SAINTS OF OCTOBER: SAN JUAN DE BREBEUF AT SAN ISAAC JOGUES, MGA PARI AT MGA KASAMA, MGA MARTIR

OKTUBRE 19 A. KUWENTO NG BUHAY May ipinagmamalaki rin ang North America na mga martir.  Sila ang mga misyonerong Heswita mula sa France na mga unang dumayo sa bagong katutuklas noon na kontinente upang itanim ang pag-ibig ng Diyos sa puso ng mga tao doon.  Tinatawag silang North American Martyrs o Canadian Martyrs dahil ang konsentrasyon ng kanilang misyon ay ang mga tribu ng Indians sa Canada.  Hindi sabay-sabay na namatay ang mga martir na ito. Nagsimula ang kanilang kalbaryo mula taong 1642 hanggang 1649.  Halos mga pari o mga laykong katuwang ng mga paring Heswita ang mga matatapang na martir ng Canada. Sila ay sina San Isaac Jogues (1607-1646), San Juan de Brebeuf (1596-1649), San Carlos Garnier, San Antonio Daniel, San Gabriel Lallemant, San Noel Chabanel, San Juan de Lalande, at San Rene Goupil.   Sabay-sabay silang nadeklarang santo noong 1930. May isang magandang pelikula na may pamagat na “Black Robe.” Ang kuwento ng pelikula ay halaw sa mga karanasan ng mga magigiting na Heswitang ito na nagnais dalhin ang Mabuting Balita ng Panginoon sa New France (tawag noon ng mga Pranses sa lupain ng Canada). Si San Isaac Jogues ay nagpunta sa mga tribu ng mga Indians na Iroquois, Huron at iba pang katutubong grupo (ang iba’t-ibang tribu noon ay hati-hati at magkaka-away, isang malaking problema para sa mga misyonero). Mayaman ang pinagmulan niyang pamilya sa Orleans, France.  Binatilyo pa lamang nang pumasok siya sa seminaryo ng mga Heswita at naging isang ganap na pari. Napakalakas ng diwa ng misyon noon sa mga Heswitang Pranses at hinangaan ni San Isaac ang mga unang misyonero sa Canada kabilang na ang mga naging guro sa kanilang seminaryo tulad ni San Juan de Brebeuf. Nakita niya ang mga misyonerong ito nang minsang magbalik sila sa France. Narinig niya ang kuwento ng kanilang mga hirap at sakripisyo at mga torture na tinanggap nila sa kamay ng mga malulupit na tribung galit sa mga taga-Europa at hindi pa bukas sa pagtanggap ng Kristiyanismo. Kaya tuwang-tuwa si San Isaac nang ipadala din siya sa misyon. Medyo magulo noon ang sitwasyon sa Canada dahil sa pagtutunggalian ng mga taga-Europa na nais sakupin ang lugar. Bukod sa mga French, naroon din ang mga English at ang mga Dutch, na likas na galit sa mga Katoliko dahil kabilang ang mga ito sa simbahang Protestante. Kumalat ang pamahiin o superstition na ang dala ng mga misyonero ay kalamidat at peste para sa mga katutubo, isang tsismis na malamang ay mula sa mga English at Dutch. Kaya bagamat may mga ilang tumanggap sa mga misyonero, marami din ang nagduda sa kanila. Dalawang beses nagdusa sa kamay ng mga katutubo si San Isaac.  Sa unang pagkakahuli, bukod sa torture at panga-alipin, pinutulan din siya ng dalawang daliri.  Nakauwi pa siya sa France nang mapalaya na siya at nadalaw niya ang kanyang ina. Nailigtas siya sa tulong ng ransom na bigay ng ilang maawaing Dutch at pati na rin ng isang Protestanteng ministro. Pagbalik niya sa Canada, pinatay siya sa pamamagitan ng pagtaga sa kanyang ulo ng isang tomahawk o maliit na palakol. Si San Juan de Lalande ay pinatay kinabukasan.  Sa lugar kung saan namatay si San Isaac ay isinilang naman, pagkaraan ng sampung taon, ang santang dalaga at unang katutubong Indian mula sa America na naging santa na si Santa Kateri Tekakwitha. Nagbunga ang pagdanak ng dugo ni San Isaac ng higit pang kabanalan para sa mga Indians. Si San Juan de Brebeuf ay mas matanda kay San Isaac sa pagkapari bagamat mas huling namatay noong 1649. Naging mabuting misyonero si San Juan. Pinag-aralan niya ang wika ng mga katutubo at pati na rin ang kanilang kultura at relihyon. Madali siyang naka-adjust dahil sa kaniyang pagkawili na makilala ang mga katutubong pinaglingkuran niya. Matapang niyang tinanggap ang mga pahirap ng mga dumakip sa kanya. Mas nag-alala pa siya sa kapakanan ng iba kaysa sa sarili niyang kabutihan habang sila ay pinahihirapan. Matapos siyang patayin ay ininom ng mga katutubo ang kanyang dugo upang masalin sa kanila ang kanyang katapangan na kanilang napansin at hinangaan. B. HAMON SA BUHAY Sino ang mag-aakala na sa gitna ng katiwasayan ng North America (Canada at USA) ay may kasaysayan pala ng pagdanak ng dugo dito ng mga martir.  Ipagdasal nating ang ating mga kapamilya at kaibigan sa mauunlad na bansa ay huwag masilaw sa salapi lamang kundi matagpuan nila tunay na kapayapaan at kagalakan kay Kristo. Maraming mga Pilipinong pari ang matapat na naglilingkod sa mga lugar na ito ngayon dahil sa kakulangan ng bokasyon doon. Nasa America ang ilan sa mabubuti Pilipinong pari tulad ni Fr. Manolo Punzalan at Fr. Erick Villa. K. KATAGA NG BUHAY Jn 15,5 Ako siyang puno ng ubas; kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) “Let us pray daily for peace in our hearts, in our country, and in the world, esp. in the Middle East, Ukraine, and in other parts of the world in volatile situations. Lord, grant us Your peace! Amen.” Share on FacebookTweet Total Views: 478