Home » Blog » SAINTS OF NOVEMBER: DAKILANG SAN ALBERTO, OBISPO AT PANTAS

SAINTS OF NOVEMBER: DAKILANG SAN ALBERTO, OBISPO AT PANTAS

NOBYEMBRE 15

A. KUWENTO NG BUHAY

Nalaman natin kung paanong ang isang santo katulad ni San Leon (Nobyembre 10) ay tinawag na “Dakila” sa kanyang panunungkulan bilang isang Santo Papa ng ating simbahan.  At ngayon isa na namang “Dakila” ang ating pinararangalan.  Ano ba ang dakila sa pagkatao ni San Alberto (Alberto Magnus)?

Masasabi natin ang sikreto ng kanyang pagiging dakila sa mata ng marami ay ang kanyang karunungan.  Si San Alberto ay tunay na guro. At ang nais niya ay maibahagi sa maraming tao ang kanyang natuklasang kaalaman.

Sa dami ng kanyang kontribusyon sa pagtuturo tungkol sa Banal na Kasulatan o Bibliya, sa Teolohiya, sa Pilosopiya at sa natural na agham, itinuring na dakila ang santong ito.  Sadyang hindi maikakaila ang kanyang naiambag sa tinatawag na “scholasticism” – isang uri ng pagkakamit ng karunungan sa pamamagitan ng mga unibersidad o pamantasan noon sa Europa.

Siguro nakatulong na din ang pagiging guro niya sa batang-bata pa noon na Dominikanong prayle na kilala sa pangalang Tomas. Pagdating ng panahon, sisikat ang bituin ng estudyanteng ito bilang si Santo Tomas Aquino (Enero 28) na ang mga aral sa Teolohiya at Pilosopiya ay pahahalagahan ng simbahan magpasa-ating  panahon.  Kung baga, si Santo Tomas ang bunga at si San Alberto naman ang puno. Eto na naman ang isang halimbawa ng mga santo na nagkaroon ng kaugnayan; sa halimbawang ito, isang dakilang guro at ang kanyang mahusay na estudyante.

Ipinanganak si San Alberto sa Bavaria sa Germany noong 1206. Matapos siyang mag-aral sa pamantasan o unibersidad ng Padua, naisipan niyang pumasok sa buhay relihiyoso at naging isa siyang Dominikanong pari. Sinasabing ang desisyong ito ay bunga ng kanyang debosyon sa Mahal na Birheng Maria.

Una siyang nagturo sa kumbento ng mga Dominikano sa Cologne. Kumalat ang kanyang impluwensya nang magturo siya sa iba’t-ibang lugar: sa Freiburg, Regensburg, Strassburg at sa Paris.  Sa Paris niya naging estudyante si Santo Tomas.

Malaki ang nagawa ni San Alberto upang maipakilala at magamit ang pilosopiya ni Aristotle para sa pag-aaral ng Teolohiya.  Noong panahong iyon mas kilala ang sistema nina San Agustin at ni Plato.  Napakarami din niyang naisulat tungkol sa Mahal na Birheng Maria, mas marami sa sinumang manunulat noong panahon na iyon.

Naglingkod din siya sa pamayanan ng mga Dominikano bilang pinuno o provincial superior sa buong Germany.  Nahirang siya na maging obispo ng Regensburg, at hinawakan niya ang posisyong ito ng dalawa o tatlong taon lamang upang makabalik siya sa pangangaral niya. Bilang obispo tumanggi siyang maglakbay sa kanyang diyosesis na nakasakay sa isang kabayo, at tanda ng kababaang-loob, naglakbay siyang naglalakad. Minahal siya dahil dito ng mga tao.

Nakadalo si San Alberto sa Council of Lyons.  Ipinagtanggol niya ang pagiging matuwid at tama ng mga turo ng estudyante niyang si Santo Tomas na naunang namatay sa kanya noong 1274, bagay na lubos niyang ikinalungkot. 

Humina ang kalusugan ni San Alberto. Namatay siya noong 1280.

B. HAMON SA BUHAY

Para sa ating mga Katoliko, hindi magkasalungat ang pagiging matalino at ang pagiging banal. Lahat ng karunungan ay mula sa Diyos at sa Diyos din naman hahantong. Mag-aral tayong mabuti ng maraming bagay at ialay natin ang ating kaalaman para sa ikabubuti ng buhay ng iba.

K. KATAGA NG BUHAY

Mga Gawa 16, 4

Sa kanilang pagdaan sa mga lunsod, sinabi nila ang tagubiling ipinasya ng mga apostol at Matatanda sa Jerusalem, upang matupad nila ang mga iyon.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)