantay ng mga sundalo ng emperador.

Habang dinadaanan ni San Ignacio ang mga pamayanang Kristiyano, nagsulat siya ng mga liham na may mahahalagang mensahe para sa mga simbahan. Nang huminto siya sa Smyrna, sumulat siya ng liham para sa mga simbahan ng Efeso, Magnesia, Tralles, at Roma. 

Mula naman sa Troas ay sumulat siya sa mga simbahan sa Philadelphia at Smyrna. May isang liham din siya kay San Policarpio na nakatagpo niya sa Smyrna.

Ang mga liham na ito ay naglalaman ng malalim na turo tungkol sa buhay ng simbahan at tungkol sa pag-aalay ng sarili bilang martir para sa Panginoong Jesukristo. Alam ni San Ignacio na malapit na siyang patayin sa pamamagitan ng paglapa sa kanya ng mga mababangis na hayop sa Koloseo.  Tinularan niya ang istilo ni San Pablo ng pagsusulat ng mga turo at bilin habang nasa kulungan at naghihintay din ng kamatayan bilang martir sa banal na lungsod ng Roma.

Mababasa pa rin ang mga koleksyon ng kanyang mga liham at napakagandang pagnilayan ang kanyang mga salita. Isa sa mga naging malinaw sa kanyang mga sulat ay ang kaayusan ng simbahan noong unang panahon. Bawat simbahan ay pinamumunuan ng isang obispo na may katuwang na mga pari at mga diyakono. “Kung saan naroon ang obispo, naroon ang pamayanang Kristiyano; tulad din na kung saan naroon si Kristo, naroon ang simbahang Katoliko.”  Malinaw na mayroon nang kinikilalang pamunuan (hierarchy) kahit na ang tunay na diwa ay ang pagkakaisa at pagkakaugnay ng lahat (communion).

Matapang at buong pananabik na inasam ni San Ignacio ang kanyang kamatayan dahil alam niyang magbibigay ito ng luwalhati sa Diyos at magpapalakas ito ng loob ng mga Kristiyano.

B. HAMON SA BUHAY

Alalahanin natin na ang isinasabuhay natin ngayon ay mula sa aral na ipinamana sa atin mula pa sa mga apostol at sa mga taong humalili sa kanila sa paglilingkod, pagtuturo at maging sa pag-aalay ng kanilang buhay. Kaya nga, dapat nating pahalagahan ang mga aral ng simbahan na pawang nagmumula sa Bibliya at sa mayamang Tradisyon ng pananampalataya.

K. KATAGA NG BUHAY

Gal 2, 20

Hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin. At kung buhay man ako sa laman, nabubuhay ako dahil sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmahal sa akin at nagbigay ng kanyang sarili para sa akin.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)

2 Comments