ANG SANTO NIÑO HUBAD: KILALANIN
Kamakailan ay naging malaking usap-usapan sa larangan ng relihyon sa Pilipinas ang madiing pagtanggi ng arsobispo ng Cebu na i-endorso o i-rekomenda sa mga tao ang pagbili, pagmamay-ari, paggamit at pagdarasal sa tinatawag na Santo Niño Hubad. Ano ang nasa likod ng kontrobersyal na pahayag na ito? Ano nga ba ang Santo Niño Hubad? Bakit mali ang magkaroon ng “debosyon” dito?
Ang Santo Niño
Ang Santo Niño ay sagisag ng pagkabata ng ating Panginoong Hesukristo. Ang imahen na ito ay nagpapakita ng isang batang Hesus (Child Jesus) na maaaring nakatayo at nakapuwestong nagbe-bendisyon sa mga tao o kaya ay may ibang ginagawa tulad ng may hawak na krus, ubas, kalapati, at iba pa. Minsan naman, ang imahen ay nagpapakita ng isang sanggol na Hesus (Baby o Infant Jesus) na nakahiga sa sabsaban at karaniwang ginagamit sa paggunita ng Pasko sa ating mga Belen sa bahay man o sa simbahan.
Bagamat maraming imahen ng Batang Hesus (Child Jesus) ay nakabihis ng damit, may mga imahen na kapag hinubaran ay nagpapakita na ang imahen ay may maselang bahagi ng katawan na nakatago sa ilalim ng mga marangyang damit. Ang mga imahen naman ng Sanggol na Hesus (Baby Jesus) ay karaniwang nakatapis ng lampin tulad ng sinasabi sa Bible na noong isilang ang Panginoon, siya ay binalot ng lampin (Lk 2:12). Subalit marami ding imahen ng Sanggol na Hesus na nagpapakita din ng kanyang maselang bahagi ng katawan. Ito ay hindi lamang sa mga imahen kundi maging sa mga larawan, painting o icon din.
Bakit minsan ay ipinapakita ang kasarian ng Santo Niño?
Ang pagpapakita ng maselang bahagi ng katawan ng Bata o Sanggol na Hesus ay may taglay na kahulugang kaakibat ng pananampalatayang Kristiyano, may “theological meaning.” Ito ay ang pagsasaad na ang Anak ng Diyos ay tunay na nagkatawang-tao at nang siya’y ipaglihi sa kapangyarihan ng Diyos Espiritu Santo, at isilang ng Mahal na Birheng Maria, si Hesus ay tunay na yumakap sa lahat ng sangkap ng ating pagiging tao, kasama na ang kasarian ng tao. Si Hesus ay isinilang na isang lalaking sanggol, siya ay lumaki na isang batang lalaki, at siya ay nabuhay bilang isang tunay na lalaki sa gitna ng lipunan ng mga Hudyo. Ang Diyos ay tunay na nagkatawang-tao tulad ng ating pagkatao, at iyan ang malaking hiwaga ng pag-ibig ng Ama na nagsugo sa Anak sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya huwag tayong magugulat o masasagwaan kung makita natin minsan na ang mga imahen o larawan ng Sanggol o Batang Hesus ay may maselang bahagi na nagpapakita ng kanyang kasarian bilang lalaki.
Ang Santo Niño sa Pilipinas
Isa sa mga unang Katolikong imahen na dinala ng mga Kastila sa ating bansa ay ang Santo Niño, na matatagpuan ngayon sa Basilica sa Cebu. Kumalat ang pamimintuho sa Santo Niño sa iba’t-ibang lugar kung kaya mayroong tinatawag na Santo Niño de Cebu, Santo Niño de Tondo, Santo Niño de Pandacan, Santo Niño de Kalibo, Santo Niño de Arevalo at Santo Niño de Romblon. Sumikat din ang iba’t-ibang taguri at bihis sa Santo Niño tulad ng Santo Niño de Palaboy, Panadero, Doktor, Bumbero, Mangingisda, Sastre, at iba pa, na naglalapit naman sa kanya sa puso ng mga taong may iba’t-ibang propesyon o hanapbuhay.
Hindi ipinagbabawal ang debosyon sa Santo Niño sa mga nabanggit na titulo at paraan lalo na at ang debosyon ay nagpapatingkad ng pananampalataya ng mga tao sa Panginoong Hesukristo na tunay nating kapatid, tunay nating kauri, tunay nating kalakbay at tunay na nakakaunawa ng ating pagkatao – kapwa ang ating lakas at maging ang ating kahinaan bilang mga tao.
Subalit kapag ang debosyon, maging sa Santo Niño o sa sinumang santo/ santa ay nahaluan ng pamahiin, ng maling pagpapahayag at pagsasabuhay, ng taliwas na diwa sa turo ng Bibliya at ng ating simbahan, nagiging isang malaking kamalian ang pagyakap sa debosyong ito. Dito pumapasok ang pagbabawal o hindi panghihikayat sa debosyon tulad ng Santo Niño de la Suerte/ Suwerte (https://www.youtube.com/watch?v=GX95jjYtXeQ) at sa tinatawag na Santo Niño Hubad.
Ang Santo Niño Hubad
Ang Santo Niño Hubad ay malinaw na isang anting-anting (charm) na katulad ng mga medalyong ibinebenta sa mga labas ng simbahan na may pangakong lakas, suwerte o kapangyarihan sa sinumang magtataglay nito. May kasama din itong mga orasyon o panalangin na dapat dasalin at tulad ng maraming orasyon sa mga anting-anting, nakakatawang basahin dahil may mga sinasabing salitang Latin na hindi naman talaga salitang Latin at walang katuturan o kahulugan (ito ay “corrupt” Latin).
Ang imahen ng Santo Niño Hubad ay nagpapakita ng Batang Hesus na nakatayo, may dalang globo sa isang kamay at ang isang kamay ay akmang nagbe-bendisyon. Katawa-tawang nilagyan din ito ng maselang bahagi ng katawan subalit kalimitan ay pilit na pinapalaki o ginagawang prominente ang ari ng imahen dahil may kinalaman ito sa kapangyarihang sekswal o gayuma sa pag-ibig ng sinumang may-ari nito.
Walang masusing pag-aaral sa Santo Niño Hubad sa internet o anumang seryosong literature subalit malinaw na malakas ang panghatak nito sa mga simpleng mga tao na nais yumaman, magtagumpay, at makatagpo ng pag-ibig.
Walang kinalaman sa turong Katoliko ang mga nakapaloob na gawain sa pagmamay-ari ng Santo Niño Hubad. Dahil ito ay itinuturing na anting-anting o pampaswerte, taliwas ito sa tamang paggamit ng isang imaheng Katoliko. Ang mga imaheng Katoliko ay mga pagpapa-alala sa atin ng mga hiwaga ng pananampalataya at hindi isang birtud o lakas na magagamit natin sa mga nais natin sa buhay. Sa Bibliya, iba ang kahulugan ng tunay na mapalad kung ihahambing sa ating pang-unawa ng suwerte (Mt. 5: 1-12).
Tulad ng ibang anting-anting, ang nais ng gumagamit nito ay gamitin ang anting-anting upang makuha ang kanyang kagustuhan. Ang mga imaheng Katoliko ay naglalayon na ituon natin ang ating isip sa kalooban ng Diyos higit pa sa ating sariling inaasam; hindi inuutusan o ginagamit ang Diyos, dahil tayo ang dapat maging kasangkapan ng Diyos sa daigdig na ito. Tayo ang dapat makinig sa Salita ng Diyos, sa inspirasyon ng Espiritu Santo at sa turo ng simbahan; hindi dapat na binubulungan, “binubuhay” o inuutusan ang Diyos para tayo magtagumpay (Lk 11:9-13). Hindi din kailangan ang mga pormulang mali-maling Latin para magdasal; bagamat gumagamit tayo ng mga nakasulat o sauladong panalangin, lahat ng dasal ay dapat mag-ugat sa puso.
Ang pagkahilig ng ilang tao (dahil marami naman ang hindi gumagamit ng anting-anting na Santo Niño Hubad) sa ganitong anting-anting ay dapat na tapatan ng masusing pagpapaliwanag, ng maayos na paggabay at pagtuturo at ng banayad na pagtutuwid. Marami sa gumagamit ng mga ito ay hindi naman nais sumuway sa turo ng simbahan kundi tunay na naghahanap ng biyaya ng Diyos at hindi lamang nagabayan nang tama.
ourparishpriest 2023
1 Comments