Home » Blog » PANALANGIN PARA SA MGA YUMAO SA LOOB NG TAHANAN/ UNDAS

PANALANGIN PARA SA MGA YUMAO SA LOOB NG TAHANAN/ UNDAS

 (OKTUBRE 24 – NOBYEMBRE 1 BILANG NOBENA O NOBYEMBRE 1 AT 2 BILANG PISTA )

 

 

PAMBUNGAD:

BAGAMAT MALAYO TAYO SA LUPA KUNG SAAN NAKALAGAK ANG LABI (MORTAL REMAINS) NG ATING MGA MINAMAHAL SA BUHAY (MAGULANG, PAMILYA, KAMAG-ANAK, KAIBIGAN O KAPATID SA PANANAMPALATAYA), NA NAUNA NA SA ATIN SA BUHAY NA WALANG HANGGAN. TAIMTIM NA PANALANGIN ANG MAIAALAY NATIN PARA SA KANILA SA LOOB NG ATING TAHANAN.

 

 

SA NGALAN NG AMA…

 

PAGBASA NG MABUTING BALITA AYON KAY SAN JUAN (11:1-27)

May isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro,nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nitoy maparangalan ang Anak ng Diyos.

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po bat kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi bat may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 1Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag. Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.

Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya, sagot ng mga alagad.

Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. Dahil dito’y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro;  ngunit dahil sa inyo, ako’y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.

Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.

Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit alam kong kahit ngayo’y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.

“Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

Sumagot si Martha, “Alam ko pong siyay mabubuhay muli sa huling araw.

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay;  at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?

Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.

(SANDALING KATAHIMIKAN… PAGNINILAY…)

 

PANALANGIN

O BANAL KONG HESUS, NA NAGDUSA AT NAMATAY NANG BUONG PAGMAMAHAL UPANG TUBUSIN AKO NG IYONG MAHAL NA DUGO PARA SA BUHAY NA WALANG HANGGAN: ALAM KONG BUHAY KA AT NAKIKINIG SA AKING MGA PAGSAMO AT ANG BIYAYA NG KATUBUSAN MO AY NAG-UUMAPAW, KAYA NGA PATAWARIN MO, O LUBHANG MAAWAING DIYOS ANG MGA KALULUWA NG MGA MINAMAHAL KONG YUMAO;

 

PALAYAIN MO PO SILA SA MGA PAGDURUSA AT HILAHIL AT YAKAPIN SILA SA BISIG NG IYONG DAKILANG KABUTIHAN AT SA KALIPUNAN NG MGA ANGHEL AT MGA SANTO, UPANG MALAYA SA LAHAT NG PAIT AT HINAGPIS, MAGPURI, MAGTAMASA AT MALUKLOK SILA SA PARAISO KASAMA MO SA KALUWALHATIAN SA PAMAMAGITAN NI KRISTO, SA KAISAHAN NG ESPIRITU SANTO, MAGPASAWALANG HANGGAN. AMEN.

 

 

NATATANGING MGA KAHILINGAN:

 

1. PARA SA MGA KALULUWA SA PURGATORYO NA WALANG NAKAKA-ALALA (3 AMA NAMIN, 3 ABA GINOONG MARIA, 3 LUWALHATI)

 

2. PARA SA MGA KALULUWA SA PURGATORYO NA HIGIT ANG PAGHIHIRAP (3 AMA NAMIN, 3 ABA GINOONG MARIA, 3 LUWALHATI)

 

 

3. PARA SA MGA KALULUWA SA PURGATORYO NA PINAKAMATAGAL NANG NANANATILI DOON (3 AMA NAMIN, 3 ABA GINOONG MARIA, 3 LUWALHATI)

 

 

4. PARA SA LAHAT NG MGA KALULUWANG NASA PURGATORYO (3 AMA NAMIN, 3 ABA GINOONG MARIA, 3 LUWALHATI)

 

 

PARA SA MGA MAGULANG NA YUMAO:

 

O PANGINOONG DIYOS, NA NAGSUGO SA AKIN UPANG PARANGALAN ANG AKING AMA AT INA; KALUGDAN AT KAAWAAN MO PO ANG KANILANG KALULUWA; PATAWARIN SILA SA MGA KASALANAN AT TANGGAPIN BALANG ARAW SA LIGAYA NG IYONG WALANG HANGGANG LIWANAG, SA PAMAMAGITAN NI KRISTONG PANGINOON. AMEN.

 

 

PARA SA MGA KAMAG-ANAK AT KAIBIGANG YUMAO:

 

O PANGINOONG DIYOS NA NAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN AT NAGKAKALOOB NG KALIGTASAN SA TANAN, NAGSUSUMAMO KAMI SA IYONG AWA NA KALUGDAN ANG MGA KAPATID, KAMAG-ANAK, TAGAPAGTAGUYOD, AT KAIBIGAN NA YUMAO UPANG, SA TULONG NG MGA PANALANGIN NG MAHAL NA BIRHENG MARIA AT MGA SANTO, GAWIN  MONG MASUMPUNGAN NILA ANG PAKIKILAHOK SA IYONG WALANG HANGGANG PAGPAPALA, SA PAMAMAGITAN NI HESUKRISTONG ANAK MO, KASAMA NG ESPIRITU SANTO, MAGPASAWALANG HANGGAN. AMEN.

 

 

PARA SA ISANG NATATANGING MINAMAHAL NA YUMAO:

 

ISALOOB MO PO, O MAKAPANGYARIHANG DIYOS, NA ANG KALULUWA NG IYONG LINGKOD NA SI __________, NA PUMANAW MULA SA MUNDONG ITO PATUNGO SA KABILA, AY MAPADALISAY NG MGA SAKRIPISYONG ITO UPANG MALAYA SA KASALANAN, MAKAMTAN NIYA ANG KAPATAWARAN AT PAHINGANG WALANG HANGGAN, SA PAMAMAGITAN NI KRISTONG AMING PANGINOON. AMEN.

 

 

PARA SA LAHAT NG MGA YUMAO:

 

O DIYOS NA LUMIKHA AT MANUNUBOS NG LAHAT, IPAGKALOOB MO PO SA MGA KALULUWA NG IYONG MGA LINGKOD ANG KAPATAWARAN NG KANILANG MGA KASALANAN, UPANG SA MAPAGPAKUMBABANG PAGSUMAMO NG SIMBAHAN, MAKAMTAN NILA ANG KAPATAWARANG INAASAM, SA PAMAMAGITAN NI KRISTO KASAMA MO AT NG ESPIRITU SANTO, IISANG DIYOS, MAGPASAWALANG HANGGAN. AMEN.

 

 

SA NGALAN NG AMA…

 

MAAARING SUNDAN NG PAGRO-ROSARYO GAMIT ANG MGA MISTERYONG ANGKOP SA ARAW NA ITO.

 

MAAARI DING GAWIN ANG TRADISYONAL NA NOBENA PARA SA MGA KALULUWA SA PURGATORYO O PARA SA MGA YUMAO… ITO AY KARANIWANG MAHABANG PANALANGIN AT ANG MGA SALITANG GAMIT AY SINAUNANG TAGALOG SUBALIT MAGANDANG GAMITIN DAHIL ITO AY PAMANA NG ATING MGA NINUNO SA PANANAMPALATAYA. ( https://imetc.blogspot.com/2010/10/panalangin-para-sa-kaluluwa.html )