SAINTS OF NOVEMBER: APOSTOL SAN ANDRES
NOBYEMBRE 30 A. KUWENTO NG BUHAY Sa listahan ng mga apostol ng Panginoong Jesukristo, may mga magkakapatid tulad nina Santiago at Juan (mga anak ni Zebedeo) at nina Simon Pedro at Andres. Si San Andres, ang kapatid ni San Pedro, ang unang nakakilala at sumunod kay Jesus (Lk 6: 14). Pagkatapos nito, buong pananabik niyang ibinalita kay Pedro ang kanyang natuklasan. At dinala niya ang kanyang kapatid sa Panginoon (Jn 1: 35-42). Dahil dito, isang magandang pangalan ang kadikit ng ala-ala ni San Andres. Sa wikang Griyego, ang tawag sa kanya ay Protoklitos, ibig sabihin ay “unang tinawag.” Isa itong maipagmamalaki ng apostol na ito na siya ang unang nakatagpo kay Jesus. Sa Mabuting Balita ni San Juan, mababasa din na dating tagasunod ni Juan Bautista si San Andres. Sa tulong ni Juan Bautista, nakilala niya si Jesus at lalong pinaniwalaan bilang ang “Kordero ng Diyos” na nag-aalis ng mga kasalanan. Iniwan niya si Juan Bautista, ang tagapaghanda ng daan upang tahakin ang tunay na daan ng kaligtasan na si Jesus. Sa bawat talaan ng mga apostol, isa sa mga unang binabanggit ang pangalan ni San Andres. Maaaring nagpapakita ito kung paano iginagalang at hinahangaan ng mga unang Kristiyano ang kanyang pagkatao at lalo na ang kanyang pagsaksi sa Panginoon. Kakaiba din ang pangalan ng apostol dahil ang Andres ay salitang Griyego at hindi Hebreo. Maaaring may kaugnayan ito sa pagiging taga-Galilea ni San Andres, dahil doon ay laganap ang impluwensyang Griyego. Bukod sa pagdadala niya ng kanyang kapatid sa Panginoon, makikita rin sa Mabuting Balita na siya ang nagdala sa batang may tinapay at isda sa Panginoon (John 6:8-9). Ang mga ito ang ginamit ni Jesus para sa himala ng pagpapakain sa libu-libong mga tao. Dinala din niya ang isang grupo ng mga Griyego upang makaharap ang Panginoon na nais nilang makilala (Jn 12: 23-24). Parang naging misyon ni San Andres na akayin ang ibang tao patungo kay Kristo. Sa laki ng kanyang kasayahan, ninais niya na dalhin ang kapwa sa Panginoon sa halip na sarilinin lamang niya ang kanyang natuklasan. Napakaganda ng pananaw na ito ni San Andres. Si San Andres ang patron ng dating mayabong na simbahan ng Silangan, sa Constantinople (Istanbul, Turkey ngayon). Tunay na kinilala nga siya bilang apostol para sa daigdig ng mga Griyego, na siyang sinasagisag ng tradisyong ng mga simbahang Ortodoso/Bizantino tulad ng sa Constantinople. Namatay si San Andres sa pamamagitan ng pagpapako sa kanya sa krus sa lugar na tinatawag na Patras, isang lugar sa Greece. Tulad ng kanyang kapatid na si Pedro, hindi niya inakala na dapat siyang mamatay sa krus tulad ng pamamaraang ginamit sa Panginoong Jesukristo. Kung si San Pedro ay ipinako sa krus na patiwarik, si San Andres naman ay ipinako sa krus na korteng ekis o “X” kaya ang tawag dito ay “St. Andrew’s Cross.” Dinala ang mga labi o relics ni San Andres sa Constantinople, pagkatapos ay sa Italya at pagkatapos ay naibalik muli sa Patras. B. HAMON SA BUHAY Hilingin natin sa Diyos na tulad ni San Andres ay maging madali sa atin ang sumunod kay Jesus at ipamalita sa iba ang kanyang kabutihan, upang maibahagi natin ang buhay na ganap na kaloob sa atin ng Diyos. Ang aking unang assignment pagka-graduate sa seminaryo ay ang dating Parish of St. Andrew (ngayon ay Cathedral) sa La Huerta, Paranaque City. Kahit sandali lamang ako doon, pang habambuhay na pakikipagkaibigan naman ang baon ko sa mabubuting tagaroon. Ang iba ay yumao na tulad nina Ka Charing Medina, Ka Pacing Pascual, at Ka Luming Soriano. Marami ang naging matapat na kaibigan tulad nina Nana Citas Mijares, Ka Lucing Allanigue, Ka Delia Lopez, Tita Cely Salazar, Ka Remy, Ka Rudy Lopez, Toots Espiritu, Monching at Dessa de Leon at pamilya, at marami pa. K. KATAGA NG BUHAY Juan 6: 8 At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano na ito para sa pagkarami-raming tao? (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 740
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed