Home » Blog » IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

“LIKE A VIRGIN”

MT. 25: 1-13

MENSAHE:

Tuwing papalapit ang dulo ng kalendaryo ng simbahan, dinadala tayo sa pagninilay sa “wakas,” sa wakas ng buhay, sa wakas ng panahon. May isang paring inis na inis sa kanyang mga parishioner na ang ideya ng wakas ay tila drama sa tv – iyon bang ang maysakit o matanda ay hindi na makapagsalita, tirik na ang mata, hindi na makagalaw, at naghihingalo na. Pilit na sinasabi ng Mabuting Balita ngayon na walang nakaaalam ng araw o oras ng wakas natin. Kaya nga, ang mungkahi ay pagiging handa tulad ng limang dalaga (sa Ingles, virgin) na may dalang sulo na puno ng langis.

Sa panahon natin ang daming biro tungkol sa pagiging virgin dahil mali ang pang-unawa natin. Ang virginity ay higit pa sa pisikal na katawan lamang. Sinabi daw ni San Basilio, na wala nga siyang karelasyon subalit hindi na siya virgin. Malinaw na ang kahulugan niya ay kahit wala siyang ugnayang makalaman, ang puso at isip naman niya ay laging binabayo ng mga tukso.

Para sa mga pagbasa ngayon, ang pagiging virgin ay ang pagiging marunong na mag-abang sa pagdating ng Panginoon (unang pagbasa). Ang pagiging virgin ay pananampalataya ng alagad na magkakaroon ng pagkabuhay muli ng mga namatay pagbalik ng Panginoong Hesukristo (ikalawang pagbasa). Kaya ang pagiging virgin sa mata ng Diyos ay hindi lang iyong walang asawa o karelasyon, kundi iyong paglalaan ng puso sa mas higit na mabuti. Ang kanyang buhay ay nakatuon sa paghihintay, hindi kay Mister Right o Miss Right, kundi sa Totoong Right!

Ang katapatan kay Kristo at pagkapit sa kanya ang tunay na saysay ng espirituwal na pagiging virgin sa gitna ng bulok at tiwaling kamunduhan.

MAGNILAY:

Mahirap at malaking pagsubok ang maghintay sa isang hindi mo nalalaman. Subalit tayo ay naghihintay sa kilala natin, ang Diyos, at kaya hinahanap na natin siya ngayon pa man sa lahat ng bagay, ng pangyayari, ng tao sa ating paligid araw-araw at hindi lang sa oras ng kamatayan. Kung mananatiling nakatuon ang ating puso sa kanyang pagdating bawat araw, at hindi kung mamamatay na, tulad ng isang birhen sa Mabuting Balita magiging handa tayo anumang panahon maganap sa atin ang wakas. Ipagdasal nating matagpuan tayo na mulat at nakatayong dala ang ating maliwanag na sulo sa pagsalubong kay Kristo!

“Let us pray daily for peace in our hearts, in our country, and in the world, esp. in the Middle East, Ukraine, and in other parts of the world in volatile situations. Lord, grant us Your peace! Amen.”