SAINTS OF NOVEMBER: PAGTATALAGA SA PALASYONG SIMBAHAN NG SAN JUAN LATERANO
NOBYEMBRE 9 A. KUWENTO NG BUHAY Ang lahat ng obispong may pananagutan sa pamamahala sa isang teritoryo ng mga Katoliko (diyosesis, bikaryato, atbp) ay may simbahan o katedral na siyang sentro ng kanyang paglilingkod. Sa simbahang ito ay may isang marangal na upuan o luklukan na naka-reserba para sa obispo sa mga pagdiriwang ng liturhiya na siya ang nangunguna. Mayroon ding mga obispo na walang pananagutan sa direktang pamamahala sa mga tao. Sila ay nakadestino sa mga opisina ng simbahan o sa mga natatanging gampanin o proyekto ng simbahan. Ang mga ito ay walang katedral na tanda ng kanilang paglilingkod. Ang Santo Papa ang siyang obispo ng diyosesis ng Roma. Kahit na siya ang pinuno ng lahat ng mga Katoliko sa buong mundo, sa Roma siya ang karaniwang obispo tulad ng ibang mga obispo saanman sa daigdig. Sa larangang ito, ang Santo Papa ay tulad ng lahat niyang kapatid na mga obispo. Dumadalaw siya sa mga parokya, nagkukumpil ng mga bata, dumadalo sa mga pulong at nag-iisip ng mga programa para sa paglago at paghubog ng mga tao. Kadalasan akala ng mga tao na ang simbahang luklukan o sentro ng pamamahala ng Santo Papa ay ang St. Peter’s Basilica sa Vatican City. Dito natin nakikita siya sa telebisyon at mga diyaryo na tumatanggap ng mga bisita, nagbibigay ng mga talumpati, nagdiriwang ng Misa at nagbibigay ng pagbati at bendisyon tuwing Pasko, Bagong Taon at Pagkabuhay. Dito ang sentro ng kanyang pamumuno bilang pastol ng mga Katoliko sa buong daigdig. Pero ang talagang katedral o simbahan ng Santo Papa bilang obispo ng Roma ay hindi ang St. Peter’s Basilica kundi ang Basilica of St. John Lateran (Simbahan ng San Juan Laterano). Dito naman ang sentro ng kanyang pamumuno bilang pastol ng lahat ng Katoliko sa diyosesis ng Roma. Ang basilica o simbahan ng San Juan Laterano ay tinatawag ding basilica ng Kabanal-banalang Tagapagligtas. Itinuturing itong “ina ng lahat ng mga simbahan” dahil ito ang opisyal na luklukan ng obispo ng Roma, ang sentro ng simbahang Katoliko sa buong mundo. Itinayo ang simbahang ito noong 324 ng emperador Constantino. Ang mga patron saints nito ay sina San Juan Apostol at San Juan Bautista; may isang magandang baptisterio o lugar para sa binyag sa gilid ng simbahan. Karaniwan, pero hindi lagi, dito nagmimisa ang obispo ng Roma tuwing Huwebes Santo, ang Misa ng Huling Hapunan ng Panginoon. Ipinaaalala ng simbahang ito na ang lahat ng mga simbahang lokal sa buong mundo ay ini-anak mula sa simbahan ng Roma, na sinasagisag ng San Juan Laterano. Ipinaaalala din an ang simbahang pandaigdig ay matatagpuan nang buong-buo sa bawat simbahang lokal at hindi lamang sa Roma. Bawat simbahang lokal tulad ng isang diyosesis ay tunay na simbahan ni Kristo dahil may obispo na siyang tanda ng paglingap ni Kristo sa kanyang kawan. Ang bawat obispo ay kinatawan ng Panginoon at hindi kinatawan ng Santo Papa. Lahat ng obispo (sa Roma man o sa ating kinabibilangan diyosesis) ay kinatawan ni Kristo sa kani-kanilang mga diyosesis. Sa ganitong paraan, makikita na pantay-pantay ang kanilang karangalan bilang mga pastol ng bayan ng Diyos. B. HAMON SA BUHAY Ang karangalan ng Santo Papa sa Roma ay hindi dahil mas makapangyarihan siya o mas sikat kaya. Mula pa noong una, sabi ng mga Fathers of the Church (mga Ama ng simbahan), ang tunay na karangalan ng Santo Papa ay ang kanyang pamumuno sa katotohanan at pagmamahal. Ipagdasal nating ang ating mga obispo ay maging tunay na salamin ng pagmamahal at awa ng Diyos at hindi magaling na manager lang ng isang tungkuling tinanggap nila. K. KATAGA NG BUHAY Juan 15,9 Kung paano ako minahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 444
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed