NOBYEMBRE 18 A. KUWENTO NG BUHAY Kahit hindi tungkol sa mga santo, apat na kapistahan ang kasama sa ating kalendaryo na tumutukoy sa pagtatalaga ng apat na ispesyal na simbahan na matatagpuan sa lungsod ng Roma. Ang apat na simbahang ito ay tinatawag na basilica o “palasyong simbahan.” Kahit maraming simbahan sa palibot ng Roma, at lalong maraming simbahang Katoliko sa buong mundo (at ang iba dito ay tinatawag ding basilica), pinakamahalaga sa kasaysayan natin ang apat na simbahang ipinagdiriwang natin sa liturhiya. Para bang ito ang mga haligi ng lahat ng mga simbahan sa buong daigdig. Natalakay na ang naunang mga kapistahan ng mga basilicang ito: Agosto 5 – Basilica ng Mahal na Birheng Maria sa Roma (St. Mary Major) Nobyembre 9 – Basilica ng San Juan Laterano (St. John Lateran) Ngayon naman ay sabay na inaalala ang pagtatalaga ng 2 pang basilica na: Basilica ni San Pedro (St. Peter’s, sa Vatican City) at Basilica ni San Pablo Apostol (St. Paul’s Outside-the-Walls). Ano ang kahalagahan ng dalawang simbahang ito? Una, nakapangalan ang mga ito sa tinatawag na mga “prinsipe” ng mga apostol ni Kristo – si San Pedro na siyang pinuno ng Labing-dalawa at unang obispo ng Roma, at si San Pablo na kahit hindi kabilang sa orihinal na Labing-dalawa ay itinuturing na apostol dahil sa kanyang mahalagang misyon na dalhin sa mga taga-labas ng Israel ang Mabuting Balita. Ayon sa Tradisyon ng Simbahan, na napatunayang tama sa tulong ng pagsasaliksik ng mga archaelogists, ang dalawang apostol ay namatay sa Roma. Nakalibing sila sa ilalim ng mga simbahang nakatalaga sa kanila ngayon doon. Sinimulang itatag ang basilica ni San Pedro noong taong 350. Ang kay San Pablo naman ay noong taong 390. Si emperador Constantino at ang kanyang mga anak ang nagsimula at nagpatapos ng unang simbahan ni San Pedro. Ito ay nasa ibabaw ng dating sementeryo ng mga pagano na naging sementeryo ng mga unang Kristiyano sa Roma. Ang tawag sa lugar ay burol ng Vaticano (Vatican Hill). Taong 200 pa lamang ay naniniwala na ang mga tao na si San Pedro ay nakalibing sa ilalim ng simbahang ito at dinadalaw nila ito upang magdasal. Noong taong 1940-49, ipinahukay ang ilalim ng simbahan upang makita ang orihinal na simbahang gawa ni Constantino. Nadiskubre ang libingan ni San Pedro, kasama ang marami pang ibang nailibing din doon, Kristiyano at hindi Kristiyano. Mapalad akong nakadalaw sa ilalim ng simbahan para makita ang orihinal na libingan. Puwedeng mag-request na sumama sa tour ng “scavi” (o excavation) upang makababa sa ilalim ng lupa at makita ang lugar kung saan nagtatrabaho ang mga archaelogists para pag-aralan ang mga sinaunang lugar na ito at ang mga archaelogical finds doon. Mula naman sa loob ng simbahan ni San Pedro, ang mga relics ng apostol ay nasa ilalim ng main altar na tinatawag na Altar of Confession. May mga nakasinding kandila dito na sagisag ng respeto para sa ala-ala ni San Pedro. Sa altar na ito nagmimisa ang Santo Papa sa mga mahahalagang okasyon, tulad ng nakikita natin sa telebisyon. Ang lugar na ito ay simbolo ng pagkakaisa ng simbahang nasa buong daigdig. Kasama ko noong Disyembre 1999 si Fr. Manolo Punzalan nang buksan ni Papa San Juan Pablo II ang jubilee door ng simbahang ito para sa Great Jubilee Year 2000. Ang simbahan naman ni San Pablo ay malayu-layo, nasa Ostian Way. Nasunog ang basilicang ito noong 1823 at muling itinalaga sa Diyos noong 1854. Ayon sa paniniwala ng mga Kristiyano noon pa man, nasa ilalim ng simbahan ang mga relic o labi ni San Pablo Apostol. Dinadalaw din ito ng mga tao upang magdasal. Noong taong 2006 natuklasan ang isang puting marmol na sarcophagus (nitso o lalagyan ng isang yumaong tao) na pinaniniwalaang naging lalagyan ng relic ng nasabing apostol. Noong 2009, sinabi ng mga eksperto na ang mga buto sa loob ng nitso ay talagang kay San Pablo. Nakasulat ang pangalan ni “San Pablo, Martir” sa isang tabas ng marmol. Nasa loob ako ng simbahang ito nang buksan ni Papa San Juan Pablo II ang jubilee door dito noong Enero 2000, sa tulong ni Ambassador Tita de Villa at ng kanyang anak, ang aking kaibigan na si Ms. Maricor de Villa. B. HAMON SA BUHAY Salamat sa Diyos at tunay na makasaysayan ang ating simbahan pero patuloy pa rin itong naglalakbay sa modernong panahon upang magdala ng Mabuting Balita sa mga tao ngayon, ang mensahe na siyang unang dinala ng mga apostol sa mga unang Kristiyano. K. KATAGA NG BUHAY Jn 6, 69 Naniniwala na kami at kilala naming ikaw ang Banal ng Diyos. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 423
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed