SAINTS OF NOVEMBER: PAGDADALA SA MAHAL NA BIRHEN SA TEMPLO

NOBYEMBRE 21 A. KUWENTO NG BUHAY Pagdating sa Mahal na Birheng Maria, hindi mauubos ang pagiging malikhain ng mga Kristiyano.  Ang kapistahan sa araw na ito ay bunga ng pagninilay ng mga tao sa pagsilang at kabataan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Nais ng mga Kristiyano na maunawaan ang mga biyayang tinanggap ni Maria mula pa noong unang mga taon ng kanyang buhay. Wala sa Banal na Kasulatan ang salaysay tungkol sa kabataan ni Maria. Pero mayaman ang Tradisyon ng simbahan tungkol sa mga kuwento na nakaugnay sa buhay niya. Hindi tinatanggap ang mga kuwentong ito bilang kapantay ng turo ng Bibliya o bilang doktrinang dapat ihanay sa mga artikulo ng pananampalataya.  Ang mga ito ay sanhi ng debosyon at lalong pagpapahalaga kay Maria at sa kanyang importanteng gampanin sa kasaysayan ng kaligtasan. Ang pinakaugat ng pagdiriwang na ito ay matatagpuan sa aklat na tinatawag na Protoevangelium of James (Pangunang Ebanghelyo ayon kay Santiago). Hindi ito tinanggap na bahagi ng mga aklat na bumubuo sa Bibliya.  Pero kung tutuusin, sinauna din ang aklat na ito na maaaring nasulat noong taong 200. Ayon sa sumulat ng aklat, ang mga magulang ni Maria ay sina Joaquin at Ana.  Hindi magkaanak ang dalawa sa kabila ng kanilang paghahangad na maging buo ang kanilang pamilya. Pero minsan pinagbigyan ng Diyos ang kahilingan ng kanilang puso. Nakatanggap ng isang mensahe mula sa langit ang mag-asawa.  At kasunod nito ay dumating ang kanilang kaisa-isang anak, isang babae, na regalo ng Diyos. Sobra ang kagalakan ng mag-asawa at ang una nilang naisip na gawin ay magpasalamat sa Diyos. Habang isang sanggol pa lamang, dinala ni Joaquin at Ana sa Templo ng Jerusalem ang kanilang anak na si Maria. Dito, inialay nila ang anak sa Diyos. lubos silang nagpasalamat at nagpuri sa Diyos. May salaysay din na sa murang edad na 3 taon, ibinalik si Maria sa Templo. Ipinagkatiwala daw siya sa pangangalaga ng mga banal na babae na naroon at nag-aalaga ng iba pang mga batang babae. Dito tinuruan si Maria at mga kasama na maging tapat sa Diyos at sa bayang Israel.  Noon pa lamang, nagsimula na ang paghahanda sa puso ng bata upang balang araw ay maging handa sa natatanging misyon sa buhay. Maaaring wala sa Bibliya ang ugat ng kapistahang ito, pero sa tulong nito ay ipinapakita sa atin na bata pa lamang ay nakatalaga na sa Diyos ang buhay ni Maria.  Inihanda ng Diyos ang kanyang puso para sa natatanging biyaya at misyon sa buhay na magaganap sa pagdating ng Anak ng Diyos na si Jesus sa kanyang buhay. B. HAMON SA BUHAY Katulad ng Mahal na Birhen lagi nating ialay ang ating puso at isip sa Diyos. Sa paghahandog na ito, mapupuno ng biyaya ang buhay natin at ng ating mga minamahal. K. KATAGA NG BUHAY Acts 1, 14 Nagkakaisa sila ng diwa at patuloy na nananalangin, kasama ang ilang babae, pati si Mariang ina ni Jesus, at ang kanyang mga  kapatid. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 545