SAINTS OF NOVEMBER: DAKILANG PAPA SAN LEON, PANTAS

NOBYEMBRE 10 A. KUWENTO NG BUHAY Bakit may titulong “Dakila” ang taong ito?  Ano ang kaibahan niya sa mga ibang santo at ibang naging Santo Papa sa ating simbahan? Aristokrato ang pamilyang kinabibilangan ni San Leon. Nagmula siya sa Tuscany, isang napakagandang rehiyon ng Italya.  Isinilang siya sa pagitan ng mga taong 390-400. Nag-aral si San Leon sa Roma at madali niyang nakuha ang istilo ng pag-iisip at pagkilos ng mga Romano. Nang maging diyakono siya, tila may maganda na siyang reputasyon sa mga kasabayan niya.  Nang magkaroon ng gulo sa Gaul o France noong taong 440, ipinadala siya agad ng emperador upang maging tagapamagitan sa kapayapaan sa mga grupong nag-aaway. Habang nasa France ay namatay ang Santo Papa at pinili ng mga tao si San Leon upang maging kahalili nito. Kaya ipinatawag siya mula sa France upang akuin ang posisyon sa Roma.  Isang malaking biyaya ito sa simbahan dahil sa napakaraming gagawin ng taong ito para sa kaayusan ng simbahan. Nagsimula si San Leon sa pamamagitan ng paglaban sa mga maling turo ng ilang mga grupo ng mga Kristiyanong naliligaw ng landas. Kalimitan sa mga turong ito ay may kinalaman sa maling pang-unawa tungkol sa katauhan ng Panginoong Jesukristo. Nagtawag ng mga pulong, sumulat ng mga libro, at nagturo sa mga tao ang bagong Santo Papa upang salungatin ang mga ereheng Manicheans, Nestorians (sa tulong ng Council of Ephesus noong 431), Priscillanists at Arians. Sinikap ni San Leon na linawin ang tunay na turo ng simbahan tungkol sa Christology (ang pagkaka-unawa kay Kristo). Dahil sa kanya ay nabigyan ng solusyon ang ilang mga mabibigat na problema sa aspektong ito ng doktrina. Ipinaglaban niya ang wastong doktrina ng Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos.  Binigyang-halaga ang kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesukristo sa buong simbahan. Isinaayos ni San Leon ang liturhiya ng simbahan.  Nangaral siya at nagsulat ng mahahalagang aklat para maging gabay ng mga mananampalataya. Dahil sa kanya, nagkaroon ng bagong pananaw sa tungkulin ng Santo Papa bilang kahalili ni San Pedro. Nagbunga ito ng sentralisasyon o pagkakatutok ng pansin ng buong simbahan sa tungkulin ng Santo Papa bilang awtoridad sa larangang espirituwal at pati materyal sa buong Kanluran.  Tumibay ang pagtanggap at pagkilala sa Santo Papa bilang may pangunahing dangal at kapangyarihan sa buong simbahan.  Sinimulang ipagdiwang ang kapistahan ng Luklukan ni San Pedro. Isinugo si San Leon bilang isa sa mga makikipag-usap kay Attila na nagnais na sakupin ang Roma. Itinigil ni Attila ang planong mag-martsa patungong Roma at tuluyang lumayo.  Nang maganap ito, si San Leon ang itinuring na bayani ng mga tao. Naniwala ang marami na ang kapangyarihan niyang makalangit ang nagbunsod sa mandirigma na umurong.  Nang pasukin naman ng mga Vandals ang Roma, napilit ni San Leon ang mga ito na huwag nang patayin ang mga tao at huwag sunugin ang buong lungsod. Dahil sa dami ng kontribusyon ng santo, binansagan siyang Dakila.  Siya ang unang Santo Papa na pinagkalooban ng ganitong karangalan.  Namatay siya noong Nobyembre 10, 461. B. HAMON SA BUHAY Sinikap ni San Leon na maging tulay ng pagkakaisa at pagkakasundo para sa simbahan. Saanman tayo naroroon, gawin natin ang lahat upang makapagdala tayo ng mga mahahalagang bagay na ito sa ating kapaligiran. K. KATAGA NG BUHAY Jn 15, 5 Ako ang siyang puno ng ubas; kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 438